DANIEL 9
9
Nanalangin si Daniel para sa Kanyang Bayan
1Nang unang taon ni Dario na anak ni Ahasuerus, mula sa lahi ng Media, na naging hari sa kaharian ng mga taga-Caldea—
2nang#Jer. 25:11; 29:10 unang taon ng kanyang paghahari, akong si Daniel ay nakaunawa mula sa mga aklat ng bilang ng mga taon, ayon sa salita ng Panginoon kay propeta Jeremias, na dapat lumipas bago magwakas ang pagkasira ng Jerusalem, ito ay pitumpung taon.
3Kaya ako'y bumaling sa Panginoong Diyos at hinanap siya sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pag-aayuno, may damit-sako at mga abo.
4Ako'y nanalangin sa Panginoon kong Diyos, at nagpahayag ng kasalanan na sinasabi, “O Panginoon, Diyos na dakila at kakilakilabot, na nag-iingat ng tipan at tapat na pag-ibig sa umiibig sa iyo at nag-iingat ng iyong mga utos.
5Kami ay nagkasala, gumawa ng pagkakamali, kumilos na may kasamaan, naghimagsik at tumalikod sa iyong mga utos at mga batas.
6Ni hindi kami nakinig sa iyong mga lingkod na mga propeta, na nagsalita sa iyong pangalan sa aming mga hari, mga pinuno, mga ninuno, at sa lahat ng mga tao ng lupain.
7O Panginoon, ang katuwiran ay sa iyo, ngunit sa amin ay hayag na kahihiyan hanggang sa araw na ito, sa mga tao ng Juda, sa mga naninirahan sa Jerusalem, sa buong Israel, sa mga nasa malapit at nasa malayo sa lahat ng lupain na iyong pinagtabuyan sa kanila dahil sa kataksilang ginawa nila laban sa iyo.
8O Panginoon, hayag na kahihiyan ang dumating sa amin, sa aming mga hari, mga pinuno, at mga ninuno, sapagkat kami ay nagkasala laban sa iyo.
9Sa Panginoon naming Diyos nagmumula ang habag at kapatawaran; sapagkat kami ay naghimagsik laban sa kanya.
10Ni hindi namin sinunod ang tinig ng Panginoon naming Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga kautusan na kanyang inilagay sa harapan namin sa pamamagitan ng kanyang lingkod na mga propeta.
11Tunay na ang buong Israel ay sumuway sa iyong kautusan at tumalikod, na hindi nakinig sa iyong tinig. At ang sumpa na nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos ay ibinuhos sa amin, sapagkat kami ay nagkasala laban sa kanya.
12Sa gayo'y kanyang pinagtibay ang kanyang mga salita na kanyang sinalita laban sa amin, at laban sa aming mga pinuno na namuno sa amin, sa pamamagitan ng pagdadala sa amin ng malaking kapahamakan; sapagkat sa silong ng buong langit ay hindi pa nagagawa ang gaya ng ginawa sa Jerusalem.
13Gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, lahat ng kapahamakang ito'y dumating sa amin, gayunma'y hindi namin hiniling ang lingap ng Panginoon naming Diyos, at hindi namin tinalikuran ang aming mga kasamaan at pinakinggan ang iyong katotohanan.
14Kaya't inihanda ng Panginoon ang kapahamakan, at ibinagsak sa amin; sapagkat ang Panginoon naming Diyos ay matuwid sa lahat ng kanyang mga gawa na kanyang ginagawa, ngunit hindi namin tinupad ang kanyang tinig.
15At ngayon, O Panginoon naming Diyos na naglabas ng iyong bayan mula sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at pinatanyag mo ang iyong pangalan hanggang sa araw na ito; kami ay nagkasala, kami ay gumawa ng kasamaan.
16O Panginoon, ayon sa lahat mong matuwid na mga gawa, ilayo mo nawa ang iyong galit at poot sa Jerusalem na iyong lunsod, ang iyong banal na bundok; sapagkat dahil sa aming mga kasalanan, at dahil sa mga kasamaan ng aming mga ninuno, ang Jerusalem at ang iyong sambayanan ay naging kahiyahiya sa lahat ng nasa palibot namin.
17Kaya't ngayon, O aming Diyos, pakinggan mo ang panalangin at mga pagsamo ng iyong lingkod, alang-alang sa iyo, O Panginoon, at paliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong wasak na santuwaryo.
18O Diyos ko, ikiling mo ang iyong tainga, at ikaw ay makinig. Ibukas mo ang iyong mga mata, at masdan mo ang aming mga pagkawasak, at ang lunsod na tinatawag sa iyong pangalan; sapagkat hindi namin inihaharap ang aming mga pagsamo sa harapan mo dahil sa aming mga katuwiran, kundi dahil sa iyong dakilang awa.
19O Panginoon, makinig ka; O Panginoon, magpatawad ka; O Panginoon, makinig ka at kumilos ka! Alang-alang sa iyong sarili, O aking Diyos, huwag mong ipagpaliban sapagkat ang iyong lunsod at ang iyong sambayanan ay tinatawag sa iyong pangalan.”
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Propesiya
20Samantalang ako'y nagsasalita at nananalangin, at nagpapahayag ng aking kasalanan at ng kasalanan ng aking bayang Israel, at naghaharap ng aking samo sa harapan ng Panginoon kong Diyos alang-alang sa banal na bundok ng aking Diyos;
21samantalang#Lu. 1:19, 26 ako'y nagsasalita sa panalangin, ang lalaking si Gabriel, na aking nakita sa pangitain nang una, ay dumating sa akin sa mabilis na paglipad, sa panahon ng pag-aalay sa hapon.
22Ako'y kanyang tinuruan at nakipag-usap sa akin at sinabi, “O Daniel, ako'y lumabas ngayon upang bigyan ka ng karunungan at pagkaunawa.
23Sa pasimula ng iyong mga samo ay lumabas ang salita, at ako'y naparito upang sabihin sa iyo; sapagkat ikaw ay lubhang minamahal. Kaya't isaalang-alang mo ang salita at unawain ang pangitain:
24“Pitumpung sanlinggo ang itinakda para sa iyong bayan at sa iyong banal na lunsod: upang tapusin ang pagsuway, wakasan ang pagkakasala, gumawa ng pagtubos para sa kasamaan, dalhan ng walang hanggang katuwiran, tatakan ang pangitain at ang propesiya, at upang buhusan ng langis ang kabanal-banalan.
25Kaya't iyong alamin at unawain, na mula sa paglabas ng utos na panumbalikin at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng Mesiyas,#9:25 o binuhusan ng langis. na pinuno, ay pitong sanlinggo at animnapu't dalawang sanlinggo. Ito'y muling itatayo na may lansangan at kuta, samakatuwid ay sa mga panahon ng kaguluhan.
26Pagkalipas ng animnapu't dalawang sanlinggo, ang Mesiyas#9:26 o binuhusan ng langis. ay mahihiwalay at mawawalan, at ang bayan ng pinunong darating ang wawasak sa lunsod at sa santuwaryo. Ang wakas nito ay sa pamamagitan ng baha, at hanggang sa katapusan ay magkakaroon ng digmaan. Ang pagkasira ay itinakda na.
27At#Dan. 11:31; 12:11; Mt. 24:15; Mc. 13:14 siya'y gagawa ng isang matibay na tipan sa marami sa loob ng isang linggo, at sa kalagitnaan ng sanlinggo ay kanyang patitigilin ang handog at ang alay; at sa pakpak ng mga kasuklamsuklam ay darating ang isang mangwawasak, hanggang sa ang iniutos na wakas ay maibuhos sa mangwawasak.”
Currently Selected:
DANIEL 9: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001