YouVersion Logo
Search Icon

DANIEL 7

7
Ang Pangitain tungkol sa Apat na Halimaw
1Nang unang taon ni Belshasar na hari sa Babilonia, si Daniel ay nanaginip at nagkaroon ng mga pangitain habang nakahiga sa kanyang higaan. At kanyang isinulat ang panaginip, at isinalaysay ang kabuuan nito.
2Sinabi ni Daniel, “Nakita ko sa aking pangitain sa gabi at narito, ang apat na hangin ng langit na humihihip sa malaking dagat,
3at#Apoc. 13:1; 17:8 apat na malalaking halimaw#7:3 o hayop. na magkakaiba ang umahon mula sa dagat.
4Ang#Apoc. 13:2 una'y gaya ng leon at may mga pakpak ng agila. Habang aking minamasdan, ang mga pakpak nito'y nahugot, at ito'y nataas mula sa lupa, at pinatayo sa dalawang paa na gaya ng isang tao; at binigyan din ito ng isip ng tao.
5Lumitaw ang isa pang halimaw, ang ikalawa, na gaya ng isang oso. Ito ay nakataas sa isang tagiliran, may tatlong tadyang sa kanyang bibig sa pagitan ng kanyang mga ngipin; at sinabi rito, ‘Bumangon ka, lumamon ka ng maraming laman.’
6Pagkatapos nito'y tumingin ako at may isa pang gaya ng leopardo na may apat na pakpak ng ibon sa likod nito. Ang halimaw ay mayroong apat na ulo; at binigyan siya ng kapangyarihan.
7Pagkatapos#Apoc. 12:3; 13:1 nito'y nakita ko sa pangitain sa gabi ang ikaapat na halimaw na kakilakilabot, nakakatakot, at napakalakas. Ito'y may malaking ngiping bakal; ito'y nananakmal at lumuluray, at niyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi. Ito ay kaiba sa lahat ng halimaw na una sa kanya, at siya'y may sampung sungay.
8Habang#Apoc. 13:5, 6 tinitingnan kong mabuti ang mga sungay, narito, lumitaw sa gitna ng mga iyon ang isa pang munting sungay, at sa harap nito ay tatlo sa mga unang sungay ang nabunot sa mga ugat. Narito, sa sungay na ito ay may mga mata na gaya ng mata ng tao, at isang bibig na nagsasalita ng mga kapalaluan.
9Habang#Apoc. 20:4; Apoc. 1:14 ako'y nakatingin, may mga tronong inilagay,
at ang Matanda sa mga Araw ay umupo.
Ang kanyang kasuotan ay kasimputi ng niyebe,
at ang buhok ng kanyang ulo ay gaya ng purong lana.
Ang kanyang trono ay naglalagablab sa apoy
at ang mga gulong nito ay nagniningas na apoy.
10May#Apoc. 5:11; Apoc. 20:12 dumaloy na isang ilog ng apoy
at lumabas mula sa harapan niya,
libu-libo ang naglilingkod sa kanya,
at laksa-laksa ang nakatayo sa harapan niya.
Ang hukuman ay humanda para sa paghuhukom,
at ang mga aklat ay nabuksan.
11Ako'y tumingin dahil sa ingay ng mga palalong salita na sinasabi ng sungay. Nagpatuloy akong tumingin hanggang ang halimaw ay napatay, at ang kanyang katawan ay winasak, at ibinigay upang sunugin ng apoy.
12At tungkol sa iba pang mga halimaw, ang kanilang kapangyarihan ay inalis, ngunit ang kanilang mga buhay ay pinahaba pa ng isang kapanahunan at isang panahon.
13Patuloy#Mt. 24:30; 26:64; Mc. 13:26; 14:62; Lu. 21:27; Apoc. 1:7, 13; 14:14 akong nakakita sa pangitain sa gabi, at narito,
ang isang gaya ng Anak ng tao na dumarating kasama ng mga ulap.
At siya'y lumapit sa Matanda sa mga Araw,
at iniharap sa kanya.
14Binigyan#Apoc. 11:15 siya ng kapangyarihan,
kaluwalhatian, at kaharian,
upang ang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika
ay maglingkod sa kanya.
Ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan
na hindi lilipas,
at ang kanyang kaharian
ay hindi mawawasak.
Ang Panaginip ay Ipinaliwanag
15“Tungkol sa akin, akong si Daniel, ang aking espiritu ay nabalisa sa loob ko, at binagabag ako ng aking mga pangitain sa aking pag-iisip.
16Ako'y lumapit sa isa sa kanila na nakatayo roon at itinanong ko sa kanya ang katotohanan tungkol sa lahat ng ito. Kaya't sinabi niya at ipinaalam sa akin ang kahulugan ng mga bagay.
17Ang apat na malaking halimaw na ito ay apat na hari na lilitaw mula sa lupa.
18Ngunit#Apoc. 22:5 tatanggapin ng mga banal ng Kataas-taasan ang kaharian, at aangkinin ang kaharian magpakailan kailanpaman.
19Pagkatapos ay ninais kong malaman ang katotohanan tungkol sa ikaapat na halimaw na kaiba sa lahat, na totoong kakilakilabot, na ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso; na nananakmal, lumuluray, at niyuyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi;
20at tungkol sa sampung sungay na nasa kanyang ulo, at ang isa pang sungay na sumibol, na sa harapan nito'y nabuwal ang tatlo, ang sungay na may mga mata, at bibig na nagsasalitang may kapalaluan, na ang anyo ay parang higit na makapangyarihan kaysa kanyang mga kasama.
21Habang#Apoc. 13:7 ako'y nakatingin, ang sungay na ito ay nakipagdigma sa mga banal, at nagtagumpay laban sa kanila,
22hanggang#Apoc. 20:4 sa ang Matanda sa mga Araw ay dumating. At ang paghatol ay ibinigay para sa mga banal ng Kataas-taasan, at ang panaho'y dumating na tinanggap ng mga banal ang kaharian.
23“Ganito ang kanyang sinabi:
‘Ang ikaapat na halimaw ay
magiging ikaapat na kaharian sa ibabaw ng lupa,
na magiging kaiba sa lahat ng kaharian,
at sasakmalin nito ang buong lupa,
yuyurakan ito at pagluluray-lurayin.
24Tungkol#Apoc. 17:12 sa sampung sungay,
mula sa kahariang ito ay babangon ang sampung hari,
at may isa pang babangong kasunod nila.
Siya'y magiging kaiba kaysa mga nauna,
at kanyang ibabagsak ang tatlong hari.
25At#Apoc. 12:14; 13:5, 6 siya'y magsasalita laban sa Kataas-taasan,
at lilipulin niya ang mga banal ng Kataas-taasan;
at kanyang iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan;
at sila'y ibibigay sa kanyang kamay
hanggang sa isang panahon,
mga panahon at kalahati ng isang panahon.
26Pagkatapos nito, ang hukuman ay uupo sa paghatol,
at ang kanyang kapangyarihan ay aalisin,
upang mapuksa at ganap na mawasak.
27At#Apoc. 20:4; Apoc. 22:5 ang kaharian, ang kapangyarihan,
at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit,
ay ibibigay sa bayan ng mga banal ng Kataas-taasan.
Ang kanyang kaharian ay magiging walang hanggang kaharian,
at ang lahat ng kapangyarihan ay maglilingkod at susunod sa kanya.’
28“Dito nagwakas ang pahayag. Tungkol sa akin, akong si Daniel, ay lubhang binabagabag ng aking pag-iisip, at ang aking mukha ay namutla; ngunit iningatan ko ang bagay na ito sa aking isipan.”

Currently Selected:

DANIEL 7: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in