DANIEL 2
2
Ang Panaginip ni Haring Nebukadnezar
1Sa ikalawang taon ng paghahari ni Nebukadnezar, si Nebukadnezar ay nagkaroon ng mga panaginip. Ang kanyang espiritu ay nabagabag, at hindi na siya makatulog.
2Nang magkagayo'y ipinag-utos ng hari na tawagin ang mga salamangkero, mga engkantador, mga manghuhula, at ang mga Caldeo, upang sabihin sa hari ang kanyang mga panaginip. Kaya sila'y dumating at humarap sa hari.
3At sinabi ng hari sa kanila, “Ako'y nanaginip at ang aking espiritu ay nabagabag sa pagnanais na maunawaan ang panaginip.”
4Nang magkagayo'y sinabi ng mga Caldeo sa hari sa wikang Aramaico,#2:4 Ang orihinal ng bahaging ito hanggang sa katapusan ng kabanata 7 ay nakasulat sa wikang Aramaico. “O hari, mabuhay ka magpakailanman. Sabihin mo sa iyong mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan.”
5Sinagot ng hari ang mga Caldeo, “Tiyak ang salita mula sa akin: kapag hindi ninyo naipaalam sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y pagpuputul-putulin, at ang inyong mga bahay ay gagawing bunton ng dumi.
6Ngunit kung inyong ipapaalam ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y tatanggap sa akin ng mga kaloob, mga gantimpala at dakilang karangalan. Kaya't ipaalam ninyo sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito.”
7Sila'y sumagot sa ikalawang pagkakataon, at nagsabi, “Sabihin ng hari sa kanyang mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan.”
8Ang hari ay sumagot, “Nakakatiyak ako na sinisikap ninyong magkaroon pa ng dagdag na panahon, sapagkat inyong nalalaman na ang aking salita ay tiyak,
9na kung hindi ninyo ipaalam sa akin ang panaginip, may iisang kautusan lamang para sa inyo. Sapagkat kayo'y nagkasundong magsalita ng kasinungalingan at masasamang salita sa harapan ko hanggang sa ang panahon ay magbago. Kaya't sabihin ninyo sa akin ang panaginip, at malalaman ko kung inyong maipapaliwanag sa akin ang kahulugan nito.”
10Ang mga Caldeo ay sumagot sa hari, at nagsabi, “Walang tao sa lupa na makapagbibigay ng hinihingi ng hari; sapagkat walang gayong kadakilang hari at makapangyarihang hari ang nagtanong ng ganyang bagay sa kaninumang salamangkero, engkantador, o Caldeo.
11At ang bagay na hinihingi ng hari ay napakahirap at walang makakapagpakita nito sa hari, maliban sa mga diyos, na ang tahanan ay hindi kasama ng mga tao.”
12Dahil sa bagay na ito ang hari ay nagalit at naging mabagsik at iniutos na patayin ang lahat ng pantas ng Babilonia.
13Kaya't ang utos ay kumalat na ang mga pantas ay papatayin; at hinanap nila si Daniel at ang kanyang mga kasama upang patayin sila.
Ipinakita ng Diyos kay Daniel ang Kahulugan ng Panaginip
14Nang magkagayo'y maingat at mahinahong sumagot si Daniel kay Arioc na punong-kawal ng bantay ng hari, na lumabas upang patayin ang mga pantas ng Babilonia.
15Sinabi niya kay Arioc na punong-kawal ng hari, “Bakit madalian ang utos ng hari?” Ipinaliwanag ni Arioc ang pangyayari kay Daniel.
16Kaya't si Daniel ay pumasok at humiling sa hari na bigyan siya ng panahon, upang kanyang maipaalam sa hari ang kahulugan.
17Pumasok si Daniel sa kanyang bahay at ipinaalam ang pangyayari kina Hananias, Mishael, at Azarias na kanyang mga kaibigan.
18Kanyang sinabihan sila na humingi ng awa sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang ito, upang si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay huwag mamatay na kasama ng ibang mga pantas ng Babilonia.
19At ang hiwaga ay inihayag kay Daniel sa isang pangitain sa gabi. Nang magkagayo'y pinuri ni Daniel ang Diyos sa langit.
20Sinabi ni Daniel:
“Purihin ang pangalan ng Diyos magpakailanman,
sapagkat sa kanya ang karunungan at kapangyarihan.
21Siya ang nagbabago ng mga panahon at mga kapanahunan;
siya'y nag-aalis ng mga hari, at naglalagay ng mga hari;
siya'y nagbibigay ng karunungan sa marunong
at ng kaalaman sa may pang-unawa;
22siya ang naghahayag ng malalalim at mahihiwagang bagay;
kanyang nalalaman kung ano ang nasa kadiliman,
at ang liwanag ay naninirahan sa kanya.
23Sa iyo, O Diyos ng aking mga ninuno,
ako'y nagpapasalamat at nagpupuri,
sapagkat binigyan mo ako ng karunungan at kapangyarihan,
at ipinaalam mo sa akin ang aming hinihiling sa iyo;
sapagkat iyong ipinaalam sa amin ang nangyari sa hari.”
24Kaya't pinuntahan ni Daniel si Arioc na siyang hinirang ng hari upang patayin ang mga pantas ng Babilonia at sinabi sa kanya ang ganito, “Huwag mong patayin ang mga pantas ng Babilonia; dalhin mo ako sa harapan ng hari, at aking ipapaalam sa hari ang kahulugan.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari
25Nang magkagayo'y nagmamadaling dinala ni Arioc si Daniel sa harapan ng hari, at sinabi ang ganito sa kanya, “Ako'y nakatagpo sa mga bihag mula sa Juda ng isang lalaking makapagsasabi ng kahulugan sa hari.”
26Sinabi ng hari kay Daniel na ang pangalan ay Belteshasar, “Kaya mo bang ipaalam sa akin ang panaginip na aking nakita, at ang kahulugan nito?”
27Si Daniel ay sumagot sa hari, “Walang pantas, mga engkantador, o mga salamangkero man ang makapagpapakita sa hari ng hiwaga na hiningi ng hari.
28Ngunit may isang Diyos sa langit na naghahayag ng mga hiwaga, at kanyang ipinaalam sa Haring Nebukadnezar kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. Ang iyong panaginip at pangitain habang ikaw ay nakahiga sa higaan ay ang mga ito:
29Tungkol sa iyo, O hari, habang ikaw ay nasa iyong higaan ay bumaling ang iyong mga pag-iisip kung ano ang mangyayari sa hinaharap; at siya na naghahayag ng mga hiwaga ay ipinaalam sa iyo kung ano ang mangyayari.
30Ngunit tungkol sa akin, ang hiwagang ito ay hindi ipinahayag sa akin dahil sa anumang higit na karunungan mayroon ako kaysa sinumang may buhay, kundi upang ang kahulugan ay maipaalam sa hari, at upang iyong maunawaan ang mga nilalaman ng iyong isipan.
31“Ikaw ay nakamasid, O hari, at nakakita ka ng isang malaking rebulto. Ang rebultong ito, makapangyarihan at lubhang makinang, ay tumayo sa harapan mo, at ang anyo nito'y kakilakilabot.
32Ang ulo ng rebultong ito ay dalisay na ginto; ang dibdib at mga bisig nito ay pilak, ang tiyan at mga hita nito ay tanso.
33Ang mga binti nito ay bakal, ang mga paa nito ay may bahaging bakal at may bahaging luwad.
34Patuloy kang tumitingin hanggang sa may natibag na isang bato, hindi sa pamamagitan ng mga kamay, at ito'y tumama sa rebulto sa mga paa nitong bakal at luwad, at dinurog ang mga ito.
35Nang magkagayon, ang bakal, ang luwad, ang tanso, ang pilak, at ang ginto ay nagkadurug-durog, at naging parang dayami sa mga giikan sa tag-araw. At ang mga ito ay tinangay ng hangin anupa't hindi matagpuan ang anumang bakas ng mga iyon. Ngunit ang bato na tumama sa rebulto ay naging malaking bundok at pinuno ang buong lupa.
Ibinigay ang Kahulugan ng Panaginip ng Hari
36“Ito ang panaginip; ngayo'y aming sasabihin sa hari ang kahulugan nito.
37Ikaw, O hari, ay hari ng mga hari, na binigyan ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, kalakasan, at ng kaluwalhatian;
38at saanman naninirahan ang mga anak ng mga tao, o ang mga hayop sa parang, o ang mga ibon sa himpapawid ay ibinigay niya ang mga ito sa iyong kamay, at pinamuno ka sa kanilang lahat. Ikaw ang ulong ginto.
39Pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mas mababa kaysa iyo; at mayroon pang ikatlong kahariang tanso na mamumuno sa buong lupa.
40At magkakaroon ng ikaapat na kaharian, kasintibay ng bakal, sapagkat ang bakal ay nakakadurog at nakakawasak ng lahat ng bagay; at gaya ng bakal na nakakadurog, kanyang dudurugin at babasagin ang lahat ng ito.
41Kung paanong iyong nakita na ang mga paa at mga daliri ay may bahaging luwad ng magpapalayok at may bahaging bakal, ito ay magiging kahariang hati; ngunit ang pagiging matigas ng bakal ay tataglayin nito, yamang iyong nakita na ang bakal ay nakahalo sa luwad.
42Kung paanong ang mga daliri ng paa ay bakal ang isang bahagi at ang isang bahagi ay luwad, ang kaharian ay may bahaging matibay at may bahaging marupok.
43Kung paanong iyong nakita na ang bakal ay nahahaluan ng luwad, pagsasamahin nila ang kanilang mga sarili sa binhi ng mga tao, ngunit hindi sila magkakahalo, kung paanong ang bakal ay hindi humahalo sa luwad.
44At sa mga araw ng mga haring iyon ang Diyos sa langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman, o ang kapangyarihan man nito'y iiwan sa ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang iyon, at ito'y mananatili magpakailanman.
45Kung paanong iyong nakita na ang isang bato ay natibag mula sa bundok, hindi sa pamamagitan ng kamay at dinurog ang mga bakal, ang tanso, ang luwad, ang pilak, at ang ginto, ipinaalam ng dakilang Diyos sa hari kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang panaginip ay totoo at ang kahulugan nito'y mapagkakatiwalaan.”
Si Daniel ay Ginantimpalaan ng Hari
46Nang magkagayo'y nagpatirapa si Haring Nebukadnezar at nagbigay-galang kay Daniel, at nag-utos na sila'y maghandog ng alay at ng insenso sa kanya.
47Sumagot ang hari kay Daniel at nagsabi, “Tunay na ang inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, at Panginoon ng mga hari, at tagapaghayag ng mga hiwaga, yamang naipahayag mo ang hiwagang ito.”
48Nang magkagayo'y binigyan ng hari si Daniel ng mataas na karangalan at ng maraming malalaking kaloob, at kanyang ginawa siyang tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at punong-tagapamahala ng lahat ng pantas sa Babilonia.
49At si Daniel ay humiling sa hari, at kanyang hinirang sina Shadrac, Meshac, at Abednego, upang mamahala sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia; ngunit si Daniel ay namalagi sa bulwagan#2:49 Sa Hebreo ay pintuan. ng hari.
Currently Selected:
DANIEL 2: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001