AMOS 2
2
Ang Moab
1Ganito#Isa. 15:1–16:14; 25:10-12; Jer. 48:1-47; Ez. 25:8-11; Sef. 2:8-11 ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Moab,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa;
sapagkat kanyang sinunog upang maging apog ang mga buto ng hari ng Edom.
2Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa Moab,
at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Kiryot;
at ang Moab ay mamamatay sa gitna ng pagkakagulo,
na may sigawan at tunog ng trumpeta.
3At aking ihihiwalay ang hukom sa gitna niyon,
at papatayin ko ang lahat ng pinuno niyon na kasama niya,” sabi ng Panginoon.
Ang Hatol ng Diyos sa Juda
4Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Juda,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang itinakuwil ang kautusan ng Panginoon,
at hindi iningatan ang kanyang mga tuntunin,
kundi iniligaw sila ng kanilang mga kasinungalingang
nilakaran din ng kanilang mga magulang.
5Kaya't magsusugo ako ng isang apoy sa Juda;
at tutupukin niyon ang mga tanggulan ng Jerusalem.”
Ang Hatol ng Diyos sa Israel
6Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Israel,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa;
sapagkat kanilang ipinagbili ang matuwid dahil sa pilak,
at ang nangangailangan sa isang pares na sandalyas—
7kanilang tinapakan ang ulo ng dukha sa alabok ng lupa,
at inililiko ang lakad ng mapagpakumbaba;
at ang lalaki at kanyang ama ay sumisiping sa iisang dalaga,
kaya't nalapastangan ang aking banal na pangalan.
8At sila'y nakahiga sa tabi ng bawat dambana,
sa ibabaw ng mga kasuotang nakuha sa pamamagitan ng sangla;
at sa bahay ng kanilang Diyos ay umiinom sila ng alak
na binili mula sa multa na kanilang ipinataw.
9“Gayunma'y#Deut. 3:8-11 nilipol ko ang Amoreo sa harapan nila,
na ang taas ay gaya ng taas ng mga sedro,
at kasinlakas na gaya ng mga ensina;
nilipol ko ang kanyang bunga sa itaas, at ang kanyang mga ugat sa ilalim.
10Iniahon ko rin kayo sa lupain ng Ehipto,
at pinatnubayan ko kayo nang apatnapung taon sa ilang,
upang angkinin ninyo ang lupain ng Amoreo.
11At#Bil. 6:1-8 pinili ko ang ilan sa inyong mga anak upang maging mga propeta,
at ang ilan sa inyong mga binata upang maging mga Nazirita.
Di ba gayon, O bayan ng Israel?” sabi ng Panginoon.
12“Ngunit pinainom ninyo ng alak ang mga Nazirita,
at inutusan ninyo ang mga propeta,
na sinasabi, ‘Huwag kayong magsalita ng propesiya!’
13“Narito, pabibigatan ko kayo sa inyong dako,
na gaya ng pagpapabigat sa isang karwaheng punô ng mga bigkis.
14Ang pagtakas ay maglalaho sa matulin;
at hindi mapapanatili ng malakas ang kanyang kalakasan;
ni maililigtas ng makapangyarihan ang kanyang sarili.
15Hindi makakatindig ang humahawak ng pana;
at siyang matulin ang paa ay hindi makakatakas,
ni siya mang nakasakay sa kabayo ay makapagliligtas ng kanyang buhay.
16At siya na matapang sa mga makapangyarihan
ay tatakas na hubad sa araw na iyon,” sabi ng Panginoon.
Currently Selected:
AMOS 2: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001