YouVersion Logo
Search Icon

MGA GAWA 8

8
1Si Saulo ay sumang-ayon sa pagpatay sa kanya.
Pinag-usig ni Saulo ang Iglesya
Nang araw na iyon, nagkaroon ng malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem; at lahat ay nagkahiwa-hiwalay sa buong lupain ng Judea at Samaria, maliban sa mga apostol.
2Inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at sila'y tumangis nang malakas dahil sa kanya.
3Ngunit#Gw. 22:4, 5; 26:9-11 winawasak ni Saul ang iglesya sa pamamagitan ng pagpasok sa bahay-bahay, kinakaladkad ang mga lalaki't babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan.
Ipinangaral sa Samaria ang Magandang Balita
4Ang mga nagkawatak-watak ay naglakbay na ipinangangaral ang salita.
5Si Felipe ay bumaba sa bayan ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo.
6Ang maraming tao ay nagkakaisang nakikinig sa mga sinabi ni Felipe nang kanilang marinig siya at nakita ang mga tanda na ginawa niya.
7Sapagkat lumabas ang masasamang espiritu sa maraming sinapian na nagsisisigaw nang malakas; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling.
8At nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.
9Ngunit may isang tao na ang pangalan ay Simon, na noong una ay gumagamit ng salamangka sa lunsod at pinahanga ang mga tao sa Samaria, ang nagsasabing siya'y isang dakila.
10Silang lahat ay nakinig sa kanya buhat sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, na sinasabi, “Ang taong ito ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila.”
11Siya'y pinakinggan nila, sapagkat sa loob ng mahabang panahon ay kanyang pinahahanga sila ng kanyang mga salamangka.
12Ngunit nang naniwala sila kay Felipe na nangangaral ng mabuting balita tungkol sa kaharian ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, mga lalaki at mga babae.
13Maging si Simon mismo ay naniwala at pagkatapos mabautismuhan, nanatili siyang kasama ni Felipe. Namangha siya nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa.
14Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos, sinugo nila sa kanila sina Pedro at Juan.
15Ang dalawa ay bumaba at ipinanalangin sila upang kanilang tanggapin ang Espiritu Santo,
16sapagkat hindi pa ito dumarating sa kaninuman sa kanila, kundi sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus.
17Ipinatong nina Pedro at Juan#8:17 Sa Griyego ay nila. ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Espiritu Santo.
18Nang makita ni Simon na ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y inalok niya ng salapi,
19na sinasabi, “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo.”
20Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, “Ang iyong salapi'y mapahamak na kasama mo, sapagkat inakala mong makukuha mo ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng salapi!
21Wala kang bahagi ni karapatan man sa bagay na ito, sapagkat ang puso mo'y hindi matuwid sa harapan ng Diyos.
22Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling ipatawad sa iyo ang hangarin ng iyong puso.
23Sapagkat nakikita kong ikaw ay nasa apdo ng kapaitan at nasa gapos ng kasamaan.”
24Sumagot si Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang wala sa mga sinabi ninyo ang mangyari sa akin.”
25Sina Pedro at Juan,#8:25 Sa Griyego ay sila. pagkatapos na makapagpatotoo at masabi na nila ang salita ng Panginoon, ay bumalik sa Jerusalem na ipinangaral ang ebanghelyo sa maraming nayon ng mga Samaritano.
Si Felipe at ang Pinunong Taga-Etiopia
26Pagkatapos ay sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Tumindig ka at pumunta patungong timog, sa daang pababa mula sa Jerusalem patungong Gaza.” Ito'y isang ilang na daan.
27At tumindig nga siya at umalis. May isang lalaking taga-Etiopia, isang eunuko at tagapamahala ni Candace na reyna ng mga taga-Etiopia. Siya ang namamahala ng buong kayamanan ng reyna. Ang eunuko#8:27 Sa Griyego ay siya. ay nagpunta sa Jerusalem upang sumamba.
28Siya'y pabalik na at nakaupo sa kanyang karwahe, binabasa niya ang propeta Isaias.
29Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Lumapit ka at makisakay sa karwaheng ito.”
30Kaya't tumakbo si Felipe doon, at kanyang narinig na binabasa niya si Isaias na propeta, at sinabi niya, “Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?”
31Sumagot naman ito, “Paano nga ba, malibang may tumulong sa akin?” At kanyang inanyayahan si Felipe na umakyat at maupong kasama niya.
32Ang#Isa. 53:7, 8 (LXX) bahagi ng kasulatan na binabasa niya ay ito:
“Tulad ng tupa na dinala sa katayan;
at sa isang kordero na hindi umiimik sa harap ng kanyang manggugupit,
gayundin hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig.
33Sa kanyang pagpapakababa ay ipinagkait sa kanya ang katarungan.
Sino ang makapaglalarawan sa kanyang lahi?
Sapagkat inalis sa lupa ang kanyang buhay.”
34Sinabi ng eunuko kay Felipe, “Ipinapakiusap ko, tungkol kanino sinasabi ito ng propeta, sa kanya bang sarili, o sa iba?”
35Nagpasimulang magsalita si Felipe,#8:35 Sa Griyego ay Ibinuka ni Felipe ang kanyang bibig. at simula sa kasulatang ito ay ipinangaral niya sa kanya ang magandang balita ni Jesus.
36Sa kanilang pagpapatuloy sa daan, nakarating sila sa may tubig, at sinabi ng eunuko, “Tingnan mo, narito ang tubig! Ano ang nakakahadlang upang akoy mabautismuhan?”
[37At sinabi ni Felipe: Kung nananampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. Sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Diyos.]
38Iniutos niyang itigil ang karwahe at lumusong si Felipe at ang eunuko sa tubig. At binautismuhan siya ni Felipe.#8:38 Sa Griyego ay niya.
39Nang umahon sila sa tubig, inagaw ng Espiritu ng Panginoon si Felipe; at hindi na siya nakita ng eunuko at nagagalak na nagpatuloy siya sa kanyang lakad.
40Ngunit natagpuan si Felipe sa Azotus. Sa pagdaraan ay ipinangaral niya ang ebanghelyo sa lahat ng mga bayan hanggang sa makarating siya sa Cesarea.

Currently Selected:

MGA GAWA 8: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy