II MGA TAGA CORINTO 6
6
1Yamang gumagawa kaming kasama niya, nananawagan din kami sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Diyos nang walang kabuluhan.
2Sapagkat#Isa. 49:8 sinasabi niya,
“Sa panahong kanais-nais ay pinakinggan kita,
at tinulungan kita sa araw ng kaligtasan.”
Ngayon na ang panahong kanais-nais; ngayon na ang araw ng kaligtasan.
3Hindi kami naglalagay ng katitisuran ng sinuman, upang walang kapintasang matagpuan sa aming ministeryo.
4Kundi, bilang mga lingkod ng Diyos, ipinagkakapuri namin ang aming sarili sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng maraming pagtitiis, mga kapighatian, mga kahirapan, mga paghihinagpis,
5mga#Gw. 16:23 pagkabugbog, mga pagkabilanggo, mga kaguluhan, mga paggawa, mga pagpupuyat, mga pagkagutom,
6sa kalinisan, kaalaman, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabanalan ng espiritu, tunay na pag-ibig,
7makatotohanang pananalita, kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran sa kanang kamay at sa kaliwa,
8sa pamamagitan ng karangalan at kasiraang-puri, sa pamamagitan ng masamang pagkakilala at ng mabuting pagkakilala. Itinuring kaming mga mandaraya, gayunma'y matatapat,
9waring mga hindi kilala, gayunma'y kilalang-kilala, tulad sa naghihingalo, at narito, kami ay buháy; gaya ng mga pinarurusahan, subalit hindi pinapatay;
10tulad sa nalulungkot, gayunma'y laging nagagalak; tulad sa mga dukha, gayunma'y pinayayaman ang marami, gaya ng walang pag-aari, gayunma'y mayroon ng lahat ng bagay.
11Ang aming bibig ay bukas para sa inyo, mga taga-Corinto, ang aming puso ay pinalawak.
12Kayo ay hindi namin hinihigpitan, subalit kayo ay hinihigpitan ng sarili ninyong damdamin.
13Bilang ganti, nagsasalita akong tulad sa mga bata; palawakin din ninyo ang inyong mga puso.
Ang Templo ng Diyos na Buháy
14Huwag kayong makipamatok sa mga hindi mananampalataya, sapagkat anong pagsasama mayroon ang katuwiran at kasamaan? O anong pagsasama mayroon ang liwanag sa kadiliman?
15At anong pagkakasundo mayroon si Cristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa hindi mananampalataya?
16Anong#1 Cor. 3:16; 6:19; Lev. 26:12; Ez. 37:27 pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo'y#6:16 Sa ibang mga manuskrito ay kayo'y. templo ng Diyos na buháy; gaya ng sinabi ng Diyos,
“Ako'y mananahan sa kanila, at lalakad sa gitna nila,
ako'y magiging kanilang Diyos,
at sila'y magiging aking bayan.
17Kaya#Isa. 52:11 nga lumabas kayo sa kanila,
at humiwalay kayo, sabi ng Panginoon,
at huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi,
at kayo'y aking tatanggapin,
18at#2 Sam. 7:14; 1 Cro. 17:13; Isa. 43:6; Jer. 31:9 ako'y magiging ama sa inyo,
at kayo'y magiging aking mga anak na lalaki at babae,
sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.”
Currently Selected:
II MGA TAGA CORINTO 6: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001