YouVersion Logo
Search Icon

II MGA CRONICA 8

8
Ang mga Nagawa ni Solomon
(1 Ha. 9:10-28)
1Sa pagtatapos ng dalawampung taon, na sa panahong iyon ay naitayo ni Solomon ang bahay ng Panginoon at ang kanyang sariling bahay,
2muling itinayo ni Solomon ang mga lunsod na ibinigay ni Huram sa kanya, at pinatira roon ang mga anak ni Israel.
3Si Solomon ay pumaroon laban sa Hamatsoba, at sinakop ito.
4Kanyang itinayo ang Tadmor sa ilang at ang lahat ng bayang imbakan na kanyang itinayo sa Hamat.
5Itinayo rin niya ang Itaas na Bet-horon at ang Ibabang Bet-horon, mga may pader na lunsod, may mga pintuan, at mga halang,
6at ang Baalat at ang lahat ng bayang imbakan na pag-aari ni Solomon, at lahat ng bayan para sa kanyang mga karwahe, at ang mga bayan para sa kanyang mga mangangabayo, at anumang naisin ni Solomon na itayo sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa buong lupain na kanyang nasasakupan.
7Lahat ng mga taong natira sa mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo, at mga Jebuseo, na hindi kabilang sa Israel;
8mula sa kanilang mga anak na naiwan pagkamatay nila sa lupain, na hindi pinuksa ng mga anak ni Israel—ang mga ito ay sapilitang pinagawa ni Solomon, hanggang sa araw na ito.
9Ngunit sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Solomon sa kanyang gawain; sila'y mga kawal, kanyang mga pinuno, mga pinuno sa kanyang mga karwahe, at kanyang mga mangangabayo.
10Ito ang mga pangunahing pinuno ni Haring Solomon, dalawandaan at limampu, na may kapamahalaan sa taong-bayan.
11Dinala ni Solomon ang anak na babae ni Faraon mula sa lunsod ni David sa bahay na kanyang itinayo para sa kanya, sapagkat kanyang sinabi, “Ang aking asawa ay hindi maninirahan sa bahay ni David na hari ng Israel, sapagkat ang mga lugar na kinalagyan ng kaban ng Panginoon ay banal.”
12At nag-alay si Solomon sa Panginoon ng mga handog na sinusunog sa dambana ng Panginoon na kanyang itinayo sa harapan ng portiko,
13ayon#Bil. 28:9, 10; Bil. 28:11-15; Exo. 23:14-17; 34:22, 23; Bil. 28:16–29:39; Deut. 16:16 sa kinakailangan sa bawat araw, siya'y naghahandog ayon sa utos ni Moises, sa mga Sabbath, mga bagong buwan, at sa tatlong taunang kapistahan, ang kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa, ang kapistahan ng mga sanlinggo, at ang kapistahan ng mga tolda.
14Ayon sa utos ni David na kanyang ama, kanyang hinirang ang mga pangkat ng mga pari para sa kanilang paglilingkod, at ang mga Levita sa kanilang mga katungkulan ng pagpupuri, at paglilingkod sa harapan ng mga pari, ayon sa kailangan sa bawat araw, at ang mga bantay-pinto sa kanilang mga pangkat para sa iba't ibang pintuan; sapagkat gayon ang iniutos ni David na tao ng Diyos.
15Sila'y hindi lumihis sa iniutos ng hari sa mga pari at mga Levita tungkol sa anumang bagay at tungkol sa mga kabang-yaman.
16Gayon naisagawa ang lahat ng gawain ni Solomon mula sa araw na ang saligan ng bahay ng Panginoon ay nailagay at hanggang sa ito ay natapos. Gayon nayari ang bahay ng Panginoon.
Ang Kanyang Pangangalakal
17Pagkatapos ay pumaroon si Solomon sa Ezion-geber at sa Eloth, sa dalampasigan ng dagat sa lupain ng Edom.
18Nagpadala sa kanya si Huram ng mga sasakyang dagat sa pamamagitan ng kamay ng kanyang mga lingkod, at mga lingkod na bihasa sa dagat. Sila'y pumunta sa Ofir na kasama ng mga lingkod ni Solomon, at kumuha mula roon ng apatnaraan at limampung talentong ginto at dinala ito kay Haring Solomon.

Currently Selected:

II MGA CRONICA 8: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in