II MGA CRONICA 28
28
Si Haring Ahaz ng Juda
(2 Ha. 16:1-4)
1Si Ahaz ay dalawampung taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi niya ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, na gaya ni David na kanyang ninuno,
2kundi siya'y lumakad sa mga landas ng mga hari ng Israel. Gumawa rin siya ng mga larawang hinulma para sa mga Baal.
3At nagsunog siya ng insenso sa libis ng anak ni Hinom, at sinunog ang kanyang mga anak bilang handog, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.
4Siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga burol, at sa ilalim ng bawat sariwang punungkahoy.
Pakikidigma sa Siria at sa Israel
(2 Ha. 16:5)
5Kaya't#2 Ha. 16:5; Isa. 7:1 ibinigay siya ng Panginoon niyang Diyos sa kamay ng hari ng Siria, na gumapi sa kanya at binihag ang malaking bilang ng kanyang kababayan at dinala sila sa Damasco. Ibinigay rin siya sa kamay ng hari ng Israel na gumapi sa kanya at napakarami ang napatay.
6Sapagkat si Peka na anak ni Remalias ay pumatay sa Juda ng isandaan at dalawampung libo sa isang araw, lahat sila ay matatapang na mandirigma, sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
7Pinatay ni Zicri, na isang matapang na mandirigma sa Efraim, si Maasias na anak ng hari, at si Azricam na pinuno sa palasyo at si Elkana na pangalawa sa hari.
8At dinalang-bihag ng mga anak ni Israel ang dalawandaang libo sa kanilang mga kapatid, mga babae, mga anak na lalaki at babae. Kumuha rin sila ng maraming samsam mula sa kanila at dinala ang samsam sa Samaria.
Si Propeta Oded
9Ngunit isang propeta ng Panginoon ang naroon na ang pangalan ay Oded; at siya'y lumabas upang salubungin ang hukbo na dumating sa Samaria, at sinabi sa kanila, “Sapagkat ang Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ay nagalit sa Juda, kanyang ibinigay sila sa inyong kamay, ngunit inyong pinatay sila sa matinding galit na umabot hanggang sa langit.
10At ngayo'y binabalak ninyong lupigin ang mga anak ni Juda at ng Jerusalem, lalaki at babae, bilang inyong mga alipin. Wala ba kayong mga kasalanan laban sa Panginoon ninyong Diyos?
11Ngayo'y pakinggan ninyo ako, at pabalikin ninyo ang mga bihag na inyong kinuha mula sa inyong mga kapatid, sapagkat ang matinding galit ng Panginoon ay nasa inyo.”
12Ilan rin sa mga pinuno sa mga anak ni Efraim, si Azarias na anak ni Johanan, si Berequias na anak ni Mesillemot, si Jehizkias na anak ni Shallum, at si Amasa na anak ni Hadlai, ay nagsitayo laban sa kanila na nanggaling sa pakikidigma.
13At sinabi sa kanila, “Huwag ninyong dadalhin dito ang mga bihag, sapagkat binabalak ninyong dalhan kami ng pagkakasala laban sa Panginoon, na dagdag sa aming kasalukuyang mga kasalanan at paglabag. Sapagkat ang ating pagkakasala ay napakalaki na at may malaking poot laban sa Israel.”
14Kaya't iniwan ng mga lalaking may sandata ang mga bihag at ang mga samsam sa harapan ng mga pinuno at ng buong kapulungan.
15At ang mga lalaking nabanggit ang pangalan ay tumindig at kinuha ang mga bihag, at sa pamamagitan ng samsam ay binihisan ang lahat ng hubad sa kanila. Dinamitan sila at binigyan ng sandalyas, pinakain, pinainom, at binuhusan ng langis. Nang maisakay ang lahat ng mahihina sa kanila sa mga asno, kanilang dinala sila sa kanilang mga kapatid sa Jerico, na lunsod ng mga puno ng palma. Pagkatapos ay bumalik sila sa Samaria.
Humingi ng Tulong si Ahaz sa Asiria
(2 Ha. 16:7-9)
16Nang panahong iyon ay nagsugo si Haring Ahaz sa mga hari ng Asiria upang humingi ng tulong.
17Sapagkat muling sinalakay ng mga Edomita at ginapi ang Juda, at nakadala ng mga bihag.
18At ang mga Filisteo ay nagsagawa ng mga paglusob sa mga bayan sa Shefela at sa Negeb ng Juda, at sinakop ang Bet-shemes, Ayalon, Gederot, ang Soco at ang mga nayon niyon, ang Timna at ang mga nayon niyon, at ang Gimzo at ang mga nayon niyon; at sila'y nanirahan doon.
19Sapagkat ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil kay Ahaz na hari ng Israel; sapagkat siya'y gumawa ng masama sa Juda at naging taksil sa Panginoon.
20Kaya't si Tilgatpilneser na hari ng Asiria ay dumating laban sa kanya, at pinahirapan siya, sa halip na palakasin siya.
21Sapagkat si Ahaz ay kumuha sa bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari at ng mga pinuno at nagbigay ng buwis sa hari ng Asiria, ngunit hindi ito nakatulong sa kanya.
Ang mga Kasalanan ni Ahaz
22At sa panahon ng kanyang kagipitan ay lalo pa siyang naging taksil sa Panginoon, ito ring si Haring Ahaz.
23Sapagkat siya'y nag-alay sa mga diyos ng Damasco na gumapi sa kanya, at sinabi niya, “Sapagkat tinulungan sila ng mga diyos ng mga hari ng Siria, ako'y mag-aalay sa kanila, upang tulungan nila ako.” Ngunit sila ang naging kapahamakan niya at ng buong Israel.
24Tinipon ni Ahaz ang mga kagamitan ng bahay ng Diyos, at pinagputul-putol ang mga kagamitan ng bahay ng Diyos. Kanyang isinara ang mga pinto ng bahay ng Panginoon at siya'y gumawa para sa sarili ng mga dambana sa bawat sulok ng Jerusalem.
25Sa bawat lunsod ng Juda ay gumawa siya ng matataas na dako upang pagsunugan ng insenso sa mga ibang diyos, at ginalit ang Panginoon, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.
26Ang iba pa sa kanyang mga gawa, at ang lahat niyang mga lakad, mula una hanggang katapusan, ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.
27At#Isa. 14:28 si Ahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing nila siya sa lunsod, sa Jerusalem; sapagkat siya'y hindi nila dinala sa mga libingan ng mga hari sa Israel. Si Hezekias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Currently Selected:
II MGA CRONICA 28: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001