I TIMOTEO 6
6
1Ituring ng lahat ng mga nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin ang kanilang mga amo bilang karapat-dapat sa lahat ng karangalan, upang ang pangalan ng Diyos at ang aral ay hindi malapastangan.
2Ang mga may among mananampalataya ay huwag maging walang-galang sa kanila, sapagkat sila'y mga kapatid, kundi lalo pa silang maglingkod, sapagkat ang mga makikinabang ay mga mananampalataya at mga minamahal. Iyong ituro at ipangaral ang mga bagay na ito.
Maling Aral at ang Tunay na Kayamanan
3Kung ang sinuma'y nagtuturo ng ibang aral at hindi sumasang-ayon sa mahuhusay na salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa aral na ayon sa kabanalan,
4siya ay palalo, walang nauunawang anuman; at siya ay nahuhumaling sa mga usapin at sa pagtatalo tungkol sa mga salita na pinagmumulan ng inggit, away, paninirang-puri, mga masasamang hinala,
5pag-aaway ng mga taong masasama ang pag-iisip at salat sa katotohanan, na inaakalang ang kabanalan ay paraan ng pakinabang.
6Subalit ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking pakinabang.
7Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anuman;
8ngunit kung tayo'y may pagkain at damit, masiyahan na tayo sa mga ito.
9Ngunit ang mga nagnanais yumaman ay nahuhulog sa tukso, at nabibitag sa maraming hangal at nakapipinsalang pagnanasa, na siyang naglulubog sa mga tao sa pagkawasak at kapahamakan.
10Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na ang ilang nagnasa rito ay napalayo sa pananampalataya at tinusok ang kanilang mga sarili ng maraming kalungkutan.
Ang Mabuting Pakikipaglaban
11Ngunit ikaw, O tao ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito at sumunod ka sa katuwiran, sa pagiging maka-Diyos, sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagtitiis, at sa kaamuan.
12Makipaglaban ka sa mabuting pakikipaglaban ng pananampalataya, panghawakan mo ang buhay na walang hanggan na dito'y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi.
13Sa#Jn. 18:37 harapan ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus na nagpatotoo ng mabuting pagpapahayag sa harapan ni Poncio Pilato, inaatasan kita,
14na ingatan mong walang dungis at walang kapintasan ang utos hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo;
15na kanyang ipahahayag sa takdang panahon—siya na mapalad at tanging Makapangyarihan, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.
16Siya lamang ang walang kamatayan at naninirahan sa liwanag na di-malapitan; na hindi nakita ng sinumang tao, o makikita man. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan. Amen.
17Ang mayayaman sa sanlibutang ito ay atasan mo na huwag magmataas ni huwag umasa sa mga kayamanang hindi tiyak, kundi sa Diyos na nagbibigay sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.
18Dapat silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, bukas ang palad at handang mamahagi,
19sa gayo'y magtitipon sila para sa kanilang sarili ng isang mabuting saligan para sa hinaharap upang sila'y makapanghawak sa tunay na buhay.
Iba pang Tagubilin at Pagbasbas
20O Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng huwad na kaalaman;
21na sa pamamagitan ng paniniwala dito ang ilan ay nalihis sa pananampalataya. Sumainyo nawa ang biyaya.#6:21 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong Amen.
Currently Selected:
I TIMOTEO 6: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001