I SAMUEL 7
7
Ang Kaban ay Dinala sa Kiryat-jearim
1Ang#2 Sam. 6:2-4; 1 Cro. 13:5-7 mga tao sa Kiryat-jearim ay dumating at iniahon ang kaban ng Panginoon, at dinala sa bahay ni Abinadab sa burol; at kanilang itinalaga si Eleazar na kanyang anak upang ingatan ang kaban ng Panginoon.
2Mula nang araw na ilagay ang kaban sa Kiryat-jearim ay lumipas ang mahabang panahon, mga dalawampung taon at ang buong sambahayan ng Israel ay tumaghoy sa Panginoon.
Namuno si Samuel sa Israel
3Nagsalita si Samuel sa buong sambahayan ng Israel, “Kung kayo'y nanunumbalik sa Panginoon nang inyong buong puso ay inyo ngang alisin ang ibang mga diyos at ang mga Astarot na nasa inyo. Ituon ninyo ang inyong mga puso sa Panginoon, at sa kanya lamang kayo maglingkod at ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.”
4Kaya't inalis ng mga anak ni Israel ang mga Baal at ang mga Astarot, at ang Panginoon lamang ang kanilang pinaglingkuran.
Nagtagumpay si Samuel Laban sa Filisteo
5Sinabi ni Samuel, “Tipunin ninyo ang buong Israel sa Mizpa at idadalangin ko kayo sa Panginoon.”
6Kaya't sila'y nagtipun-tipon sa Mizpa, umigib ng tubig, ibinuhos sa harap ng Panginoon, at nag-ayuno nang araw na iyon. Sinabi nila roon, “Kami ay nagkasala laban sa Panginoon.” At naghukom si Samuel sa mga anak ni Israel sa Mizpa.
7Nang mabalitaan ng mga Filisteo na ang mga anak ni Israel ay nagtipon sa Mizpa, umahon laban sa Israel ang mga panginoon ng mga Filisteo. Nang mabalitaan iyon ng mga anak ni Israel, sila ay natakot sa mga Filisteo.
8Sinabi ng mga anak ni Israel kay Samuel, “Huwag kang tumigil ng pagsamo para sa atin sa Panginoon nating Diyos, upang iligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo.”
9Kumuha si Samuel ng isang korderong pasusuhin at inihandog bilang buong handog na sinusunog sa Panginoon. Dumaing si Samuel sa Panginoon para sa Israel; at ang Panginoon ay sumagot sa kanya.
10Samantalang si Samuel ay naghahandog ng handog na sinusunog, lumapit ang mga Filisteo upang lumusob sa Israel; ngunit ang Panginoon ay nagpakulog ng isang malakas na kulog nang araw na iyon sa mga Filisteo at nilito sila. Sila'y nabuwal sa harap ng Israel.
11Ang mga lalaki ng Israel ay lumabas sa Mizpa at hinabol ang mga Filisteo at pinatay sila hanggang sa ibaba ng Betcar.
12Nang magkagayo'y kumuha si Samuel ng isang bato at inilagay sa pagitan ng Mizpa at ng Sen. Tinawag ang pangalan nito na Ebenezer#7:12 Samakatuwid ay batong pangtulong. sapagkat sinasabi niya, “Hanggang dito'y tinulungan tayo ng Panginoon.”
13Kaya't nagapi ang mga Filisteo at hindi na muling pumasok sa nasasakupan ng Israel. Ang kamay ng Panginoon ay laban sa Filisteo sa lahat ng mga araw ni Samuel.
14Ang mga bayang sinakop ng mga Filisteo sa Israel ay ibinalik sa Israel, mula sa Ekron hanggang sa Gat; at binawi ng Israel ang kanilang nasasakupan mula sa kamay ng mga Filisteo. Nagkaroon din ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amoreo.
15Naghukom si Samuel sa Israel sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.
16Siya'y nagpalibut-libot taun-taon sa Bethel, Gilgal, at Mizpa; at naghukom siya sa Israel sa mga lugar na ito.
17Pagkatapos ay bumabalik siya sa Rama, sapagkat naroroon ang kanyang tahanan, at doon ay pinapangasiwaan din niya ang katarungan sa Israel. Nagtayo siya roon ng isang dambana sa Panginoon.
Currently Selected:
I SAMUEL 7: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001