I SAMUEL 4
4
Ang Pagkabihag sa Kaban ng Tipan
1Ang salita ni Samuel ay dumating sa buong Israel. Ngayo'y lumabas ang Israel upang makipaglaban sa mga Filisteo. Sila'y humimpil sa Ebenezer, at ang mga Filisteo ay humimpil sa Afec.
2Ang mga Filisteo ay humanay laban sa Israel, at nang sila'y magsagupa, ang Israel ay nagapi ng mga Filisteo na pumatay ng halos apat na libong katao sa larangan ng digmaan.
3Nang ang mga kawal ay dumating sa kampo, sinabi ng matatanda ng Israel, “Bakit ipinatalo tayo ngayon ng Panginoon sa harapan ng mga Filisteo? Dalhin natin dito ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa Shilo upang siya ay makasama natin at iligtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway.”
4Kaya't#Exo. 25:22 nagpasugo ang bayan sa Shilo, at kanilang dinala mula roon ang kaban ng tipan ng Panginoon ng mga hukbo, na nakaupo sa mga kerubin. Ang dalawang anak ni Eli, na sina Hofni at Finehas, ay naroroon at binabantayan ang kaban ng tipan ng Diyos.
5Nang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay dumating sa kampo, ang buong Israel ay sumigaw nang malakas, kaya't umalingawngaw ang lupa.
6Nang marinig ng mga Filisteo ang ingay ng sigawan ay sinabi nila, “Ano ang kahulugan ng ingay nitong malakas na sigawan sa kampo ng mga Hebreo?” At nang kanilang nalaman na ang kaban ng Panginoon ay dumating sa kampo,
7ang mga Filisteo ay natakot, sapagkat kanilang sinabi, “May diyos na dumating sa kampo.” Kanilang sinabi, “Kahabag-habag tayo! Sapagkat hindi pa nagkaroon ng ganyang bagay kailanman.
8Kahabag-habag tayo! Sino ang magliligtas sa atin sa kamay ng mga makapangyarihang diyos na ito? Ito ang mga diyos na pumuksa sa mga taga-Ehipto sa pamamagitan ng sari-saring salot sa ilang.
9Kayo'y magpakatapang at magpakalalaki, O kayong mga Filisteo. Baka kayo'y maging mga alipin ng mga Hebreo na gaya ng naging kalagayan nila sa inyo. Kayo'y magpakalalaki at lumaban.”
10Ang mga Filisteo ay lumaban at ang Israel ay natalo at tumakas ang bawat isa sa kanila patungo sa kanya-kanyang tahanan. Nagkaroon ng malaking patayan sapagkat ang nabuwal sa Israel ay tatlumpung libong kawal na lakad.
11Ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang dalawang anak ni Eli, sina Hofni at Finehas ay napatay.
Namatay si Eli
12May isang lalaking taga-Benjamin ang nakatakbo mula sa labanan, at nagtungo sa Shilo nang araw ding iyon na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo.
13Nang siya'y dumating, si Eli ay nakaupo sa kanyang upuan sa tabi ng daan at nagbabantay sapagkat ang kanyang puso'y nanginginig dahil sa kaban ng Diyos. Nang ang lalaki ay pumasok sa lunsod at sinabi ang balita, ang taong-bayan ay nanangis.
14Nang marinig ni Eli ang ingay ng sigawan ay kanyang sinabi, “Ano ang kahulugan ng ingay na ito?” At ang lalaki ay nagmadali, lumapit at nagbalita kay Eli.
15Si Eli noon ay siyamnapu't walong taon at ang kanyang mga mata'y malalabo na kaya't siya'y hindi na makakita.
16Sinabi ng lalaki kay Eli, “Kagagaling ko lamang sa labanan, at ako'y tumakas ngayon mula sa labanan.” At kanyang sinabi, “Paano ang nangyari, anak ko?”
17Ang nagdala ng balita ay sumagot, “Ang Israel ay tumakas mula sa harap ng mga Filisteo. Nagkaroon din doon ng isang malaking patayan sa gitna ng mga hukbo. Ang iyong dalawang anak, sina Hofni at Finehas ay patay na, at ang kaban ng Diyos ay nakuha.”
18Nang kanyang banggitin ang kaban ng Diyos, si Eli ay nabuwal na patalikod sa kanyang upuan sa tabi ng pintuang-bayan. Nabalian siya sa leeg, at siya'y namatay sapagkat siya'y isang lalaking matanda at mabigat. Naging hukom siya ng Israel sa loob ng apatnapung taon.
19Samantala, ang kanyang manugang, na asawa ni Finehas ay buntis at malapit nang manganak. Nang marinig niya ang balita na ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang kanyang biyenan at asawa ay patay na, yumukod siya at napaanak, sapagkat ang kanyang pagdaramdam ay dumating sa kanya.
20Nang malapit na siyang mamatay, sinabi sa kanya ng mga babaing nakatayo sa tabi niya, “Huwag kang matakot sapagkat ikaw ay nanganak ng isang lalaki.” Ngunit hindi siya sumagot, o nakinig man.
21Pinangalanan niya ang bata na Icabod#4:21 Samakatuwid ay walang kaluwalhatian. na sinasabi, “Ang kaluwalhatian ay umalis sa Israel,” sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha at dahil sa kanyang biyenan at sa kanyang asawa.
22Kanyang sinabi, “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay umalis sa Israel, sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha.”
Currently Selected:
I SAMUEL 4: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001