YouVersion Logo
Search Icon

I SAMUEL 23

23
Iniligtas ni David ang Bayan ng Keila
1At kanilang sinabi kay David, “Sinalakay ng mga Filisteo ang Keila, at kanilang ninanakawan ang mga giikan.”
2Kaya't sumangguni si David sa Panginoon, na nagsasabi, “Lalakad ba ako at aking sasalakayin ang mga Filisteong ito?” At sinabi ng Panginoon kay David, “Lumakad ka at iyong salakayin ang mga Filisteo at iligtas mo ang Keila.”
3Ngunit sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Tingnan ninyo, tayo'y natatakot dito sa Juda; gaano pa nga kaya kung tayo ay pupunta sa Keila laban sa mga hukbo ng mga Filisteo?”
4Kaya't sumangguning muli si David sa Panginoon. At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Oo, lumusong ka sa Keila; sapagkat aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.”
5Kaya't si David at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Keila, nilabanan ang mga Filisteo, tinangay ang kanilang kawan, at ipinaranas sa kanila ang isang napakalaking pagkatalo. Gayon iniligtas ni David ang mga mamamayan sa Keila.
6Nang tumakas si Abiatar na anak ni Ahimelec patungo kay David sa Keila, siya'y lumusong na may isang efod sa kanyang kamay.
7At ibinalita kay Saul na si David ay pumaroon sa Keila. At sinabi ni Saul, “Ibinigay siya ng Diyos sa aking kamay; sapagkat sinarhan niya ang kanyang sarili sa kanyang pagpasok sa isang bayan na mayroong mga tarangkahan at mga halang.”
8Tinawag ni Saul ang buong bayan sa pakikidigma upang lumusong sa Keila at kubkubin si David at ang kanyang mga tauhan.
9Nang malaman ni David na nagbabalak si Saul ng masama laban sa kanya, sinabi niya kay Abiatar na pari, “Dalhin mo rito ang efod.”
10Nang magkagayo'y sinabi ni David, “O Panginoon, na Diyos ng Israel, nabalitaan ng iyong lingkod na pinagsisikapan ni Saul na pumunta sa Keila upang wasakin ang lunsod dahil sa akin.
11Ibibigay ba ako ng mga tao sa Keila sa kanyang kamay? Lulusong ba si Saul ayon sa nabalitaan ng iyong lingkod? O Panginoon, na Diyos ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na sabihin mo sa iyong lingkod.” At sinabi ng Panginoon, “Siya'y lulusong.”
12Nang magkagayo'y sinabi ni David, “Isusuko ba ako at ang aking mga tauhan ng mga taga-Keila sa kamay ni Saul?” At sinabi ng Panginoon, “Isusuko ka nila.”
13Kaya't si David at ang kanyang mga tauhan na may animnaraan ay tumindig at umalis sa Keila, at sila'y pumunta kung saanman sila makakarating. Nang ibalita kay Saul na si David ay nakatakas mula sa Keila, kanyang itinigil na ang pagsalakay.
14Si David ay nanatili sa mga kuta sa ilang at tumira sa lupaing maburol sa ilang ng Zif. At hinanap siya ni Saul araw-araw, ngunit hindi siya ibinigay ng Diyos sa kanyang kamay.
Si David sa Maburol na Lupain
15Si David ay nasa ilang ng Zif sa Hores nang kanyang malaman na si Saul ay lumabas upang tugisin ang kanyang buhay.
16Si Jonathan na anak ni Saul ay naghanda at pumunta kay David sa Hores, at pinalakas ang kanyang kamay sa pamamagitan ng Diyos.
17Sinabi niya sa kanya, “Huwag kang matakot, sapagkat hindi ka malalapatan ng kamay ni Saul na aking ama. Ikaw ay magiging hari sa Israel at ako'y magiging pangalawa mo. Nalalaman din ito ni Saul na aking ama.”
18Silang#1 Sam. 18:3 dalawa ay nagtipanan sa harap ng Panginoon; si David ay nanatili sa Hores at si Jonathan ay umuwi sa kanyang bahay.
19Pagkatapos#Awit 54 Pamagat ay umahon ang mga Zifeo kay Saul sa Gibea, na sinasabi, “Hindi ba nagkukubli sa amin si David sa mga kuta sa gubat sa burol ng Hachila na nasa timog ng Jesimon?
20Ngayon, O hari, kung gusto mong lumusong ay gawin mo; at ang aming bahagi ay isuko siya sa kamay ng hari.”
21At sinabi ni Saul, “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon sapagkat kayo'y nahabag sa akin.
22Kayo'y humayo at tiyaking muli. Alaming mabuti ang kanyang kinaroroonan, at kung sino ang nakakita sa kanya roon; sinabi sa akin na siya'y napakatuso.
23Tingnan ninyo ang palibot at alamin ang mga lihim na lugar na kanyang pinagtataguan, at bumalik kayo sa akin na may tiyak na balita at ako'y pupuntang kasama ninyo. Kapag siya'y nasa lupain, siya'y aking hahanapin sa gitna ng lahat ng mga libu-libo sa Juda.”
24At sila'y tumindig at pumunta sa Zif na nauna kay Saul. Si David at ang kanyang mga tauhan ay nasa ilang ng Maon sa Araba sa timog ng Jesimon.
25Si Saul at ang kanyang mga tauhan ay umalis upang hanapin siya. Nang ibalita iyon kay David siya'y lumusong sa batuhan na nasa ilang ng Maon. At nang mabalitaan ni Saul, kanyang hinabol si David sa ilang ng Maon.
26Pumunta si Saul sa isang panig ng bundok. Si David at ang kanyang mga tauhan ay sa kabilang panig ng bundok; at si David ay nagmadali upang makalayo kay Saul, habang si Saul at ang kanyang mga tauhan ay papalapit kina David at sa kanyang mga tauhan upang sila'y hulihin.
27Ngunit dumating ang isang sugo kay Saul, na nagsasabi, “Dali, pumarito ka, sapagkat ang mga Filisteo ay sumalakay sa lupain.”
28Kaya't bumalik si Saul mula sa pagtugis kay David, at humayo laban sa mga Filisteo; kaya't tinatawag ang dakong iyon na Bato ng Pagtakas.#23:28 Sa Hebreo ay Bato ng mga Pagkakabahagi.
29At si David ay umahon mula roon at nanirahan sa mga kuta ng En-gedi.

Currently Selected:

I SAMUEL 23: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in