YouVersion Logo
Search Icon

I SAMUEL 11

11
Nagapi ni Saul ang mga Ammonita
1Pagkalipas ng halos isang buwan#11:1 Sa ibang kasulatan ay walang Pagkalipas ng halos isang buwan. sumalakay si Nahas na Ammonita at kinubkob ang Jabes-gilead; at sinabi kay Nahas ng lahat ng lalaki sa Jabes, “Makipagkasundo ka sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”
2Ngunit sinabi ni Nahas na Ammonita sa kanila, “Makikipagkasundo ako sa inyo kung ipadudukit ninyo sa akin ang inyong mga kanang mata upang mailagay sa kahihiyan ang buong Israel.”
3At sinabi sa kanya ng matatanda ng Jabes, “Bigyan mo kami ng palugit na pitong araw upang kami ay makapagpadala ng mga sugo sa buong nasasakupan ng Israel. At kung wala ngang magliligtas sa amin, ibibigay namin ang aming sarili sa iyo.”
4Nang dumating sa Gibea ang mga sugo kay Saul, ibinalita nila ang bagay na ito sa pandinig ng taong-bayan at ang buong bayan ay umiyak nang malakas.
5Noon, si Saul ay dumarating mula sa bukid sa hulihan ng mga baka; at sinabi ni Saul, “Anong nangyayari sa taong-bayan at sila'y umiiyak?” Kaya't kanilang sinabi sa kanya ang balita ng mga lalaki mula sa Jabes.
6At ang Espiritu ng Diyos ay makapangyarihang lumukob kay Saul nang kanyang marinig ang mga salitang iyon, at ang kanyang galit ay lubhang nag-alab.
7Siya'y kumuha ng dalawang magkatuwang na baka at kanyang kinatay, at ipinadala niya ang mga piraso sa lahat ng nasasakupan ng Israel sa pamamagitan ng mga sugo, na sinasabi, “Sinumang hindi lumabas upang sumunod kina Saul at Samuel ay ganito rin ang gagawin sa kanyang mga baka.” At ang takot sa Panginoon ay dumating sa mga tao, at sila'y lumabas na parang iisang tao.
8Nang kanyang tipunin sila sa Bezec, ang mga anak ni Israel ay tatlongdaang libo, at ang mga lalaki ng Juda ay tatlumpung libo.
9At sinabi nila sa mga sugong dumating, “Ganito ang inyong sasabihin sa mga lalaki sa Jabes-gilead, ‘Bukas, sa kainitan ng araw ay magkakaroon ng kaligtasan.’” Nang dumating ang mga sugo at sabihin sa mga lalaki sa Jabes, sila ay natuwa.
10Kaya't sinabi ng mga lalaki sa Jabes, “Bukas ay ibibigay namin ang aming sarili sa inyo at maaari ninyong gawin sa amin ang lahat ng inaakala ninyong mabuti sa inyo.”
11Kinabukasan, inilagay ni Saul ang taong-bayan sa tatlong pangkat. Sila'y pumasok sa gitna ng kampo nang mag-umaga na, at pinatay ang mga Ammonita hanggang sa kainitan ng araw. Ang mga nalabi ay nangalat, anupa't walang dalawang naiwang magkasama.
12At sinabi ng taong-bayan kay Samuel, “Sino ba ang nagsabi, ‘Maghahari ba si Saul sa amin?’ Dalhin dito ang mga taong iyon upang aming patayin sila.”
13Ngunit sinabi ni Saul, “Walang taong papatayin sa araw na ito, sapagkat ngayo'y gumawa ang Panginoon ng pagliligtas sa Israel.”
14Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel sa taong-bayan, “Halikayo at tayo'y pumunta sa Gilgal, at doon ay ating ibabalik ang kaharian.”
15At ang buong bayan ay pumunta sa Gilgal at doo'y ginawa nilang hari sa Gilgal si Saul sa harapan ng Panginoon. Doon ay nag-alay sila ng handog pangkapayapaan sa harapan ng Panginoon. Si Saul at ang lahat ng mga lalaki ng Israel ay labis na nagalak doon.

Currently Selected:

I SAMUEL 11: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in