YouVersion Logo
Search Icon

I MGA HARI 11

11
Ang mga Pagkakasala ni Solomon
1Si#Deut. 17:17 Haring Solomon ay umibig sa maraming babaing banyaga: sa anak ni Faraon, sa mga babaing Moabita, Ammonita, Edomita, Sidonia, at Heteo;
2mula#Exo. 34:16; Deut. 7:3, 4 sa mga bansa na tungkol sa mga iyon ay sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel, “Kayo'y huwag makihalubilo sa kanila, at sila man ay huwag makihalubilo sa inyo, sapagkat tiyak na kanilang ililigaw ang inyong puso sa pagsunod sa kanilang mga diyos.” Nahumaling si Solomon sa mga ito dahil sa pag-ibig.
3Siya'y nagkaroon ng pitong daang asawa, mga prinsesa, at tatlong daang asawang-lingkod, at iniligaw ng kanyang mga asawa ang kanyang puso.
4Sapagkat nang si Solomon ay matanda na, iniligaw ng kanyang mga asawa ang kanyang puso sa ibang mga diyos, at ang kanyang puso ay hindi naging lubos na tapat sa Panginoon niyang Diyos, gaya ng puso ni David na kanyang ama.
5Sapagkat si Solomon ay sumunod kay Astarte, diyosa ng mga Sidonio, at kay Malcam, na karumaldumal ng mga Ammonita.
6Sa gayon gumawa si Solomon ng masama sa paningin ng Panginoon, at hindi lubos na sumunod sa Panginoon, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama.
7Pagkatapos ay ipinagtayo ni Solomon ng mataas na dako si Cemos na karumaldumal ng Moab, sa bundok na nasa silangan ng Jerusalem at si Molec na kasuklamsuklam ng mga anak ni Ammon.
8Gayon ang ginawa niya para sa lahat ng kanyang mga asawang banyaga, na nagsunog ng mga insenso at naghain sa kani-kanilang mga diyos.
9Kaya't ang Panginoon ay nagalit kay Solomon, sapagkat ang kanyang puso ay lumayo sa Panginoon, sa Diyos ng Israel, na nagpakita sa kanya ng dalawang ulit;
10at siyang nag-utos sa kanya tungkol sa bagay na ito na siya'y huwag sumunod sa ibang mga diyos; ngunit hindi niya iningatan ang iniutos ng Panginoon.
11Kaya't sinabi ng Panginoon kay Solomon, “Yamang ito'y nagawa mo, at hindi mo tinupad ang aking tipan, at ang aking mga tuntunin na aking iniutos sa iyo, tiyak na aking aagawin ang kaharian sa iyo at aking ibibigay sa iyong lingkod.
12Gayunma'y hindi ko ito gagawin sa iyong mga araw alang-alang kay David na iyong ama; kundi aagawin ko ito sa kamay ng iyong anak.
13Gayunma'y hindi ko aagawin ang buong kaharian kundi ibibigay ko ang isang lipi sa iyong anak alang-alang kay David na aking lingkod, at alang-alang sa Jerusalem na aking pinili.”
14At pinadalhan ng Panginoon si Solomon ng isang kaaway, si Hadad na Edomita; siya'y mula sa sambahayan ng hari sa Edom.
15Sapagkat nang si David ay nasa Edom, at si Joab na pinuno ng hukbo ay umahon upang ilibing ang mga napatay, pinatay niya ang lahat ng lalaki sa Edom,
16(sapagkat si Joab at ang buong Israel ay nanirahan doon ng anim na buwan, hanggang sa kanyang mapatay ang lahat ng lalaki sa Edom;)
17ngunit si Hadad ay tumakas patungo sa Ehipto, kasama ang ilan sa mga Edomita na mga tauhan ng kanyang ama. Si Hadad noo'y munting bata pa.
18Sila'y umalis sa Midian at dumating sa Paran. Sila'y nagsama ng mga lalaki mula sa Paran at sila'y nagsiparoon sa Ehipto, kay Faraon na hari sa Ehipto na siyang nagbigay sa kanya ng bahay, pagkain, at lupain.
19At si Hadad ay nakatagpo ng malaking biyaya sa paningin ni Faraon, kaya't ibinigay ng Faraon sa kanya upang maging kanyang asawa ang kapatid ng kanyang sariling asawa, ang kapatid ni Tapenes na reyna.
20Naging anak ng kapatid ni Tapenes sa kanya ang batang lalaking si Genubat, na inalagaan ni Tapenes sa bahay ni Faraon; at si Genubat ay nasa bahay ni Faraon na kasama ng mga anak ni Faraon.
21Nang mabalitaan ni Hadad sa Ehipto na si David ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Joab na pinuno ng hukbo ay namatay na, sinabi ni Hadad kay Faraon, “Payagan mong humayo ako upang makauwi sa aking sariling lupain.”
22Ngunit sinabi ni Faraon sa kanya, “Anong ipinagkukulang mo sa akin at ngayon ay nais mong umuwi sa iyong sariling lupain?” At siya'y sumagot, “Wala; gayunma'y ipinapakiusap ko sa iyo na payagan mo akong umalis.”
23Pinadalhan ng Diyos si Solomon ng isa pang kaaway, si Rezon na anak ni Eliada, na tumakas sa kanyang panginoong si Hadadezer na hari ng Soba.
24Siya'y nagtipon ng mga lalaki at naging pinuno ng isang pangkat ng magnanakaw, pagkatapos na patayin ni David. Sila'y pumunta sa Damasco at nanirahan doon at ginawa siyang hari sa Damasco.
25Siya'y naging kaaway ng Israel sa lahat ng araw ni Solomon, na gumagawa ng kaguluhan tulad ni Hadad; at kanyang kinapootan ang Israel at naghari sa Siria.
Si Jeroboam ay Naghimagsik sa Hari
26Si Jeroboam na anak ni Nebat, isang Efrateo sa Zereda na lingkod ni Solomon, na ang pangalan ng ina ay Zerua, isang babaing balo, ay nagtaas din ng kanyang kamay laban sa hari.
27Ito ang kadahilanan ng pagtataas niya ng kanyang kamay laban sa hari: itinayo ni Solomon ang Milo at sinarhan ang butas sa lunsod ni David na kanyang ama.
28Ang lalaking si Jeroboam ay makapangyarihang lalaki at matapang, at nang nakita ni Solomon na masipag ang kabataan, kanyang ipinagkatiwala sa kanya ang lahat ng sapilitang gawain ng sambahayan ni Jose.
29Nang panahong iyon, nang si Jeroboam ay lumabas sa Jerusalem, nakasalubong niya sa daan si propeta Ahias na Shilonita. Si Ahias noon ay may suot na bagong kasuotan; at silang dalawa lamang ang tao sa parang.
30Hinubad ni Ahias ang bagong kasuotan niya, at pinagpunit-punit ng labindalawang piraso.
31At kanyang sinabi kay Jeroboam, “Kunin mo para sa iyo ang sampung piraso, sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Aking aagawin ang kaharian sa kamay ni Solomon, at ibibigay ko ang sampung lipi sa iyo.
32Ang isang lipi ay mananatili sa kanya alang-alang sa aking lingkod na si David at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili sa lahat ng mga lipi ng Israel.
33Ito ay sapagkat kanilang tinalikuran ako, at sinamba si Astarte na diyosa ng mga Sidonio, si Cemos na diyos ng Moab, at si Malcam na diyos ng mga anak ni Ammon. Sila'y hindi lumakad sa aking mga daan upang gawin ang matuwid sa aking paningin, at upang tuparin ang aking mga tuntunin at mga batas, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama.
34Gayunma'y hindi ko kukunin ang buong kaharian sa kanyang kamay, kundi gagawin ko siyang pinuno sa lahat ng araw ng kanyang buhay, alang-alang kay David na aking lingkod na aking pinili, sapagkat kanyang tinupad ang aking mga utos at mga tuntunin.
35Ngunit aking kukunin ang kaharian sa kamay ng kanyang anak at ibibigay ko sa iyo ang sampung lipi.
36Sa kanyang anak ay ibibigay ko ang isang lipi upang si David na aking lingkod ay magkaroon ng ilawan magpakailanman sa harap ko sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili upang ilagay ang aking pangalan doon.
37Kukunin kita at ikaw ay maghahari ayon sa buong ninanasa ng iyong kaluluwa, at magiging hari ka sa Israel.
38Kung iyong diringgin ang lahat ng aking iniuutos sa iyo, at lalakad sa aking mga daan, at gagawin ang matuwid sa aking paningin, upang tuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod; sasamahan kita at ipagtatayo kita ng isang panatag na sambahayan, gaya ng aking itinayo para kay David, at ibibigay ko sa iyo ang Israel.
39Dahil dito'y aking pahihirapan ang binhi ni David, ngunit hindi magpakailanman.’”
40Pinagsikapan ni Solomon na patayin si Jeroboam, ngunit si Jeroboam ay tumindig, at tumakas patungo sa Ehipto, kay Shishac, na hari ng Ehipto, at tumira sa Ehipto hanggang sa pagkamatay ni Solomon.
41Ngayon, ang iba sa mga gawa ni Solomon, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang kanyang karunungan, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon?
42At ang panahon na naghari si Solomon sa Jerusalem sa buong Israel ay apatnapung taon.
43At natulog si Solomon na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Rehoboam na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Currently Selected:

I MGA HARI 11: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in