I JUAN 2
2
Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol
1Mga munti kong anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo, upang kayo'y huwag magkasala. Ngunit kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may Tagapagtanggol sa harap ng Ama, si Jesu-Cristo na siyang matuwid.
2Siya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at hindi lamang para sa atin kundi para din sa kasalanan ng buong sanlibutan.
3At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y kilala natin, kung tinutupad natin ang kanyang mga utos.
4Ang nagsasabing, “Kilala ko siya,” ngunit hindi tinutupad ang kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya.
5Ngunit ang sinumang tumutupad ng kanyang salita, tunay na naging ganap sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan nito'y nalalaman nating tayo'y nasa kanya.
6Ang nagsasabing siya'y nananatili sa kanya ay nararapat ding lumakad gaya ng kanyang paglakad.
Ang Bagong Utos
7Mga#Jn. 13:34 minamahal, hindi bago ang utos na isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na buhat nang pasimula; ang dating utos ay ang salita na inyong narinig.
8Gayunma'y isinusulat ko sa inyo ang isang bagong utos na tunay sa kanya at sa inyo, sapagkat ang kadiliman ay lumilipas at ang tunay na liwanag ay tumatanglaw na.
9Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag at napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon.
10Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at sa kanya'y walang anumang kadahilanang ikatitisod.
11Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman. Siya ay lumalakad sa kadiliman at hindi niya nalalaman kung saan siya pupunta, sapagkat ang kanyang mga mata ay binulag ng kadiliman.
12Mga munting anak, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat ipinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan dahil sa kanyang pangalan.
13Mga ama, kayo'y sinusulatan ko,
sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula.
Mga kabataang lalaki, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong dinaig ang masama.
14Mga anak, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong nakilala ang Ama.
Mga ama, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula.
Mga kabataan, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat kayo'y malalakas,
at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo, at inyong dinaig ang masama.
15Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang pag-ibig ng Ama ay wala sa sinumang umiibig sa sanlibutan.
16Sapagkat ang lahat na nasa sanlibutan, ang masamang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamataas sa buhay, ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan.
17Ang sanlibutan at ang pagnanasa nito ay lumilipas, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.
Ang Anti-Cristo
18Mga anak, huling oras na! Gaya ng inyong narinig na darating ang anti-Cristo, kahit ngayon ay lumitaw na ang maraming anti-Cristo. Kaya nalalaman nating huling oras na.
19Sila'y lumabas sa atin, ngunit sila'y hindi sa atin; sapagkat kung sila'y kabilang sa atin ay magpapatuloy sana silang kasama natin. Ngunit sa paglabas nila ay ginawa nilang maliwanag na silang lahat ay hindi kabilang sa atin.
20Ngunit kayo'y pinahiran#2:20 o binuhusan. ng Banal, at nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay.
21Sinusulatan ko kayo, hindi dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi dahil nalalaman ninyo iyon, at nalalaman ninyo na walang kasinungalingan na nagmumula sa katotohanan.
22Sino ang sinungaling kundi ang nagkakaila na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anti-Cristo, ang nagkakaila sa Ama at sa Anak.
23Ang sinumang nagkakaila sa Anak, ay hindi sumasakanya ang Ama. Ang nagpapahayag sa Anak ay sumasakanya rin ang Ama.
24Manatili sa inyo ang inyong narinig buhat nang pasimula. Kung nananatili sa inyo ang narinig ninyo buhat nang pasimula, kayo naman ay mananatili sa Anak at sa Ama.
25At ito ang pangako na kanyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan.
26Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga mandaraya sa inyo.
27Tungkol sa inyo, ang pagpapahid#2:27 o pagbubuhos. na inyong tinanggap ay nananatili sa inyo, kaya't hindi na ninyo kailangan pang kayo'y turuan ng sinuman. Ngunit kayo'y tinuturuan ng kanyang pagpapahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at ito'y totoo at hindi kasinungalingan, kung paanong kayo'y tinuruan nito, ay gayon kayo manatili sa kanya.
28At ngayon, mga munting anak, manatili kayo sa kanya; upang kung mahayag siya ay magkaroon kayo ng pagtitiwala, at hindi mapahiya sa harapan niya sa kanyang pagdating.
29Kung nalalaman ninyong siya'y matuwid, makakatiyak kayo na ang bawat gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak niya.
Currently Selected:
I JUAN 2: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001