YouVersion Logo
Search Icon

I MGA TAGA-CORINTO 3

3
Tungkol sa Pagkakabaha-bahagi sa Iglesya
1Subalit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga makalaman, tulad sa mga sanggol kay Cristo.
2Pinainom#Heb. 5:12, 13 ko kayo ng gatas at hindi ng matigas na pagkain, sapagkat hindi pa ninyo kaya ito. Hanggang ngayon ay hindi pa ninyo kaya,
3sapagkat kayo ay makalaman pa. Sapagkat habang sa inyo'y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi ba kayo'y makalaman, at kayo'y lumalakad ayon sa pamantayan ng mga tao?
4Sapagkat#1 Cor. 1:12 kapag sinasabi ng isa, “Ako ay kay Pablo,” at ang iba, “Ako ay kay Apolos,” hindi ba kayo'y mga tao?
5Ano nga ba si Apolos? At ano si Pablo? Mga lingkod na sa pamamagitan nila ay sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa.
6Ako#Gw. 18:4-11; Gw. 18:24-28 ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpalago.
7Kaya't walang anuman ang nagtatanim, o ang nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago.
8Ngayon, ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa, at ang bawat isa ay tatanggap ng kanyang upa ayon sa kanyang paggawa.
9Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, kayo ang bukid ng Diyos, ang gusali ng Diyos.
10Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang matalinong tagapagtayo, inilagay ko ang pinagsasaligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Dapat ingatan ng bawat tao ang pagtatayo niya sa ibabaw nito.
11Sapagkat sinuman ay hindi makapaglalagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, na ito'y si Cristo Jesus.
12Subalit kung ang sinuman ay magtatayo sa ibabaw ng saligang ito ng ginto, pilak, mahahalagang bato, kahoy, dayami, pinaggapasan,
13ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang Araw ang magbubunyag nito. Sapagkat ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy at ang apoy ang susubok kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa.
14Kung ang gawa ng sinumang tao na kanyang itinayo sa ibabaw ay manatili, siya ay tatanggap ng gantimpala.
15Kung ang gawa ng sinumang tao ay matupok, siya ay malulugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tanging sa pamamagitan ng apoy.
16Hindi#1 Cor. 6:19; 2 Cor. 6:16 ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo?
17Kung ang sinuman ay magtangkang gumiba sa templo ng Diyos, ang taong ito'y gigibain ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at ang templong ito ay kayo.
18Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, ay magpakahangal siya, upang siya ay maging marunong.
19Ang#Job 5:13 karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa Diyos. Sapagkat nasusulat, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.”
20At#Awit 94:11 muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pangangatuwiran ng marurunong ay walang kabuluhan.”
21Kaya't huwag magmalaki ang sinuman sa mga tao, sapagkat ang lahat ng mga bagay ay sa inyo.
22Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Cefas, o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang mga bagay na darating, lahat ay sa inyo,
23at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in