I MGA TAGA-CORINTO 15
15
Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo
1Ngayon, mga kapatid, ipinaaalala ko sa inyo ang magandang balita#15:1 o ebanghelyo. na ipinangaral ko sa inyo, na inyo nang tinanggap, na siya naman ninyong pinaninindigan,
2na sa pamamagitan nito kayo ay ligtas, kung matatag ninyo itong panghahawakan—malibang kayo'y sumampalataya nang walang kabuluhan.
3Sapagkat#Isa. 53:5-12 ibinigay ko sa inyo una sa lahat ang akin ding tinanggap: na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan,
4at#Awit 16:8-10; Mt. 12:40; Gw. 2:24-32 siya'y inilibing; at muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan,
5at#Lu. 24:34; Mt. 28:16, 17; Mc. 16:14; Lu. 24:36; Jn. 20:19 siya'y nagpakita kay Cefas, at pagkatapos ay sa labindalawa.
6Pagkatapos ay nagpakita siyang minsanan sa mahigit na limang daang kapatid na ang karamihan sa mga ito ay buháy pa hanggang ngayon, bagaman ang mga iba'y namatay#15:6 Sa Griyego ay natulog. na.
7Pagkatapos ay nagpakita siya kay Santiago, pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol.
8At#Gw. 9:3-6 sa katapusan, tulad sa isang ipinanganak nang wala sa panahon ay nagpakita rin siya sa akin.
9Sapagkat#Gw. 8:3 ako ang pinakahamak sa mga apostol, at hindi karapat-dapat na tawaging apostol sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos.
10Subalit sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ako ay ako, at ang kanyang biyaya na ibinigay sa akin ay hindi nawawalan ng kabuluhan. Sa halip, ako'y naglingkod nang higit kaysa kanilang lahat, bagaman hindi ako, kundi ang biyaya ng Diyos na nasa akin.
11Dahil dito, maging ako o sila, sa gayon kami ay nangangaral at kayo naman ay nanampalataya.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay
12At kung si Cristo ay ipinangangaral na binuhay mula sa mga patay, paanong ang ilan sa inyo ay nagsasabi na walang pagkabuhay na muli ng mga patay?
13Subalit kung walang pagkabuhay na muli ng mga patay, si Cristo man ay hindi muling binuhay,
14at kung si Cristo'y hindi muling binuhay, ang aming pangangaral ay walang kabuluhan, at ang inyong pananampalataya ay wala ring kabuluhan.
15At kami ay napatunayan pang mga bulaang saksi ng Diyos sapagkat kami ay nagpatunay tungkol sa Diyos, na kanyang muling binuhay si Cristo, na hindi naman niya muling binuhay, kung totoo na ang mga patay ay hindi muling binubuhay.
16Sapagkat kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, si Cristo man ay hindi muling binuhay.
17Kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan, kayo'y nananatili pa rin sa inyong mga kasalanan.
18Kung gayon, ang mga namatay#15:18 Sa Griyego ay natulog. kay Cristo ay napahamak.
19Kung para sa buhay na ito lamang tayo umaasa kay Cristo, sa lahat ng mga tao ay tayo ang pinakakawawa.
20Subalit ngayon, si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, na siya ang unang bunga ng mga namatay.#15:20 Sa Griyego ay natulog.
21Sapagkat yamang sa pamamagitan ng isang tao'y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din ng isang tao'y dumating ang pagkabuhay na muli ng mga patay.
22Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.
23Subalit ang bawat isa'y ayon sa kanya-kanyang panahon. Si Cristo ang unang bunga; at pagkatapos ay ang mga kay Cristo sa kanyang pagdating.
24Pagkatapos ay darating ang wakas, kapag kanyang ibinigay ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos na lipulin niya ang lahat ng paghahari at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan.
25Sapagkat#Awit 110:1 siya'y kailangang maghari hanggang mailagay niya ang lahat ng kanyang mga kaaway sa ilalim ng kanyang paa.
26Ang huling kaaway na lilipulin ay ang kamatayan.
27Sapagkat#Awit 8:6 ipinasakop ng Diyos#15:27 Sa Griyego ay niya. ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang paa. Subalit kung sinasabi, “Lahat ng mga bagay ay ipinasakop,” maliwanag na hindi siya kabilang na nagpasakop sa lahat ng bagay sa kanya.
28Subalit kapag ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop na sa kanya, ang Anak ay pasasakop din sa kanya na nagpapasakop ng lahat ng mga bagay sa kanya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.
29Kung hindi gayon, anong gagawin ng mga tumatanggap ng bautismo para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi na muling bubuhayin, bakit pa sila binabautismuhan para sa kanila?
30Bakit ba nanganganib kami bawat oras?
31Ako'y namamatay araw-araw! Mga kapatid, iyon ay kasing-tiyak ng aking pagmamapuri sa inyo—isang pagmamapuri na aking ginagawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
32Kung#Isa. 22:13 bilang isang tao lamang ay lumaban ako sa mga maiilap na hayop sa Efeso, ano ang aking mapapakinabang? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, “Tayo ay kumain at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.”
33Huwag kayong padaya: “Ang masasamang kasamahan ay sumisira ng magagandang ugali.”
34Magpakatino kayo at magkaroon ng matuwid na pag-iisip at huwag na kayong magkasala, sapagkat ang iba ay walang kaalaman tungkol sa Diyos. Sinasabi ko ito para sa inyong kahihiyan.
Ang Katawan sa Muling Pagkabuhay
35Subalit mayroong magtatanong, “Paano muling bubuhayin ang mga patay? Sa anong uri ng katawan sila darating?”
36Ikaw na hangal! Ang iyong inihahasik ay hindi nabubuhay malibang ito ay mamatay.
37At ang iyong inihasik ay hindi ang siya na ngang naging katawan, kundi ang binhi lamang, marahil ay sa trigo, o ilan sa ibang mga butil.
38Subalit ang Diyos ang nagbibigay dito ng katawan ayon sa kanyang nais, at sa bawat uri ng binhi ay ang sariling katawan nito.
39Hindi lahat ng laman ay magkatulad, subalit may isang uri para sa mga tao, at ibang laman para sa mga hayop, ibang laman para sa mga ibon, at ibang laman para sa mga isda.
40Mayroong mga katawang makalangit, at mga katawang makalupa, subalit iba ang kaluwalhatian ng makalangit, at iba naman ang makalupa.
41Mayroong kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin, sapagkat ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.
42Gayundin naman ang muling pagkabuhay ng mga patay. Itinanim na may pagkasira, binubuhay na muli na walang pagkasira.
43Ito ay itinatanim na walang dangal, ito ay binubuhay na may kaluwalhatian, itinatanim na may kahinaan, muling binubuhay na may kapangyarihan.
44Ito ay itinatanim na katawang laman, ito ay binubuhay na katawang espirituwal. Kung may katawang makalupa ay mayroon ding espirituwal.
45Kaya't#Gen. 2:7 nasusulat, “Ang unang taong si Adan ay naging buháy na nilalang.”#15:45 Sa Griyego ay kaluluwa. Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.
46Ngunit hindi una ang katawang espirituwal, kundi ang makalupa, pagkatapos ay ang espirituwal.
47Ang unang tao ay mula sa lupa, isang taong mula sa alabok. Ang ikalawang tao ay mula sa langit.
48Kung ano ang taong mula sa alabok, gayundin silang mula sa alabok, at kung ano ang taong mula sa langit ay gayundin silang makalangit.
49At kung paanong taglay natin ang larawan ng taong mula sa alabok, tataglayin din natin ang larawan ng taong makalangit.
50Mga kapatid, sinasabi ko ito: ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos; ni ang may pagkasira ay magmamana ng walang pagkasira.
51Makinig#1 Tes. 4:15-17 kayo, sasabihin ko sa inyo ang isang hiwaga. Hindi tayong lahat ay mamamatay, ngunit tayong lahat ay babaguhin,
52sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta, sapagkat ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay mabubuhay na walang pagkasira at tayo'y babaguhin.
53Sapagkat kailangan na itong may pagkasira ay magbihis ng walang pagkasira, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.
54Subalit#Isa. 25:8 kapag itong may pagkasira ay mabihisan ng walang pagkasira at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, ay mangyayari ang salitang nasusulat,
“Ang kamatayan ay nilamon sa pagtatagumpay.”
55“O#Hos. 13:14 (LXX) kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay?
O kamatayan, nasaan ang iyong tibo?”
56Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan.
57Subalit salamat sa Diyos, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
58Kaya, mga kapatid kong minamahal, kayo'y maging matatag, hindi nakikilos, na laging sagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.
Currently Selected:
I MGA TAGA-CORINTO 15: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001