I MGA TAGA-CORINTO 14
14
Kaloob na Propesiya at Iba't ibang Wika
1Pakamithiin ninyo ang pag-ibig at pagsikapan ninyong mithiin ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang kayo'y makapag-propesiya.
2Sapagkat ang nagsasalita ng ibang wika ay hindi sa mga tao nagsasalita kundi sa Diyos, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, yamang sa Espiritu siya nagsasalita ng mga hiwaga.
3Subalit ang nagsasalita ng propesiya ay nagsasalita sa mga tao para sa kanilang ikatitibay, ikasisigla, at ikaaaliw.
4Ang nagsasalita ng ibang wika ay pinapatibay ang sarili, ngunit ang nagsasalita ng propesiya ay pinapatibay ang iglesya.
5Ngayon, nais ko sanang kayong lahat ay magsalita ng mga wika, subalit lalo na ang kayo ay magsalita ng propesiya. Ang nagsasalita ng propesiya ay higit na dakila kaysa nagsasalita ng mga wika, malibang mayroong nagpapaliwanag upang ang iglesya ay mapatibay.
6Subalit ngayon, mga kapatid, kung ako'y dumating sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong mapapakinabang sa akin, malibang ako'y magsalita sa inyo sa pamamagitan ng pahayag, o kaalaman, o propesiya, o ng aral?
7Maging ang mga bagay na walang buhay na tumutunog kagaya ng plauta, o alpa, kung hindi sila magbigay ng malinaw na tunog, paano malalaman kung ano ang tinutugtog?
8Sapagkat kung ang trumpeta ay magbigay ng di-malinaw na tunog, sino ang maghahanda para sa digmaan?
9Gayundin naman kayo, kung sa isang wika ay nagsasalita kayo nang hindi nauunawaan, paanong malalaman ng sinuman kung ano ang sinabi? Sapagkat sa hangin kayo magsasalita.
10Walang alinlangan na napakaraming uri ng mga wika sa sanlibutan, at walang isa man na walang kahulugan.
11Subalit kung hindi ko nalalaman ang kahulugan ng wika, ako ay magiging isang banyaga sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging isang banyaga sa akin.
12Gayundin naman kayo, yamang kayo'y sabik sa kaloob na espirituwal, pagbutihin ninyo ang paggamit sa mga iyon para sa ikatitibay ng iglesya.
13Kaya't siyang nagsasalita ng wika ay dapat manalangin para sa kapangyarihang makapagpaliwanag.
14Sapagkat kung ako'y nananalangin sa wika, ang aking espiritu ay nananalangin, ngunit ang aking isipan ay hindi mabunga.
15Ano kung gayon ang aking gagawin? Ako'y mananalangin sa espiritu, at ako'y mananalangin din sa isipan; ako ay aawit sa espiritu, at ako'y aawit din sa isipan.
16Kung di gayon, kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, paanong ang isang nasa kalagayang hindi naturuan ay makapagsasabi ng Amen sa iyong pagpapasalamat, gayong hindi niya nalalaman ang iyong sinasabi?
17Sapagkat maaaring ikaw ay nagpapasalamat ng mabuti, subalit ang iba ay hindi napatitibay.
18Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na ako'y nagsasalita ng mga wika na higit kaysa inyong lahat,
19ngunit sa iglesya, mas nanaisin ko pang magsalita ng limang salita sa pamamagitan ng aking pag-iisip, upang makapagturo ako sa iba, kaysa sampung libong mga salita sa ibang wika.
20Mga kapatid, huwag kayong mag-isip bata; sa kasamaan ay maging sanggol kayo, ngunit sa pag-iisip ay maging husto na sa gulang.
21Sa#Isa. 28:11, 12 kautusan ay nakasulat, “Sa pamamagitan ng ibang mga wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga ay magsasalita ako sa bayang ito, gayunma'y hindi sila makikinig sa akin,” sabi ng Panginoon.
22Kaya nga, ang mga wika ay tanda, hindi para sa mga sumasampalataya, kundi sa mga hindi mananampalataya. Subalit ang propesiya ay hindi sa mga hindi mananampalataya, kundi sa mga sumasampalataya.
23Kaya't kung ang buong iglesya ay nagkakatipon at ang lahat ay nagsasalita ng mga wika, at pumasok ang mga hindi naturuan o hindi mga mananampalataya, hindi kaya nila sasabihing kayo'y mga nasisiraan ng isip?
24Subalit kung ang lahat ay nagpapahayag ng propesiya at pumasok ang isang hindi mananampalataya, o hindi naturuan, siya ay hinatulan ng lahat, siya ay pinananagot ng lahat.
25Pagkatapos na mabunyag ang mga lihim ng kanyang puso, ang taong iyon ay yuyukod,#14:25 Sa Griyego ay isusubsob ang mukha. at kanyang sasambahin ang Diyos at ipahahayag, “Tunay na kasama ninyo ang Diyos.”
Kaayusan sa Iglesya
26Ano kung gayon, mga kapatid? Kapag kayo'y nagkakatipon, bawat isa ay may isang awit, isang aral, isang pahayag, isang wika, isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay para sa pagpapatibay.
27Kung nagsasalita ang sinuman ng wika, dapat ay dalawa o hanggang tatlo lamang, at sunud-sunod ang bawat isa, at may isang magpaliwanag.
28Subalit kung walang tagapagpaliwanag, tumahimik ang bawat isa sa iglesya at magsalita sa kanyang sarili, at sa Diyos.
29Hayaang magsalita ang dalawa o tatlo sa mga propeta, at ang iba'y umunawa sa sinasabi.
30Kung may ipinahayag na anuman sa isang nakaupo, tumahimik muna ang nauna.
31Sapagkat kayong lahat ay isa-isang makapagpapahayag ng propesiya upang ang lahat ay matuto, at ang lahat ay mapasigla.
32At ang mga espiritu ng mga propeta ay nasasailalim ng mga propeta,
33sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesya ng mga banal,
34ang mga babae ay dapat tumahimik sa mga iglesya, sapagkat sila'y hindi pinahihintulutang magsalita, kundi pasakop, gaya ng sinasabi ng kautusan.
35Kung mayroong anumang bagay na nais nilang malaman, tanungin nila ang kanilang mga asawa sa bahay; sapagkat kahiyahiya para sa isang babae ang magsalita sa iglesya.
36Ang salita ba ng Diyos ay nagmula sa inyo? O kayo lamang ba ang dinatnan nito?
37Kung iniisip ng sinuman na siya'y propeta, o taong espirituwal, dapat niyang kilalanin na ang aking isinusulat sa inyo ay utos ng Panginoon.
38Subalit kung ang sinuman ay hindi kumilala nito, siya ay hindi kikilalanin.
39Kaya, mga kapatid ko, masikap ninyong naisin na makapagsalita ng propesiya at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita ng mga wika.
40Subalit gawin ang lahat ng mga bagay nang nararapat at may kaayusan.
Currently Selected:
I MGA TAGA-CORINTO 14: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001