YouVersion Logo
Search Icon

I MGA CRONICA 28

28
Ang Talumpati ni David
1Pinulong ni David sa Jerusalem ang lahat ng pinuno sa Israel, ang mga puno ng mga lipi, mga punong-kawal ng mga pulutong na naglilingkod sa hari, mga punong-kawal ng libu-libo, mga punong-kawal ng daan-daan, at ang mga katiwala sa lahat ng ari-arian at kawan ng hari at ng kanyang mga anak, kasama ng mga pinuno sa palasyo, at mga makapangyarihang lalaki, at lahat ng magigiting na mandirigma.
2At#2 Sam. 7:1-16; 1 Cro. 17:1-14 tumayo si Haring David at nagsabi, “Pakinggan ninyo ako, mga kapatid ko, at bayan ko. Nasa aking puso na ipagtayo ng isang bahay na pahingahan ang kaban ng tipan ng Panginoon, upang maging tuntungan ng mga paa ng ating Diyos; at ako'y naghanda para sa pagtatayo.
3Ngunit sinabi ng Diyos sa akin, ‘Hindi ka magtatayo ng bahay para sa aking pangalan, sapagkat ikaw ay isang mandirigma at nagpadanak ng dugo.’
4Gayunma'y pinili ako ng Panginoong Diyos ng Israel sa buong sambahayan ng aking ama upang maging hari sa Israel magpakailanman, sapagkat kanyang pinili ang Juda upang maging pinuno, at sa sambahayan ng Juda, ang sambahayan ng aking ama. Sa mga anak ng aking ama ay kinalugdan niya ako upang gawing hari sa buong Israel.
5Sa lahat ng aking mga anak na lalaki (sapagkat binigyan ako ng Panginoon ng maraming anak,) pinili niya si Solomon na aking anak upang umupo sa trono ng kaharian ng Panginoon sa Israel.
6Kanyang sinabi sa akin, ‘Si Solomon na iyong anak ang siyang magtatayo ng aking bahay at ng aking mga bulwagan, sapagkat pinili ko siya upang maging anak ko, at ako'y magiging kanyang ama.
7Itatatag ko ang kanyang kaharian magpakailanman, kung kanyang laging susundin ang aking mga utos at mga tuntunin, gaya sa araw na ito.’
8Ngayon, sa paningin ng buong Israel, ang kapulungan ng Panginoon, at sa pandinig ng ating Diyos, tuparin at sundin ninyo ang lahat ng mga utos ng Panginoon ninyong Diyos, upang inyong ariin ang mabuting lupaing ito, at maiwan bilang pamana sa inyong mga anak pagkatapos ninyo, magpakailanman.
9“At ikaw, Solomon na aking anak, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama. Paglingkuran mo siya nang buong puso at nang kusang pag-iisip, sapagkat sinasaliksik ng Panginoon ang lahat ng puso, at nalalaman ang lahat ng balak at iniisip. Kung hahanapin mo siya, matatagpuan mo siya; ngunit kung pababayaan mo siya, itatakuwil ka niya magpakailanman.
10Mag-ingat ka ngayon, sapagkat pinili ka ng Panginoon upang magtayo ng bahay bilang santuwaryo; magpakalakas ka, at kumilos ka.”
Ang Plano ng Templo
11Pagkatapos ay ibinigay ni David kay Solomon na kanyang anak ang plano ng portiko ng templo, ng mga kabahayan, ng mga kabang-yaman, ng mga silid sa itaas, ng mga panloob na silid, at ng silid para sa luklukan ng awa;
12at ang lahat ng plano na nasa kanyang isipan para sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon, sa lahat ng silid sa palibot, sa mga kabang-yaman ng bahay ng Diyos, at sa mga kabang-yaman ng mga nakatalagang bagay.
13Sa mga pagpapangkat-pangkat ng mga pari at ng mga Levita, at sa lahat ng gawaing paglilingkod sa bahay ng Panginoon, at sa lahat ng kasangkapan para sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon,
14ang timbang ng ginto para sa lahat ng kasangkapang ginto sa bawat paglilingkod; ang timbang ng mga kasangkapang pilak para sa bawat paglilingkod,
15ang timbang ng mga ilawang ginto, at ang mga ilaw niyon, ang timbang ng ginto para sa bawat ilawan at sa mga ilaw niyon, ang timbang ng pilak para sa ilawan at sa mga ilaw niyon, ayon sa gamit ng bawat ilawan para sa paglilingkod,
16ang timbang ng ginto para sa bawat hapag para sa mga tinapay na handog, ang pilak para sa mga pilak na hapag,
17at lantay na ginto para sa mga tinidor, mga palanggana, mga kopa, para sa mga gintong mangkok at ang timbang ng bawat isa; at sa mga pilak na mangkok at ang timbang ng bawat isa;
18para sa dambana ng insenso na gawa sa gintong dalisay, at ang timbang niyon; maging ang kanyang plano para sa gintong karwahe ng kerubin na nakabuka ang mga pakpak at nakatakip sa kaban ng tipan ng Panginoon.
19Lahat ng ito'y kanyang nilinaw sa pamamagitan ng sulat mula sa kamay ng Panginoon; ang lahat ng gagawin ay ayon sa plano.
Huling Habilin
20Sinabi pa ni David kay Solomon na kanyang anak, “Magpakalakas at magpakatapang ka, at kumilos ka. Huwag kang matakot, o manlupaypay man, sapagkat ang Panginoong Diyos, na aking Diyos, ay sumasaiyo. Hindi ka niya bibiguin, o pababayaan man, hanggang sa ang lahat ng gawain sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon ay matapos.
21Narito ang mga pagbabahagi ng mga pari at ng mga Levita, para sa lahat ng paglilingkod sa bahay ng Diyos, at makakasama mo sa lahat ng gawain ay mga taong may kusang-loob at bihasa sa anumang uri ng paglilingkod; gayundin ang mga punong-kawal at ang buong bayan ay lubos na susunod sa iyong utos.”

Currently Selected:

I MGA CRONICA 28: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in