Apocalipsis 13
13
1At siya'y tumayo sa buhanginan ng dagat. At nakita ko ang isang hayop na umaahon sa dagat, na may sangpung sungay at pitong ulo, at sa kanilang mga sungay ay may sangpung diadema, at sa kaniyang mga ulo ay mga pangalan ng kapusungan. 2At ang hayop na aking nakita ay katulad ng isang leopardo, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng sa oso, at ang kaniyang bibig ay gaya ng bibig ng leon: at ibinigay sa kaniya ng dragon ang kaniyang kapangyarihan, at ang kaniyang luklukan, at dakilang kapamahalaan. 3At nakita ko ang isa sa kaniyang mga ulo na waring sinugatan ng ikamamatay; at ang kaniyang sugat na ikamamatay ay gumaling: at ang buong lupa'y nanggilalas sa hayop; 4At sila'y nangagsisamba sa dragon, sapagka't ibinigay niya ang kaniyang kapamahalaan sa hayop; at nangagsisamba sa hayop, na nangagsasabi, Sino ang kagaya ng hayop? at sinong makababaka sa kaniya? 5At binigyan siya ng isang bibig na nagsasalita ng malalaking bagay at mga kapusungan: at binigyan siya ng kapamahalaan, upang magpatuloy na apat na pu't dalawang buwan. 6At binuka niya ang kaniyang bibig sa mga kapusungan laban sa Dios, upang pusungin ang kaniyang pangalan, at ang kaniyang tabernakulo, gayon din naman ang mga nananahan sa langit. 7At ipinagkaloob sa kaniya na makipagbaka sa mga banal, at pagtagumpayan sila; at binigyan siya ng kapamahalaan sa bawa't angkan at bayan at wika at bansa. 8At ang lahat ng nangananahan sa lupa ay magsisisamba sa kaniya, na ang kanikaniyang pangalan ay hindi nasusulat sa aklat ng buhay ng Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan. 9Kung ang sinoman ay may pakinig, ay makinig. 10Kung ang sinoman ay sa pagkabihag, ay sa pagkabihag paroroon siya: kung ang sinoman ay papatay sa tabak, ay dapat siyang mamatay sa tabak. Narito ang pagtitiyaga at ang pananampalataya ng mga banal. 11At nakita ko ang ibang hayop na umaahon sa lupa; at may dalawang sungay na katulad ng sa isang kordero, at siya'y nagsasalitang gaya ng dragon. 12At kaniyang isinasagawa ang buong kapamahalaan ng unang hayop sa kaniyang paningin. At pinasasamba niya ang lupa at ang nangananahan dito sa unang hayop, na gumaling ang sugat na ikamamatay. 13At siya'y gumagawa ng mga dakilang tanda, na ano pa't nakapagpapababa ng kahit apoy mula sa langit hanggang sa lupa sa paningin ng mga tao. 14At nadadaya niya ang mga nananahan sa lupa dahil sa mga tanda na sa kaniya'y ipinagkaloob na magawa sa paningin ng hayop; na sinasabi sa mga nananahan sa lupa, na dapat silang gumawa ng isang larawan ng hayop na mayroon ng sugat ng tabak at nabuhay. 15At siya'y pinagkaloobang makapagbigay ng hininga sa larawan ng hayop, upang ang larawan ng hayop ay makapangusap, at maipapatay naman ang lahat ng hindi sumasamba sa larawan ng hayop. 16At ang lahat, maliliit at malalaki, at mayayaman at mga dukha, at ang mga laya at ang mga alipin ay pinabigyan ng isang tanda sa kanilang kanang kamay, o sa noo; 17At nang huwag makabili o makapagbili ang sinoman, kundi siyang mayroong tanda, sa makatuwid ay ng pangalan ng hayop o bilang ng kaniyang pangalan. 18Dito'y may karunungan. Ang may pagkaunawa ay bilangin ang bilang ng hayop; sapagka't siyang bilang ng isang tao: at ang kaniyang bilang ay Anim na raan at anim na pu't anim.
Currently Selected:
Apocalipsis 13: TLAB
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in