YouVersion Logo
Search Icon

Mga Bilang 28

28
1At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ang alay sa akin, ang aking pagkain na pinakahandog sa akin na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa akin, ay inyong pagiingatang ihandog sa akin sa ukol na kapanahunan. 3At iyong sasabihin sa kanila, Ito ang handog na pinaraan sa apoy na inyong ihahandog sa Panginoon; mga korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan, dalawa araw-araw, na pinakapalaging handog na susunugin. 4Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga, at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw; 5At ang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina na pinakahandog na harina, na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo. 6Isang palaging handog na susunugin, na iniutos sa bundok ng Sinai na pinakamasarap na amoy, handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy. 7At ang pinakahandog na inumin niyaon, ay ang ikaapat na bahagi ng isang hin sa isang kordero: sa dakong banal magbubuhos ka ng handog na inumin na pinaka mainam na alak para sa Panginoon. 8At ang isang kordero, ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw: gaya ng handog na harina sa umaga, at gaya ng handog na inumin niyaon, ay iyong ihahandog, isang handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon. 9At sa araw ng sabbath ay dalawang korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan, at dalawang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina, na pinakahandog na harina na hinaluan ng langis, at ang handog na inumin niyaon: 10Ito ang handog na susunugin sa bawa't sabbath, bukod pa sa palaging handog na susunugin, at ang inuming handog niyaon. 11At sa mga pasimula ng inyong mga buwan ay maghahandog kayo ng handog na susunugin sa Panginoon; dalawang guyang toro at isang tupang lalake, pitong korderong lalake ng unang taon, na walang kapintasan; 12At tatlong ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina na pinakahandog na harina, na hinaluan ng langis, para sa bawa't toro; at dalawang ikasangpung bahagi ng mainam na harina na pinakahandog na harina, na hinaluan ng langis para sa isang tupang lalake; 13At isang ikasangpung bahagi ng mainam na harina, na hinaluan ng langis na pinakahandog na harina para sa bawa't kordero; pinakahandog na susunugin na pinakamasarap na amoy, handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy. 14At ang magiging handog na inumin ng mga yaon ay kalahati ng isang hin ng alak sa toro, at ang ikatlong bahagi ng isang hin ay sa tupang lalake, at ang ikaapat na bahagi ng isang hin ay sa kordero: ito ang handog na susunugin sa bawa't buwan sa lahat ng buwan ng taon. 15At isang kambing na lalake na pinakahandog sa Panginoon dahil sa kasalanan; ihahandog ito bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa inuming handog niyaon. 16At sa unang buwan, sa ikalabing apat na araw ng buwan, ay paskua ng Panginoon. 17At sa ikalabing limang araw ng buwang ito ay magkakaroon ng isang pista; pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang lebadura. 18Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod: 19Kundi maghahandog kayo sa Panginoon ng isang handog na pinaraan sa apoy, na pinakahandog na susunugin; dalawang guyang toro, at isang lalaking tupa, at pitong korderong lalake ng unang taon; na mga walang kapintasan: 20At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis: tatlong ikasangpung bahagi ang inyong ihahandog para sa isang toro, at dalawang ikasangpung bahagi para sa tupang lalake; 21At isang ikasangpung bahagi ang iyong ihahandog para sa bawa't kordero sa pitong kordero; 22At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan, upang itubos sa inyo. 23Inyong ihahandog ang mga ito bukod pa sa handog na susunugin sa umaga, na pinakapalaging handog na susunugin, 24Ganitong paraan ihahandog ninyo araw-araw, sa loob ng pitong araw, ang pagkain na handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon: ihahandog ito bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa inuming handog niyaon. 25At sa ikapitong araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod. 26Gayon din sa araw ng mga unang bunga, na paghahandog ninyo ng isang bagong handog na harina sa Panginoon sa inyong pista ng mga sanglinggo, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod: 27Kundi kayo'y maghahandog ng isang handog na susunugin na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; dalawang guyang toro, isang tupang lalake, at pitong korderong lalake ng unang taon; 28At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasangpung bahagi para sa bawa't toro, dalawang ikasangpung bahagi sa isang tupang lalake, 29Isang ikasangpung bahagi sa bawa't kordero sa pitong kordero; 30Isang kambing na lalake upang itubos sa inyo. 31Bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon, ay inyong ihahandog ang mga yaon (yaong mga walang kapintasan sa inyo), at ang mga inuming handog ng mga yaon.

Currently Selected:

Mga Bilang 28: TLAB

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

Video for Mga Bilang 28