Nehemias 9
9
1Nang ikadalawang pu't apat na araw nga ng buwang ito ay nagpupulong ang mga anak ni Israel na may pagaayuno, at may pananamit na magaspang, at may lupa sa ulo nila. 2At ang binhi ni Israel ay nagsihiwalay sa lahat na taga ibang bayan, at nagsitayo at nangagpahayag ng kanilang mga kasalanan, at ng mga kasamaan ng kanilang mga magulang. 3At sila'y nagsitayo sa kanilang dako, at bumasa sa aklat ng kautusan ng Panginoon nilang Dios ng isang ikaapat na bahagi ng araw; at ang isang ikaapat na bahagi ay nagpahayag ng kasalanan, at nagsisamba sa Panginoon nilang Dios. 4Nang magkagayo'y nagsitayo sa mga baytang ng mga Levita, si Jesua, at si Bani, si Cadmiel, si Sebanias, si Bunni, si Serebias, si Bani at si Chenani, at nagsidaing ng malakas sa Panginoon nilang Dios. 5Nang magkagayo'y ang mga Levita; si Jesua at si Cadmiel, si Bani, at si Hosabnias, si Serebias, si Odaias, si Sebanias, at si Pethaia, ay nagsipagsabi, Kayo'y magsitayo at magsipuri sa Panginoon ninyong Dios na mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan: at purihin ang iyong maluwalhating pangalan, na nataas ng higit sa lahat ng pagpapala at pagpuri. 6Ikaw ang Panginoon, ikaw lamang; ikaw ang lumikha ng langit, ng langit ng mga langit, pati ng lahat na natatanaw roon, ng lupa at ng lahat na bagay na nangaroon, ng mga dagat at ng lahat na nangaroon, at iyong pinamalaging lahat; at ang hukbo ng langit ay sumasamba sa iyo. 7Ikaw ang Panginoon na Dios, na siyang pumili kay Abram, at naglabas sa kaniya sa Ur ng mga Caldeo, at nagbigay sa kaniya ng pangalang Abraham. 8At nasumpungan mo ang kaniyang puso na tapat sa harap mo, at nakipagtipan ka sa kaniya, upang ibigay ang lupain ng Cananeo, ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Jebuseo, at ng Gergeseo, upang ibigay sa kaniyang binhi, at tumupad ng iyong mga salita; sapagka't ikaw ay matuwid. 9At iyong nakita ang kadalamhatian ng aming mga magulang sa Egipto, at iyong dininig ang kanilang daing sa tabi ng Dagat na Mapula: 10At nagpakita ka ng mga tanda at mga kababalaghan kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod, at sa buong bayan ng kaniyang lupain; sapagka't iyong nakilala na sila'y nagsigawa na may kapalaluan laban sa kanila; at ipinagimbot mo ikaw ng pangalan gaya sa araw na ito. 11At iyong hinawi ang dagat sa harap nila na anopa't sila'y nagsidaan sa gitna ng dagat sa tuyong lupa; at ang mga manghahabol sa kanila ay iyong ibinulusok sa mga kalaliman na gaya ng isang bato sa malalim na tubig. 12Bukod dito'y iyong pinatnubayan sila sa isang tila haliging ulap sa araw; at sa isang tila haliging apoy sa gabi, upang bigyan sila ng tanglaw sa daan na kanilang lalakaran. 13Ikaw rin naman ay bumaba sa bundok ng Sinai, at nagsalita ka sa kanila mula sa langit, at binigyan mo sila ng mga matuwid na kahatulan at mga tunay na kautusan, mga mabuting palatuntunan at mga utos: 14At ipinakilala mo sa kanila ang iyong banal na sabbath, at nagutos ka sa kanila ng mga utos, at ng mga palatuntunan, at ng kautusan, sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod: 15At nagbigay ka sa kanila ng tinapay na mula sa langit sa kanilang pagkagutom, at nilabasan mo sila ng tubig na mula sa malaking bato sa kanilang pagkauhaw, at inutusan mo sila na magsipasok na ariin ang lupain na iyong isinumpa upang ibigay sa kanila. 16Nguni't sila at ang aming mga magulang ay nagsigawa na may kapalaluan, at nagpatigas ng kanilang leeg, at hindi dininig ang iyong mga utos. 17At nagsitanggi na magsisunod, ni hindi man inalaala ang iyong mga kababalaghan na iyong ginawa sa gitna nila, kundi nagpatigas ng kanilang leeg, at sa kanilang panghihimagsik ay naghalal ng isang punong kawal upang magsibalik sa kanilang pagkabihag. Nguni't ikaw ay Dios na madaling magpatawad, mapagbiyaya at puspos ng kaawaan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kahabagan, at hindi mo pinabayaan sila. 18Oo, nang sila'y magsigawa sa kanila ng isang guyang binubo, at magsabi, Ito ay iyong Dios na nagahon sa iyo mula sa Egipto, at sila'y nagsigawa ng malaking pamumungkahi; 19Gayon ma'y ikaw sa iyong masaganang mga kaawaan ay hindi mo pinabayaan sila sa ilang: ang tila haliging ulap ay hindi humiwalay sa kanila sa araw, upang patnubayan sila sa daan; ni ang tila haliging apoy man sa gabi, upang pagpakitaan sila ng liwanag at ng daan na kanilang lalakaran. 20Iyo rin namang ibinigay ang iyong mabuting Espiritu upang turuan sila, at hindi mo inaalis ang iyong mana sa kanilang bibig, at bigyan mo sila ng tubig sa kanilang pagkauhaw. 21Oo apat na pung taon na iyong kinandili sila sa ilang, at hindi sila nagkulang ng anoman; ang kanilang mga suot ay hindi naluma, at ang kanilang mga paa ay hindi namaga. 22Bukod dito'y binigyan mo sila ng mga kaharian at mga bayan, na iyong binahagi ayon sa kanilang mga bahagi: sa gayo'y kanilang inari ang lupain ng Sehon, sa makatuwid baga'y ang lupain ng hari sa Hesbon, at ang lupain ni Og na hari, sa Basan. 23Ang kanila namang mga anak ay pinarami mo na gaya ng mga bituin sa langit, at mga ipinasok mo sila sa lupain, tungkol doon sa iyong sinabi sa kanilang mga magulang, na sila'y magsiparoon, upang ariin. 24Sa gayo'y ang mga anak ay pumasok at inari ang lupain, at iyong pinasuko sa harap nila ang mga mananahan sa lupain, ang mga Cananeo, at ibinigay mo sa kanilang mga kamay, pati ng kanilang mga hari, at ang mga bayan ng lupain, upang magawa nila sa kanila kung ano ang kanilang ibigin. 25At sila'y nagsisakop ng mga bayan na nakukutaan, at ng matabang lupain, at nangagari ng mga bahay na puno ng lahat na mabubuting bagay, ng mga balon na hinukay, ng mga ubasan, at ng mga olibohan, at ng mga punong kahoy na may bungang sagana: na anopa't sila'y nagsikain, at nangabusog, at naging mataba, at nangaaliw sa iyong malaking kagandahang loob. 26Gayon ma'y naging manunuway sila at nanghimagsik laban sa iyo, at tinalikdan ang iyong kautusan, at pinatay ang iyong mga propeta na nangagpatotoo laban sa kanila na sila'y magsipanumbalik sa iyo, at sila'y nagsigawa ng malaking pamumungkahi. 27Kaya't iyong ibinigay sila sa kamay ng kanilang mga kalaban, na siyang nangagpapanglaw sa kanila: at sa panahon ng kanilang kabagabagan, nang sila'y magsidaing sa iyo, iyong dininig mula sa langit; at ayon sa iyong saganang mga kaawaan ay iyong binigyan sila ng mga tagapagligtas, na nangagligtas sa kanila sa kamay ng kanilang mga kalaban. 28Nguni't pagkatapos ng kanilang kapahingahan, sila'y nagsigawa uli ng kasamaan sa harap mo: kaya't pinabayaan mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, na anopa't mga napapanginoon sa kanila: gayon ma'y nang sila'y magsipanumbalik, at magsidaing sa iyo, iyong dininig mula sa langit; at madalas na iyong iniligtas sila ayon sa iyong mga kaawaan. 29At sumaksi ka laban sa kanila, upang mangaibalik mo sila sa iyong kautusan. Gayon ma'y nagsigawa sila na may kapalaluan, at hindi dininig ang iyong mga utos, kundi nangagkasala laban sa iyong mga kahatulan, (na kung gawin ng isang tao, siya'y mabubuhay sa kanila,) at iniurong ang balikat at nagpatigas ng kanilang leeg, at hindi nangakinig. 30Gayon ma'y tiniis mong malaon sila, at sumaksi ka laban sa kanila ng iyong Espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta: gayon ma'y hindi sila nangakinig: kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng mga bayan ng mga lupain. 31Gayon ma'y sa iyong masaganang mga kaawaan ay hindi mo lubos na niwakasan sila, o pinabayaan man sila; sapagka't ikaw ay mapagbiyaya at maawaing Dios. 32Ngayon nga, aming Dios, na dakila, na makapangyarihan at kakilakilabot na Dios, na nagiingat ng tipan at kaawaan, huwag mong ariing munting bagay sa harap mo ang hirap na dumating sa amin, sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe, at sa aming mga saserdote, at sa aming mga propeta, at sa aming mga magulang, at sa iyong buong bayan, mula sa kapanahunan ng mga hari sa Asiria hanggang sa araw na ito. 33Gayon ma'y banal ka sa lahat na dumating sa amin; sapagka't gumawa kang may pagtatapat, nguni't nagsigawa kaming may kasamaan: 34Kahit ang aming mga hari, ang aming mga pangulo, ang aming mga saserdote, o ang aming mga magulang man, hindi nangagingat ng iyong kautusan, o nakinig man sa iyong mga utos at sa iyong mga patotoo, na iyong ipinatotoo laban sa kanila. 35Sapagka't sila'y hindi nangaglingkod sa iyo sa kanilang kaharian, at sa iyong dakilang kagandahang loob na iyong ipinakita sa kanila, at sa malaki at mabungang lupain na iyong ibinigay sa harap nila, o nagsihiwalay man sila sa kanilang mga masamang gawa. 36Narito, kami ay mga alipin sa araw na ito, at tungkol sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga magulang upang kanin ang bunga niyaon, at ang buti niyaon, narito, kami ay mga alipin doon. 37At ang lupain ay nagbubunga ng marami sa ganang mga hari na iyong inilagay sa amin dahil sa aming mga kasalanan: sila nama'y may kapangyarihan din sa aming mga katawan, at sa aming hayop sa ikapagsasaya nila, at kami ay nangasa malaking kapanglawan. 38At gayon ma'y dahil sa lahat na ito ay tapat na nangakikipagtipan kami, at isinusulat namin; at tinatakdaan ng aming mga prinsipe, ng aming mga Levita, at ng aming mga saserdote.
Currently Selected:
Nehemias 9: TLAB
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in