YouVersion Logo
Search Icon

Tito 2

2
Ang Wastong Pamumuhay
1Ang ituro mo naman ay ang mga bagay na naaayon sa wastong aral. 2Sabihin mo sa matatandang lalaki na sila'y maging mahinahon, marangal, mapagpigil sa sarili, at maging matatag sa pananampalataya, pag-ibig at pagtitiis. 3Sabihin mo sa matatandang babae na sila'y mamuhay na may kabanalan, huwag maninirang-puri, huwag maglalasing kundi magturo sila ng mabuti, 4upang maakay nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang mga asawa at mga anak. 5Ang mga kabataang ito'y kailangan ding turuan na maging mahinahon, malinis ang isipan, masipag sa gawaing bahay, mabait, at masunurin sa kanilang asawa upang walang masabi ang sinuman laban sa salita ng Diyos nang dahil sa kanila.
6Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na maging mapagpigil sa sarili. 7Sa lahat ng paraan, maging halimbawa ka ng mabuting ugali at maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. 8Nararapat na pananalita ang lagi mong gamitin upang hindi mapintasan ninuman ang mga sinasabi mo. Kaya't mapapahiya ang ating mga kalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin.
9Turuan mo ang mga alipin na maging masunurin at kalugud-lugod sa kanilang mga amo. Hindi nila dapat sagut-sagutin ang mga ito, 10ni pagnakawan man. Dapat silang maging tapat sa lahat ng pagkakataon, upang maipakita nila sa lahat nilang ginagawa ang kagandahan ng mga katuruan ng Diyos na ating Tagapagligtas.
11Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. 12Ito ang nagtuturo sa atin upang talikuran ang makamundong pamumuhay at damdaming makalaman, at upang makapamuhay tayo ngayon nang may pagpipigil, matuwid at karapat-dapat sa Diyos 13habang hinihintay natin ang dakilang araw na ating inaasahan. Ito ang pagbabalik ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14Inihandog#Awit 130:8; Exo. 19:5; Deut. 4:20; 7:6; 14:2; 1 Ped. 2:9. niya ang kanyang sarili upang palayain tayo sa lahat ng kasamaan at linisin tayo upang maging bayan niyang masigasig sa paggawa ng mabuti.
15Ipahayag mo ang lahat ng ito, at gamitin mo ang iyong kapangyarihan sa pagpapalakas ng loob at pagsaway sa iyong mga tagapakinig. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.

Currently Selected:

Tito 2: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in