YouVersion Logo
Search Icon

Ecclesiastico 29

29
Ang Pagpapahiram
1Ituring#Exo. 22:25; Lev. 25:35-38. mong kawanggawa ang ikaw ay magpahiram,
iya'y tulong sa kapwa at pagsunod sa Kautusan.
2Pahiramin ang kapwang nasa pangangailangan,
at magbayad sa panahon, kapag ikaw ang may utang.
3Tumupad ka sa pangako at lagi kang maging tapat,
at sa iyong kagipita'y may tutulong agad-agad.
4Ngunit mayroong ang akala'y hulog ng langit ang inutang,
kaya't ang pinagkakautanga'y nabibitin sa alangan.
5Sa mayamang inuutangan ang papuri'y hanggang langit,
halos hagkan pati kamay habang siya'y namamanhik.
Ngunit kapag sumapit na ang panahon ng bayaran,
iyon ay ipinagpapaliban, sari-sari ang dahilan.
6At sakaling mapabalik kalahati ng inutang,
ito'y dapat nang ikagalak ng pobreng inutangan.
Ang malimit na mangyari'y nawala na ang pautang,
kaibiga'y nawala ri't nahalinhan ng kaaway.
Bayad nito'y alimura, at masasakit na salita,
paninirang-puri sa halip na pasasalamat.
7Kaya tuloy dumarami ang ayaw magpahiram, hindi dahil sa ibig niyang magmaramot kaninuman,
kundi dahil sa pangambang baka siya'y madaya lamang.
Maging Bukás-palad
8Datapwat kung sa dukha, ika'y maging bukás-palad,
huwag siyang paghintayin sa tulong mong igagawad.
9Alang-alang sa Kautusan, maralita ay kupkupin,
hanggang hindi nabibigyan, huwag siyang paalisin.
10Mawala na ang salapi sa kapatid o kaibigan,
huwag lamang amagin o mawala sa taguan.
11Kayamanan ay gamitin nang ayon sa Batas ng Diyos,
at papakinabangan mo nang higit pa kaysa ginto.
12Paglilimos ay ituring na malaking kayamanan,
sa lahat ng kasamaan, magsisilbing kaligtasan;
13maaasahang sa tuwina'y magagamit laban sa kaaway,
nang higit pa sa isang sibat at kalasag na matibay.
Ang Paggarantiya
14Ang mabuting tao'y gumagarantiya sa utang ng kaibigan.
Kaya wala nang nalalabing kahihiyan ang nangangahas manloko sa kanya.
15Yamang kanyang itinaya ang kanyang karangalan para sa iyo,
huwag mo itong kalilimutang tanawing utang na loob.
16Ngunit mayroong walang utang na loob na hindi na naalala ang gumarantiya para sa kanya,
at pinababayaang mapinsala ang taong nagmalasakit.
17Maraming mayaman ang naghirap dahil sa paggarantiya,
ang sinapit nila'y daig pa ang sinalanta ng bagyo sa karagatan.
18Maraming mayayaman na ang bumagsak dahil sa paggarantiya,
at napilitan silang magpalabuy-laboy sa ibang lupain.
19Ang makasalanang gumagarantiya upang kumita ng salapi,
malimit ay nasusubo sa gulo at maraming usapin.
20Tumulong ka sa kapwa mo ayon sa iyong kakayanan,
ngunit mag-ingat ka para huwag masubo sa alangan.
Ang Hirap ng Walang Sariling Tahanan
21Pangunahing pangangailangan sa buhay ng tao ang pagkain at inumin, ang damit na pantakip sa katawan,
at tahanang mapangungublihan sa tingin ng madla.
22Mabuti pa ang magdildil ng asin sa sariling kubo,
kaysa kumain ng masarap sa bahay ng ibang tao.
23Masiyahan ka sa kasaganaan, gayundin sa pagdarahop
nang hindi ka masabihan na ikaw ay isang linta.
24Kaawa-awa ang buhay ng walang sariling tahanan;
malimit, hindi siya makapagsalita sapagkat siya'y nanunuluyan lamang.
25Kahit siya ang humarap sa mga panauhin at mag-abot ng inumin, walang magpapasalamat sa kanyang ginawa.
Sa halip, makakarinig pa siya ng masasakit na salita:
26“Halika rito, dayuhan, ihanda mo ang hapag-kainan,
at kung may dala kang pagkain, ibigay mo sa akin.”
27O kaya'y, “Umalis ka na, dayuhan, mayroon akong ibang panauhin,
darating ang kapatid ko, at kailangan ko ang silid na iyong tinutuluyan.”
28Masakit sa isang marunong makiramdam
ang siya'y hamakin ng tinutuluyan o alipustain ng pinagkakautangan.

Currently Selected:

Ecclesiastico 29: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in