Mga Awit 77
77
Kaaliwan sa Panahon ng Bagabag
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Mang-aawit na si Jeduthun.
1Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas,
ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad.
2Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag,
hindi ako napagod, dumalangin na magdamag,
ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.
3Nagunita ko ang Diyos, kaya ako ay dumaing,
ako'y nagdidili-dili ngunit ako'y bigo pa rin. (Selah)#3 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
4Hindi ako patulugin, waring ito ay parusa,
hindi ako makaimik, pagkat ako ay balisa.
5Nagbalik sa gunita ko ang nagdaang mga araw,
nanariwa sa isip ko ang panahong nakaraan;
6ako'y nagbubulay-bulay sa silid ko gabi-gabi,
ang diwa ko ay gising at tinatanong ang sarili:
7“Ako baga, Panginoo'y lubusan mong itatakwil?
Di mo na ba ibabalik sa akin ang iyong pagtingin?
8Ang iyo bang pagmamahal sa amin ay nagwakas na?
Hindi na ba maaaring sa pangako mo'y umasa?
9Yaong kagandahang-loob mo ba ay nakalimutan mo na?
Dahilan sa iyong galit, ang awa mo'y wala na ba?” (Selah)#9 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
10Ganito ang aking sabi: “Ang sakit ng aking loob,
para bagang mahina na't walang lakas ang aking Diyos.”
11Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,
ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
12Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay,
magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.
13Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,
at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay.
14Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga,
iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha.
15Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos,
ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob. (Selah)#15 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
16Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig,
pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig.
17Magmula sa mga ulap mga ulan
ay bumuhos,
at mula sa papawirin, nanggaling ang mga kulog
na katulad ay palasong sumisibat sa palibot.
18Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot,
ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob;
pati mundo ay nayanig na para bang natatakot.
19Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan,
ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan;
ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan.
20Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,
si Moises at si Aaron yaong iyong naging kamay!
Currently Selected:
Mga Awit 77: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society