Mga Awit 51
51
Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran
Awit#2 Sam. 12:1-15. na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.
1Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
2Linisin mo sana ang aking karumhan,
at patawarin mo'ng aking kasalanan!
3Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
di ko malilimutan, laging alaala.
4Sa#Ro. 3:4. iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
marapat na ako'y iyong parusahan.
5Ako'y masama na buhat nang isilang,
makasalanan na nang ako'y iluwal.
6Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
7Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
8Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
butong nanghihina'y muling palakasin.
9Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
lahat kong nagawang masama'y pawiin.
10Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
13Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
14Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko
at aking ihahayag ang pagliligtas mo.
15Tulungan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.
16Hindi mo na nais ang mga handog;
di ka nalulugod, sa haing sinunog;
17ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbabá't pusong mapagtapat.
18Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion;
at ang Jerusalem ay muling ibangon.
19At kung magkagayon, ang handog na haing
dala sa dambana, torong susunugin,
malugod na ito'y iyong tatanggapin.
Currently Selected:
Mga Awit 51: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society