YouVersion Logo
Search Icon

Mga Awit 40

40
Awit ng Pagpupuri
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
1Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
2sa balong malalim na lubhang maputik,
iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
at naging panatag, taglay na buhay ko.
3Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
4Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
5Yahweh aking Diyos, wala kang katulad
sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
nangangamba akong may makalimutan.
6Ang#Heb. 10:5-7. mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
7Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
8Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
9Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
saanman magtipon ang iyong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
10Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.
11Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;
wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos (Awit 70)
12Kay rami na nitong mga suliranin,
na sa karamiha'y di kayang bilangin.
Alipin na ako ng pagkakasala,
na sa dami, ako'y di na makakita;
higit pa ang dami sa buhok sa ulo,
kaya nasira na pati ang loob ko.
13Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan.
14Nawa ang may hangad na ako'y patayin,
bayaang malito't ganap na talunin.
Yaong nagagalak sa suliranin ko,
hiyain mo sila't bayaang malito!
15Silang nangungutya sa aki'y bayaang
manlumo nang labis, nang di magtagumpay!
16Silang lumalapit sa iyo'y dulutan
ng ligaya't galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!”
ng nangaghahangad maligtas na kusa.
17Ako ma'y mahirap at maraming kailangan,
subalit hindi mo kinalilimutan.
Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas—
Yahweh aking Diyos, huwag ka nang magtagal!

Currently Selected:

Mga Awit 40: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in