YouVersion Logo
Search Icon

Mga Awit 102

102
Panalangin ng Isang Nababagabag na Kabataan
Panalangin ng isang dumaranas ng hirap at humihingi ng tulong kay Yahweh.
1Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
lingapin mo ako sa aking pagdaing.
2O huwag ka sanang magkubli sa akin,
lalo sa panahong may dusa't bigatin.
Kapag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin
sa sandaling iyo'y agad mong sagutin.
3Nanghihina akong usok ang katulad,
damdam ko sa init, apoy na maningas.
4Katulad ko'y damong natuyo sa parang,
pati sa pagkai'y di ako ganahan.
5Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas,
yaring katawan ko'y buto na at balat.
6Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang,
para akong kuwago sa dakong mapanglaw;
7ang aking katulad sa hindi pagtulog,
ibon sa bubungang palaging malungkot.
8Sa buong maghapon, ang kaaway ko, nililibak ako, kinukutyang todo;
gamit sa pagsumpa'y itong pangalan ko.
9Pagkain ko'y abo at hindi tinapay,
luha'y hinahalo sa aking inuman.
10Dahil sa galit mo, aking Panginoon,
dinaklot mo ako't iyong itinapon.
11Ang buhay kong taglay ay parang anino;
katulad ko ngayo'y natuyo nang damo.
12Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
di ka malilimot ng buong kinapal.
13Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
pagkat dumating na ang takdang panahon,
sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
bagama't nawasak at gumuhong lubos.
15Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
maging mga hari sa buong sinukob.
16Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.
18Ito'y masusulat upang matunghayan,
susunod na lahing di pa dumarating; ikaw nga, O Yahweh, ang siyang pupurihin.
19Mula sa itaas, sa trono mong banal,
ang lahat sa lupa'y iyong minamasdan.
20Iyong dinirinig ang pagtataghuyan ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
upang palayain sa hirap na taglay.
21Anupa't ang iyong ngala'y mahahayag, sa Zion, O Yahweh, ika'y itatanyag;
at sa Jerusalem pupurihing ganap
22kapag ang mga bansa ay nagsasama-sama
sa banal na lunsod upang magsisamba.
23Ako'y pinanghina, sa aking kabataan;
pakiramdam ko ay umikli ang buhay.
24Itong aking hibik, O aking Diyos,
huwag mo sanang kunin sa ganitong ayos!
Ang buhay mo, Yahweh, walang katapusan;
25nang#Heb. 1:10-12. pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
at ang mga kamay mo ang siyang lumikha sa kalangitan.
26Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
at tulad ng damit, lahat ay kukupas;
sila'y huhubaring parang kasuotan.
27Ngunit mananatili ka't hindi magbabago,
walang katapusan ang mga taon mo.
28At ang mga anak ng iyong mga lingkod,
mamumuhay namang panatag ang loob;
magiging matatag ang kanilang angkan, sa pag-iingat mo, sila'y mananahan.

Currently Selected:

Mga Awit 102: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in