Mga Awit 10
10
Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan
1O Yahweh, bakit masyado kang malayo?
Sa panahon ng gulo, bakit ka nagtatago?
2Inaapi ang mga dukha ng palalo't walang-awa;
nawa'y sila ang mahuli sa patibong nilang gawa.
3Ipinagyayabang ng masasama ang kanilang mga hangarin;
si Yahweh ay nilalait at sinusumpa ng mga sakim.
4Ang sabi ng masasamang tao, “Diyos ay walang pakialam,”
sabi nila'y “walang Diyos,” dahil sa kanilang kahambugan.
5Ang masasama'y palaging nagtatagumpay;
ang hatol ng Diyos ay di nila nauunawaan,
palagi nilang tinutuya ang kanilang mga kaaway.
6Sinasabi nila sa sarili, “Hindi kami mabibigo;
kaguluhan sa buhay, hindi namin matatamo.”
7Namumutawi#Ro. 3:14. sa bibig nila'y sumpa, banta at pandaraya,
dila nila'y laging handa sa marumi't masamang pananalita.
8Sa mga nayon sila'y nag-aabang,
upang paslangin ang walang kamalay-malay.
9Para silang leon na nasa taguan,
mga kawawang dukha'y inaabangan,
hinuhuli ang mga ito sa kanilang bitag,
at pagkatapos ay kinakaladkad.
10Dahan-dahan silang gumagapang,
upang biktimahin ang mga mahihina.
11Ganito ang sabi ng masasama, “Ang Diyos ay walang pakialam!
Mata niya'y nakapikit, di niya ako mapagmamasdan.”
12Gumising ka, O Yahweh, at ang masasama'y parusahan,
silang mga naghihirap ay huwag mong kalimutan!
13Bakit hinahayaan ng Diyos na hamakin siya ng masasama,
na nagsasabing ang parusahan sila'y di raw niya magagawa?
14Subalit nakikita mo ang hirap at kaapihan,
at ikaw ay palaging handang dumamay.
Ang mga kapus-palad ay sa iyo lang umaasa,
sa tuwina'y sumasaklolo ka sa mga ulila.
15Mga braso ng masasama'y iyong baliin,
parusahan mo sila't kasamaa'y sugpuin.
16Naghahari si Yahweh magpakailanpaman,
mga bansang may ibang Diyos, sa lupa'y mapaparam.
17Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak,
patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad.
18Ipagtatanggol mo ang mga api at mga ulila,
upang wala nang taong mananakot ng kapwa.
Currently Selected:
Mga Awit 10: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society