Mga Kawikaan 26
26
1Ang papuri'y di angkop sa taong mangmang, parang ulan ng yelo sa tag-araw o panahon ng anihan.
2Ang sumpang di nararapat ay hindi tatalab, tulad lang ito ng ibong di dumadapo at lilipad-lipad.
3Ang latigo'y para sa kabayo, ang bokado'y para sa asno, ang pamalo naman ay sa mangmang na tao.
4Huwag mong papatulan ang isang mangmang at baka lumabas na higit ka pang mangmang.
5Sagutin mo ang mangmang ayon sa kanyang kahangalan, upang hindi niya isipin na siya'y may katuwiran.
6Ang magpadala ng balita sa mangmang ay napakadelikado, para mo na ring tinaga ang mga paa mo.
7Kung ang paang pilay ay walang kabuluhan, ganoon din ang kawikaan sa bibig ng mangmang.
8Ang isang papuring sa mangmang iniukol ay parang batong nakatali sa balat ng tirador.
9Ang isang kawikaan sa bibig ng mangmang, ay tulad ng tinik sa kamay ng lasing.
10Tulad ng isang namamana ng kahit na sino ang isang taong umupa ng mangmang o lasenggo.
11Ang#2 Ped. 2:22. taong nananatili sa kanyang kahangalan ay tulad ng aso, ang sariling suka ay binabalikan nito.
12Nakakita na ba kayo ng taong nag-aakalang siya ang pinakamatalino? Mas may pag-asa pa ang mangmang kaysa taong ito.
13Ano ang idinadahilan ng taong batugan? “May leon sa daan, may leon sa lansangan.”
14Kung paano lumalapat ang pinto sa hamba, ang batugan naman ay sa kanyang kama.
15Ang kamay ng tamad ay nadidikit sa pinggan, ni hindi mailapit sa bibig dahil sa katamaran.
16Ang palagay ng tamad, siya ay mas marunong kaysa pitong taong wasto kung tumugon.
17Ang nakikisali sa gulo ng may gulo ay tulad ng taong dumadakma sa tainga ng aso.
18-19Ang taong nandaraya saka sasabihing nagbibiro lang ay tulad ng baliw na naglalaro ng sandatang nakamamatay.
20Namamatay ang apoy kung ubos na ang kahoy; nahihinto ang away kapag walang nanunulsol.
21Kung ang baga'y nagdidikit dahil sa pag-ihip, at nagliliyab ang apoy kung maraming gatong, patuloy ang labu-labo kung maraming mapanggulo.
22Ang tsismis ay tulad ng masarap na pagkain; masarap pakinggan, masarap namnamin.
23Ang matamis ngunit pakunwaring salita ay parang pintura ng mumurahing banga.
24Ang tunay na damdamin ng mapagkunwari ay maitatago sa salitang mainam. 25Matamis pakinggan ngunit huwag paniwalaan sapagkat iyon ay bunga ng kanyang pagkasuklam. 26Maaaring ang galit niya'y maitago sa magandang paraan ngunit nalalantad din sa mata ng lahat.
27Ang#Ecc. 27:25-27. nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon. Ang nagpapagulong ng bato ang siyang tatamaan niyon.
28Ang taong sinungaling ay galit sa kapwa. Ang madayang salita ay nagpapahamak sa iba.
Currently Selected:
Mga Kawikaan 26: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society