Levitico 16
16
Ang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan
1Pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron dahil sa kanilang paglapit nang di nararapat sa harapan ni Yahweh, 2si#Heb. 6:19. Moises ay kinausap ni Yahweh. Sabi niya, “Sabihin mo sa kapatid mong si Aaron na makakalapit lamang siya sa Dakong Kabanal-banalan sa loob ng tabing sa takdang panahon. Sapagkat magpapakita ako roon sa pamamagitan ng ulap sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan. Mamamatay siya kapag siya'y sumuway. 3Makakapasok#Heb. 9:7. lamang siya roon pagkatapos niyang magdala ng batang toro bilang handog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin. 4Siya'y maliligo; pagkatapos, magsusuot ng sagradong kasuotan—linong mahabang panloob na kasuotan, linong salawal, linong pamigkis, at linong turbante. 5Bibigyan siya ng mga Israelita ng dalawang lalaking kambing na ihahandog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin.
6“Ihahandog niya ang toro para sa kasalanan niya at ng kanyang sambahayan. 7Pagkatapos, dadalhin niya ang dalawang kambing sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 8Sa pamamagitan ng palabunutan malalaman kung alin sa dalawa ang para kay Yahweh at alin ang para kay Azazel.#8 AZAZEL: Hindi tiyak kung ano ang kahulugan ng salitang ito. Maaaring ito ay pangalan ng isang demonyong pinaniniwalaang naninirahan sa disyerto. 9Ang para kay Yahweh ay papatayin at iaalay tulad ng karaniwang handog para sa kasalanan. 10Ngunit ang para kay Azazel ay buháy na ihahandog sa akin bilang pantubos sa kasalanan, saka pakakawalan sa ilang para kay Azazel.
11“Ang batang toro ay papatayin ni Aaron at ihahandog para sa kasalanan niya at ng kanyang pamilya. 12Pagkatapos, kukunin niya ang lalagyan ng insenso at pupunuin ng baga buhat sa altar na sunugan ng handog. Kukuha rin siya ng dalawang dakot na pinulbos na insenso at dadalhin sa loob ng tabing. 13Upang hindi siya mamatay, ibubuhos niya ang insenso sa apoy sa harapan ko upang ang usok nito ay tumakip sa harap ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan. 14Kukuha siya ng dugo ng batang toro, at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay iwiwisik ito nang minsan sa harap ng Luklukan ng Awa at pitong beses sa harap ng Kaban ng Tipan.
15“Pagkatapos,#Heb. 9:12. papatayin niya ang kambing bilang handog para sa kasalanan ng sambayanan. Magdadala siya ng dugo nito sa loob ng tabing at gaya ng ginawa niya sa dugo ng batang toro, iwiwisik din niya ito sa harap ng Luklukan ng Awa at sa harap ng Kaban ng Tipan. 16Sa gayong paraan, lilinisin niya ang Dakong Kabanal-banalan sa mga karumihan at kasalanan ng bayang Israel. Gayon din ang gagawin niya sa Toldang Tipanan na nahawa sa kanilang karumihan. 17Walang sinumang lalapit sa Toldang Tipanan sa sandaling pumasok doon si Aaron hanggang hindi siya lumalabas pagkatapos niyang maghandog para sa kasalanan niya, para sa kanyang pamilya at para sa kasalanan ng sambayanan. 18Paglabas niya, pupunta siya sa altar na sunugan ng handog upang linisin din iyon. Kukuha siya ng dugo ng batang toro at ng kambing at papahiran niya ang mga sungay ng altar. 19Sa pamamagitan ng kanyang daliri, pitong beses niyang wiwisikan ang altar upang ito'y pabanalin at linisin sa kasalanan ng mga Israelita.
Ang Kambing na Pakakawalan
20“Pagkatapos magawâ ni Aaron ang paghahandog para sa Dakong Kabanal-banalan, sa Toldang Tipanan at sa altar na sunugan ng mga handog, kukunin niya ang pangalawang kambing. 21Ipapatong#Tb. 8:3. niya ang kanyang mga kamay sa ulo nito at ipahahayag ang lahat ng kasamaan, kasalanan at pagsuway ng sambayanang Israel, sa gayon, masasalin sa hayop ang lahat ng ito. Ibibigay niya ang kambing sa isang taong naghihintay doon upang dalhin iyon sa ilang. 22Tataglayin ng kambing ang kasalanan ng buong bayan at pagdating sa ilang ito'y pakakawalan.
23“Pupunta#Eze. 44:19. naman si Aaron sa Toldang Tipanan at doo'y huhubarin ang damit na suot niya nang pumasok sa Dakong Kabanal-banalan at iiwan ito roon. 24Maliligo siya sa isang banal na lugar at matapos magbihis ng sariling damit, ihahandog niya sa altar ang handog na susunugin para sa kanyang sarili at para sa buong bayan. 25Susunugin din niya sa ibabaw ng altar ang taba ng mga handog para sa kasalanan. 26Bago bumalik sa kampo ang taong nagdala ng kambing para kay Azazel, maliligo muna siya at maglalaba ng kanyang kasuotan. 27Ilalabas#Heb. 13:11. naman sa kampo ang toro at ang kambing na inihandog para sa kasalanan. Ang balat, ang laman at ang mga dumi nito ay susunugin sa labas ng kampo. 28Maglalaba ng kasuotan at maliligo ang nagsunog nito bago siya makabalik sa kampo.
Ang Araw ng Pagdaraos Nito
29“Ito#Lev. 23:26-32; Bil. 29:7-11. ay tuntuning susundin ninyo magpakailanman. Tuwing ikasampung araw ng ikapitong buwan, mag-aayuno kayo at huwag magtatrabaho. Dapat itong tuparin ng lahat, maging Israelita o dayuhan, 30sapagkat sa araw na ito ay tutubusin kayo sa inyong mga kasalanan upang maging malinis kayo sa harapan ni Yahweh. 31Ito'y araw ng ganap na pamamahinga. Mag-aayuno kayo at susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon. 32Ang paghahandog para sa kasalanan ay gagampanan ng pinakapunong pari na nanunungkulan sa panahong iyon. Magsusuot siya ng mga sagradong kasuotang lino at 33gagawin niya ang rituwal ng paglilinis ng Dakong Kabanal-banalan, ng Toldang Tipanan, ng altar, ng mga pari at ng buong bayan. 34Ito'y batas na palaging tutuparin ng mga Israelita minsan isang taon upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan.”
At ginawa nga ni Moises ang utos ni Yahweh.
Currently Selected:
Levitico 16: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society