YouVersion Logo
Search Icon

Job 24

24
Inireklamo ni Job ang Ginagawa ng Masama
1“Bakit di nagtatakda ang Makapangyarihang Diyos ng araw ng paghuhukom,
upang masaksihan ng mga matuwid ang kanyang paghatol?
2“Binabago ng mga tao ang hangganan ng mga lupa,
nagnanakaw ng mga hayop na iba ang nag-alaga.
3Tinatangay nila ang asno ng mga ulila,
kinakamkam sa mga biyuda ang bakang isinangla.
4Ang mahirap ay itinataboy sa lansangan;
at dahil sa takot, naghahanap ito ng taguan.
5“Kaya ang dukha, tulad ay asnong mailap,
hinahalughog ang gubat,
mapakain lang ang anak.
6Gumagapas sila sa bukid na hindi kanila,
natirang ubas ng mga masasama pinupulot nila.
7Kanilang katawan ay walang saplot;
sa lamig ng gabi, wala man lamang kumot.
8Nauulanan sila doon sa kabundukan;
mga pagitan ng bato ang kanilang silungan.
9“Inaalipin ng masasama ang mga ulila;
mga anak ng may utang, kanilang kinukuha.
10Hubad na pinaglalakad ang mga mahirap,
labis ang gutom habang sila'y pinapagapas.
11Sila ang nagkakatas ng ubas at olibo,
ngunit di man lamang makatikim ng alak at langis nito.
12Mga naghihingalo at mga sugatan, sa loob ng lunsod ay nagdadaingan,
ngunit di pa rin pansin ng Diyos ang kanilang panawagan.
13“May mga taong nagtatakwil sa liwanag;
di nila ito maunawaan, patnubay nito'y ayaw sundan.
14Bumabangon ang mamamatay-tao sa madaling araw,
at ang kawawang dukha'y kanyang pinapaslang.
Pagsapit naman ng gabi, siya ay nagnanakaw.
15Ang nakikiapid ay naghihintay na dumilim,
nagtatakip ng mukha upang walang makapansin.
16Kung gabi naman sumasalakay ang mga magnanakaw;
ayaw nila sa liwanag kaya't nagtatago pagsikat ng araw.
17Liwanag ng araw ay kanilang kinatatakutan,
ngunit di sila nasisindak sa matinding kadiliman.”
18Sinabi ni Zofar,
“Ang masamang tao'y tinatangay ng baha,
sinumpa ng Diyos ang kanilang lupa;
sa ubasan nila'y ni walang mangahas magsaka.
19Kung paanong ang yelo ay natutunaw sa tag-init,
gayundin ang masama, naglalaho sa daigdig.
20Kahit ang kanyang ina sa kanya'y nakakalimot;
parang punong nabuwal, inuuod at nabubulok.
21Pagkat inapi niya ang babaing di nagkaanak,
at ang mga biyuda ay kanyang hinamak.
22Winawasak ng Diyos ang buhay ng malalakas;
kapag siya ay kumilos, ang masama'y nagwawakas.
23Hayaan man ng Diyos na mabuhay ito nang tiwasay,
sa bawat sandali, siya'y nagbabantay.
24Umunlad man ang masama, ngunit panandalian lamang,
natutuyo ring tulad ng damo at halaman,
parang bungkos ng inani na binunot sa taniman.
25Kasinungalingan ba ang sinasabi ko?
Sinong makapagpapatunay na ito'y di totoo?”

Currently Selected:

Job 24: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in