Isaias 3
3
Kaguluhan sa Jerusalem
1Aalisin na ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
sa Jerusalem at sa Juda
ang lahat nilang ikinabubuhay at pangangailangan:
ang tinapay at ang tubig;
2ang magigiting na bayani at ang mga kawal;
ang mga hukom at mga propeta,
ang mga manghuhula at ang matatandang pinuno;
3ang mga opisyal ng sandatahang lakas
ang mga pinuno ng pamahalaan;
ang kanilang mga tagapayo, at ang mahuhusay na salamangkero,
gayundin ang mga bihasa sa mga agimat.
4Ang mamumuno sa kanila'y mga musmos na bata,
mga sanggol ang sa kanila'y mamamahala.
5Aapihin ng bawat tao ang kanyang kapwa,
hindi igagalang ng kabataan ang matatanda,
maging ang hamak ay lalaban sa nakatataas sa kanya.
6Darating ang araw na pupuntahan ng isang tao
ang kanyang kapatid sa mismong bahay ng kanilang ama upang sabihin:
“Mayroon kang balabal kaya ikaw na ang mamuno sa amin,
ikaw na ang mamahala sa gumuho nating kabuhayan.”
7Ngunit tututol ito at sasabihin:
“Hindi ko kayo matutulungan;
wala kahit tinapay o balabal sa aking bahay.
Huwag ninyo akong pamahalain sa ating bayan.”
8Gumuho na ang Jerusalem at bumagsak na ang Juda,
sapagkat sumuway sila kay Yahweh, sa salita at sa gawa,
nilapastangan nila ang kanyang maningning na kalagayan.
9Ang pagkiling nila sa iba ay katibayan laban sa kanila.
Gaya ng Sodoma, hayagan sila kung magkasala.
Hindi nila ito itinatago!
Kawawang mga tao!
Sila na rin ang nagpahamak sa kanilang sarili.
10Sabihin ninyo sa mga taong matuwid: “Mapalad kayo
sapagkat mapapakinabangan ninyo ang bunga ng inyong pinagpaguran!”
11At sa masasamang tao: “Kawawa naman kayo! Ang sasapitin ninyo'y kapahamakan,
kung ano ang inyong inutang ay siya ring kabayaran, kung ano ang inyong ginawa, gayundin ang gagawin sa inyo.”
12Mga bata ang umaapi sa aking bayan;
mga babae ang namumuno sa kanila.#12 Mga bata…kanila: o kaya'y Ang mga nagpapautang ang umaapi sa aking bayan.
O bayan ko, inililigaw kayo ng inyong mga pinuno,
nililito nila kayo sa daang inyong nilalakaran.
Hinatulan ng Diyos ang Kanyang Bayan
13Nakahanda na si Yahweh upang ibigay ang kanyang panig,
nakatayo na siya upang hatulan ang kanyang bayan.#13 kanyang bayan: Sa ibang manuskrito'y ang mga bansa.
14Ipapataw na ni Yahweh ang kanyang hatol sa matatanda
at mga pinuno ng kanyang bayan:
“Ubasan ng mahihirap inyong sinamsam,
inyong mga tahanan puro nakaw ang laman.
15Bakit ninyo inaapi ang aking bayan
at sinisikil ang mahihirap?” Ito ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon.
Babala sa Kababaihan ng Jerusalem
16At sinabi ni Yahweh,
“Palalo ang mga anak na babae ng Jerusalem,
taas-noo kung lumakad,
pasulyap-sulyap kung tumingin,
pakendeng-kendeng kung humakbang,
at pinakakalansing pa ang mga alahas sa paa.
17Dahil diyan, pagsusugatin ni Yahweh
ang kanilang ulo hanggang sa sila'y makalbo.”
18Sa araw na iyon, aalisin ni Yahweh ang mga alahas niya sa paa, ulo at leeg; 19ang mga kuwintas, pulseras at bandana; 20ang mga alahas sa buhok, braso, baywang, mga sisidlan ng pabango at mga agimat; 21ang mga singsing sa daliri at sa ilong; 22ang mamahaling damit, balabal, kapa at pitaka; 23ang maninipis nilang damit, mga kasuotang lino, turbante, at belo.
24Ang dating mabango ay aalingasaw sa baho,
lubid ang ibibigkis sa halip na mamahaling sinturon;
ang maayos na buhok ay makakalbo,
ang magagarang damit ay papalitan ng sako;
ang kagandahan ay magiging kahihiyan.
25Mamamatay sa tabak ang inyong mga kalalakihan,
at ang magigiting ninyong kawal sa digmaan.
26Magkakaroon ng panaghoy at iyakan sa mga pintuang-lunsod,
at ang mismong lunsod ay matutulad sa isang babaing hubad na nakalupasay sa lupa.
Currently Selected:
Isaias 3: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society