Mga Hebreo 6
6
1Kaya't iwanan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy na tayo sa mga araling para sa mga may sapat na pang-unawa na. Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, 2tungkol sa mga iba't ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan. 3Magpatuloy na tayo; at iyan ang gagawin namin kung loloobin ng Diyos.
4Sapagkat paano pang magsisisi at manunumbalik ang mga tumalikod na sa kanilang pananampalataya? Dati'y naliwanagan na sila, nakalasap ng makalangit na kaloob at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo. 5Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng Salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating. 6Kapag sila'y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat, hindi na sila maaari pang maakay sa pagsisisi at mapanumbalik sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalantad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.
7Sapagkat pinagpapala ng Diyos ang lupang pagkatapos tumanggap ng masaganang ulan ay sinisibulan ng halamang pinapakinabangan ng mga magsasaka. 8Subalit#Gen. 3:17-18. kung mga damo at halamang matitinik ang tumutubo doon, walang kabuluhan ang lupang iyon at ito ay nanganganib pang sumpain ng Diyos. Ito ay tutupukin sa apoy.
9Mga minamahal, kahit ganito ang sinasabi namin, natitiyak namin na nasa mas mabuti kayong kalagayan patungkol sa inyong kaligtasan. 10Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos. 11Ang nais namin ay patuloy na magsumikap hanggang wakas ang bawat isa sa inyo upang makamtan ninyo ang inyong inaasahan. 12Kaya't huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong dahil sa kanilang pagtitiis at pananalig sa Diyos ay tumatanggap ng mga ipinangako niya.
Tiyak ang Pangako ng Diyos
13Nang mangako ang Diyos kay Abraham, siya'y nanumpa na tutuparin niya ang kanyang pangako. Dahil wala nang nakakahigit pa sa kanya, nanumpa siya sa sarili niyang pangalan. 14Sinabi#Gen. 22:16-17. niya, “Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at ang lahing magmumula sa iyo ay aking pararamihin.” 15Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap naman niya ang ipinangako sa kanya. 16Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpang ito'y pinapagtibay ang usapan. 17Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. 18Hindi nagbabago at hindi man lang nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. 19Ang#Lev. 16:2. pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan. 20Si#Awit 110:4. Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Currently Selected:
Mga Hebreo 6: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society