Ezekiel 22
22
Ang Kasamaan ng Jerusalem
1Sinabi sa akin ni Yahweh, 2“Ezekiel, anak ng tao, ikaw na ang humatol sa lunsod na itong puno ng mamamatay-tao. Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. 3Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko sa kanila: Darating na ang iyong wakas dahil sa pagpatay mo sa maraming tao at pagsamba sa mga diyus-diyosan. 4Malaki ang pagkakasala mo dahil sa pagdanak ng dugo at sa pagkahumaling sa pagsamba sa diyus-diyosang ikaw na rin ang gumawa. Dumating na ang iyong wakas. Ikaw ay lalaitin at kukutyain ng lahat ng bansa. 5Aalipustain ka ng lahat ng bansa, malayo o malapit man, dahil sa labis mong kasamaan.
6“Ang mga pinuno ng Israel ay nagtiwala sa kanilang lakas at walang awang pumapatay. 7Nawala na ang paggalang sa mga magulang. Inapi ninyo ang mga dayuhan, gayon din ang mga ulila at balo. 8Winalang-halaga#Lev. 19:30; 26:2. ninyo ang mga bagay na itinalaga para sa akin, pati ang Araw ng Pamamahinga. 9Nagsinungaling ang ilan upang maipapatay ang kanilang magustuhan. May mga kasamahan kayong kumain ng handog sa mga diyus-diyosan. Ang iba nama'y gumagawa ng mahahalay na gawain. 10Sa#Lev. 18:7-20. kapulungan ninyo'y may sumisiping sa asawa ng kanilang ama. Ang iba nama'y sumisiping sa babaing kasalukuyang nireregla. 11Mayroon namang humahalay sa asawa ng kanyang kapwa. May biyenang lalaki na sumisiping sa kanyang manugang at ang iba nama'y sa kanilang kapatid sa ina o sa ama. 12May#Exo. 23:8; Deut. 16:19; Exo. 22:25; Lev. 25:36-37; Deut. 23:19. nagpapaupa naman upang pumatay ng kapwa, at mayroon pang nagpapatubo nang malaki kung magpautang. Ako'y lubusan na ninyong kinalimutan.
13“Ngayon, paparusahan ko kayo dahil sa inyong pagnanakaw at pagpatay. 14Tingnan ko lang kung matatagalan ninyo ang gagawin ko sa inyo. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y gagawin ko. 15Ipapatapon ko kayo sa lahat ng dako, pangangalatin sa iba't ibang bayan. Sa gayon ko puputulin ang inyong kasamaan. 16Lalapastanganin kayo ng ibang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Ang Pugon ni Yahweh
17Sinabi sa akin ni Yahweh, 18“Ezekiel, anak ng tao, mababa na ang tingin ko sa Israel. Siya'y tulad ng latak ng pinagtunawan ng pilak, tanso, lata, bakal, at tingga, matapos dalisayin sa pugon ang pilak. 19Kaya nga, sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Kayo ay nahaluan, kaya titipunin ko kayo sa Jerusalem. 20Kung paanong ang pilak, tanso, bakal, tingga, at lata ay inilalagay sa tunawan upang dalisayin, gayon ang gagawin ko sa inyo. Tutunawin ko kayo sa init ng nag-aalab kong poot. 21Titipunin ko kayo para ibuhos sa inyo ang aking matinding poot, hanggang sa kayo'y matunaw. 22Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa pugon, gayon ang gagawin ko sa inyo sa Jerusalem. Kapag naibuhos ko na sa inyo ang matindi kong poot, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Ang Kasamaan ng mga Pinuno ng Israel
23Muling nagsalita sa akin si Yahweh, 24“Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na ang lupain ay marumi dahil sa kanilang kasalanan kaya paparusahan ko ito dahil sa pagkapoot ko. 25Ang mga pinuno niya ay parang leong umuungal habang nilalapa ang kanyang biktima. Pumapatay sila ng maraming tao, nananamsam ng mga kayamanan, at maraming babae ang nabalo dahil sa kanila. 26Ang#Lev. 10:10. mga utos ko'y nilabag ng kanilang mga pari. Winawalang-halaga nila ang mga bagay na itinalaga para sa akin. Pinagsama-sama na nila ang sagrado at ang karaniwang mga bagay. Hindi na rin nila itinuro kung alin ang malinis at kung alin ang marumi. Winalang-halaga nila ang Araw ng Pamamahinga. Dahil dito, hindi na rin nila ako iginagalang. 27Ang mga pinuno nila'y parang hayok na asong-gubat kung lumapa ng kanilang biktima. Sila'y walang awang pumapatay upang yumaman. 28Pinagtatakpan pa ng mga propeta ang ganitong kasamaan, tulad ng maruming pader na pinipinturahan ng kalburo. Mga huwad ang kanilang pangitain at pawang kasinungalingan ang kanilang ipinapahayag. Sinasabi nilang, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko ipinapasabi. 29Ang mayayaman ay nandadaya at nagnanakaw. Inaapi nila ang mahihirap, at walang tigil ang panghuhuthot sa mga taga-ibang bayan. 30Humanap ako ng isang taong makakapaglagay ng pader upang ipagsanggalang ang lunsod sa araw na ibuhos ko ang aking poot, ngunit wala akong makita. 31Kaya, ibubuhos ko na sa kanila ang nag-aalab kong poot at sila'y aking lilipulin. Sisingilin ko na sila sa masasama nilang gawain.”
Currently Selected:
Ezekiel 22: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society