YouVersion Logo
Search Icon

Ezekiel 16

16
Ang Kawalang Katapatan ng Jerusalem
1Sinabi pa sa akin ni Yahweh, 2“Ezekiel, anak ng tao, ipamukha mo sa Jerusalem ang kanyang kasuklam-suklam na gawain. 3Sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh na kanyang Diyos: Ikaw ay mula sa Canaan. Amoreo ang iyong ama at Hetea ang iyong ina. 4Nang ikaw ay isilang, hindi ka pinutulan ng pusod ni pinaliguan ni kinuskos ng asin ni binalot ng lampin. 5Walang nag-ukol ng panahon upang gawin sa iyo ang isa man sa mga bagay na dapat gawin. Wala man lamang naawa sa iyo. Basta ka na lamang inilapag sa lupa nang ikaw ay isilang.
6“Nadaanan kitang kakawag-kawag sa sarili mong dugo. Sinabi ko sa iyo noon na mabubuhay ka 7at lalaking tulad ng mga halaman sa parang. Lumaki ka nga at naging ganap na dalaga. Malusog ang iyong dibdib. Mahaba ang iyong buhok ngunit ikaw ay hubo't hubad.
8“Nang madaanan kitang muli, nakita kong ikaw ay handa nang umibig. Kaya ibinalabal ko sa iyo ang aking kasuotan upang matakpan ang iyong kahubaran. Nangako ako sa iyo nang buong katapatan. Nakipagtipan ako sa iyo, at ikaw ay naging akin. 9Pinaliguan kita. Nilinis ko ang dugo mo sa katawan, at pinahiran kita ng langis. 10Dinamtan kita ng may magagandang burda, at sinuotan ng sandalyas na balat. Binalot kita ng pinong lino at damit na seda. 11Sinuotan kita ng pulseras sa magkabilang braso, at binigyan ng kuwintas. 12Binigyan din kita ng hikaw sa ilong at tainga. Pinutungan kita ng isang magandang korona. 13Nagayakan ka ng alahas na pilak at ginto. Ang kasuotan mo'y pinong lino, piling seda, at telang nabuburdahan nang maganda. Ang pagkain mo'y yari sa pinakamainam na harina. Pulot-pukyutan at langis ang iyong inumin. Lumaki kang walang kasingganda at nalagay sa katayuan ng isang reyna. 14Natanyag sa lahat ng bansa ang iyong kagandahan sapagkat lalo itong pinatingkad ng mga palamuting iginayak ko sa iyo.
15“Ngunit naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Kaya nahumaling ka sa kahalayan at ang sarili mo'y ipinaangkin sa lahat ng makita mo. 16Hinubad mo ang bahagi ng iyong kasuotan, ginamit sa pagtatayo ng altar sa mga burol, at doon mo isinagawa ang iyong kahalayan. Wala pang nangyayaring tulad nito at wala nang mangyayari pa sa hinaharap. 17Hinubad mo rin ang ilan sa magagandang alahas na ginto at pilak na ibinigay ko sa iyo, at ginawang larawan ng mga tao na iyong sinamba. 18Binalot mo ito ng balabal mong puno ng magandang burda at ginamit mong pabango ang aking langis at insenso. 19Tinustusan kita ng pinakapinong harina, langis at pulot-pukyutan, ngunit pati tinapay na ibinigay ko sa iyo ay inihandog mo sa kanila. 20Ang mga anak na ipinagkaloob ko sa iyo ay inihandog mo rin sa iyong diyus-diyosan. Hindi ka pa nasiyahan. 21Pinatay mo pati aking mga anak at sinunog bilang handog sa iyong diyus-diyosan. 22Nang gawin mo ang mga kasamaang ito at ang iyong kahalayan ay hindi mo na naisip ang kalagayan mo noong bata ka: hubad, at kakawag-kawag sa sariling dugo.”
23Sinabi ni Yahweh, “Kahabag-habag ang kasasapitan mo. Pagkat bukod sa mga kasamaang iyo nang nagawa, 24nagpatayo ka pa ng nakaarkong altar at nagpagawa ng mataas na entablado sa bawat plasa. 25Nagpagawa ka ng mataas na entablado sa mga panulukan ng daan at doon mo ipinaangkin ang iyong kagandahan sa bawat magdaan. Maraming beses mo itong ginawa. 26Maraming ulit ka ring nagpaangkin sa Egipto, ang makasanlibutan mong kapit-bansa, kaya labis akong nagalit sa iyo. 27Dahil dito, paparusahan kita. Babawasan ko ang iyong mana. Ipapasakop kita sa mga Filisteo, ang mga taong namumuhi sa iyo. Sila ma'y muhi sa mahalay mong gawain.
28“Dahil sa iyong kawalang kasiyahan, napaangkin ka rin sa taga-Asiria. 29Hindi ka pa nasiyahan dito, maraming beses mo ring ipinaangkin ang iyong katawan sa bansang Caldea, ang lupain ng mga mangangalakal. Ngunit hindi ka pa rin nakuntento rito.
30“Naging talamak na ang iyong kasamaan! Nagawa mo ang mga bagay na itong angkop lamang gawin ng isang babaing makapal na ang mukha dahil sa kasamaan. 31Nagpatayo ka ng nakaarkong altar sa mga panulukan ng daan at ng mataas na tayuan sa bawat plasa. At masahol ka pa sa babaing bayaran sapagkat kung minsa'y ikaw pa ang nagbabayad sa umaangkin sa iyong kagandahan. 32O babaing mangangalunya, mas gusto mo pang pasiping sa iba kaysa iyong asawa. 33Ang mga lalaki'y nagbabayad sa mga babaing bayaran, ngunit iba ka. Ikaw pa ang nagbabayad sa sinumang gusto mong umangkin sa iyo para lamang magawâ mo ang iyong kahalayan. 34Kabaligtaran ka ng babaing bayaran. Hindi ikaw ang hinahanap, ikaw ang naghahanap. Hindi ka nagpabayad, ikaw pa ang nagbabayad. Grabe ka talaga.
Ang Hatol ng Diyos sa Jerusalem
35“Kaya nga, babaing ubod ng sama, dinggin mo ang salita ni Yahweh. 36Ito ang kanyang ipinapasabi: Winaldas mo ang iyong ari-arian, inilagay mo ang iyong sarili sa kahiya-hiyang kalagayan dahil sa pagiging mahalay. Sumamba ka sa mga diyus-diyosan. Pinatay mo't inihandog sa mga ito ang iyong mga anak. 37Kaya, titipunin ko laban sa iyo ang lahat ng naging mangingibig mo, maging mga minamahal o maging kinapopootan mo. Sa harap nila'y huhubaran kita upang malagay ka sa matinding kahihiyan. 38Hahatulan kitang tulad sa isang babaing taksil sa asawa at berdugo ng sariling mga anak. At sa tindi ng galit ko sa iyo, paparusahan kita ng kamatayan. 39Ibibigay kita sa kanila. Gigibain nila ang mga altar mong nakaarko at ang mataas na entablado. Huhubaran ka nila ng iyong kasuotan at alahas. Kaya't iiwan ka nilang hubo't hubad. 40Ipadudumog ka nila sa makapal na tao. Babatuhin ka nila at ipatatadtad sa tabak. 41Susunugin nila ang iyong mga bahay at paparusahan sa harapan ng kababaihan. Mapuputol na ang iyong kahalayan at ang pag-upa para lang angkinin ka. 42Ganyan ko ipararanas sa iyo ang aking matinding galit bunga ng panibugho. Sa gayon, mapapawi ang aking galit at papayapa na ang aking kalooban. 43Hindi mo na naalala ang kalagayan mo noong ikaw ay bata, bagkus ay ginalit mo ako nang lubusan dahil sa iyong kasuklam-suklam na gawain. Kaya naman, pagbabayarin kita nang husto.
Kung Ano ang Puno ay Siyang Bunga
“Dahil sa iyong kahalayang ito at sa kasuklam-suklam mong gawain, 44ilalapat sa iyo ang kasabihang ‘Kung ano ang puno ay siyang bunga.’ 45Ang iyong ina ay isang Hetea at isang Amoreo naman ang iyong ama. Itinakwil ng iyong ina ang asawa niya't mga anak. Ganoon din ang ginawa ng mga kapatid mong babae, itinakwil ang asawa't mga anak. 46Ang Samaria na siyang nakatatanda mong kapatid, pati ng kanyang sakop ay nasa gawing hilaga mo. Sa gawing timog naman, ang Sodoma na siya mong kapatid na bata, pati ng kanyang nasasakupan. 47Hindi ka pa nasiyahang tumulad sa kasamaan ng iyong mga kapatid. Mas masama ka kaysa kanila.
48“Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Ang ginawa mo at ng iyong nasasakupan ay hindi ginawa ng kapatid mong Sodoma at ng sakop nito. 49Tingnan mo ang mga kasalanan ng Sodoma: siya at ang kanyang mga anak ay may maipagmamalaking kayamanan at kasaganaan sa buhay, ngunit hindi sila marunong tumulong sa mga nangangailangan, 50naging palalo sila. Bukod doon, gumawa sila ng kasuklam-suklam na mga bagay. Nang makita ko ito, pinarusahan ko sila, gaya ng iyong nalalaman. 51Ang kasalanan naman ng Samaria ay wala pa sa kalahati ng iyong kasalanan. Mas matuwid siya kaysa sa iyo sapagkat mas maraming kasuklam-suklam na gawain ang iyong ginawa kaysa kanya. 52Sa iyo babagsak ang bigat ng kahihiyang akala mo ay nararapat sa iyong mga kapatid, sapagkat higit na kasuklam-suklam ang iyong gawain. Kaya, mararanasan mo ang kahihiyan at kadustaan, sapagkat sa mga ginawa mo'y lumabas pang mas mabuti kaysa sa iyo ang mga kapatid mo.
Ibabalik sa Dati ang Sodoma at ang Samaria
53“Ibabalik ko sa dati ang Sodoma at ang mga sakop nito, ganoon din ang Samaria at ang kanyang nasasakupan; saka pa lamang kita ibabalik sa dati mong kalagayan. 54Dadanasin mo ang bigat ng parusa at ang kahihiyang bunga ng iyong ginawa. Ito'y magiging pampalubag-loob sa Sodoma at Samaria. 55Kung maibalik na sa dati ang Sodoma at Samaria, saka lamang kita ibabalik sa dati mong kalagayan. 56Hindi ba't sinisiraan mo ang Sodoma noong panahon ng iyong kapalaluan, 57noong hindi pa nalalantad ang iyong kasamaan? Ngayon, ikaw naman ang nalagay sa gayong katayuan. Ikaw ngayon ang usap-usapan ng mga nasasakupan ng Edom. Ikaw ngayon ang kinasusuklaman ng Filisteo. 58Ngayon ay dadanasin mo ang bigat ng parusang bunga ng iyong mahalay at kasuklam-suklam na pamumuhay.”
Ang Walang Hanggang Kasunduan
59Ipinapasabi ni Yahweh: “Ilalapat ko sa iyo ang parusang angkop sa pagsira mo sa tipan at pangako. 60Gayunman, hindi ko na rin kalilimutan ang ginawa kong tipan sa iyo nang ikaw ay bata pa. Ngayon ay gagawa ako ng kasunduan para sa atin, hindi ito masisira kailanman. 61Kung magkagayon, maaalala mo noong ikaw ay bata pa at mapapahiya ka sa sarili mo kapag nakasama mo na ang mga kapatid mong nakababata at nakatatanda sa iyo. Sila'y isasama ko sa iyo bagaman hindi talagang kabilang sa tipan ko sa iyo. 62Gagawin ko nga ang aking pakikipagtipan sa iyo. Sa gayo'y makikilala mong ako si Yahweh. 63Sa sandaling ipatawad ko ang lahat mong kasalanan, matitikom ang bibig mo dahil sa laki ng kahihiyan.”

Currently Selected:

Ezekiel 16: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in