YouVersion Logo
Search Icon

Exodo 39

39
Ang Kasuotan ng mga Pari
(Exo. 28:1-43)
1Ginawa nila ang kasuotan ni Aaron ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises. Lanang kulay asul, kulay ube at pula ang ginamit nila sa kasuotan ng mga pari.
2Mainam na lino, lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula ang ginamit nila sa efod. 3Ang ginto ay pinitpit nila nang manipis at ginupit nang pino na parang sinulid, at inihalo sa paghabi sa lanang kulay asul, kulay ube at pula at sa mainam na lino. 4Ang efod ay kinabitan nila ng malapad na tali na siyang nagdudugtong sa likod at harap. 5Kinabitan din nila ito ng isang magandang sinturong kamukha ng efod na yari rin sa mainam na lino, at lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan din ng mga hibla ng ginto tulad ng iniutos ni Yahweh. 6Kumuha sila ng mga batong kornalina at iniayos ito sa patungang ginto. Iniukit nila dito ang pangalan ng mga anak na lalaki ni Israel. Nang mayari, para itong isang magandang pantatak. 7Ang mga bato'y ikinabit nila sa tali sa balikat ng efod upang maalala ang mga anak ni Israel. Ginawa rin nila ito ayon sa utos ni Yahweh.
8Gumawa rin sila ng pektoral. Magandang-maganda ang burda nito, tulad ng efod, at yari din sa mainam na lino, at lanang kulay asul, kulay ube at pula at mayroon din itong sinulid na ginto. 9Ito'y magkataklob at parisukat: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad. 10Kinabitan nila ito ng apat na hilera ng mamahaling bato: Sa unang hanay ay rubi, topaz at karbungko. 11Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante. 12Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista. 13At sa ikaapat, berilo, kornalina at jasper. Lahat ng ito ay nakalagay sa patungang ginto. 14Labindalawa lahat ang batong ginamit upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel. 15Naglubid sila ng pinitpit na ginto at ito ang ginawang panali sa pektoral. 16Gumawa rin sila ng dalawang patungan at dalawang argolyang ginto na ikinabit nila sa dalawang sulok ng pektoral, sa gawing itaas. 17Itinali nila sa argolya ang tig-isang dulo ng mga nilubid na ginto. 18Ang kabilang dulo naman ay itinali nila sa dalawang patungang ginto sa tali sa balikat ng efod. 19Gumawa rin sila ng dalawang argolya at ikinabit sa dalawang sulok sa gawing ibaba ng pektoral. 20Gumawa rin sila ng dalawang argolyang ginto at ikinabit sa ibaba ng tali sa balikat, sa may tahi, sa itaas ng pamigkis ng efod. 21Ang argolya ng pektoral at ng efod ay pinagkabit nila ng lubid na asul para hindi magkahiwalay. Ito'y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh.
22Gumawa rin sila ng damit na nasa ilalim ng efod. Ito'y yari sa lanang kulay asul, 23at may butas na suotan ng ulo; ang butas ay may tupi upang hindi matastas. 24Ang laylayan nito'y nilagyan nila ng mga palawit na tila bunga ng punong granada; ang mga ito'y yari sa pinong lino, at lanang asul, kulay ube at pula. 25Gumawa rin sila ng mga kampanilyang ginto at ikinabit sa laylayan, sa pagitan ng mga palawit. 26Kaya ang laylayan ay may isang hilera ng mga palawit na mukhang bunga ng punong granada at mga kampanilyang ginto. Ito'y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh.
27Gumawa rin sila ng mahabang panloob na kasuotan para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang mga ito'y yari sa pinong lino, 28ganoon din ang turbante, ang mga sumbrero at ang mga linong salawal. 29Ang pamigkis naman sa baywang ay yari sa pinong lino, lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan nang maganda ayon sa utos ni Yahweh. 30Ang turbante ay nilagyan nila ng palamuting ginto at may nakaukit na ganitong mga salita: “Nakalaan kay Yahweh.” 31Ito'y itinali nila sa turbante sa pamamagitan ng kordong asul, tulad ng utos ni Yahweh.
Natapos na ang Toldang Tipanan
(Exo. 35:10-19)
32Natapos nilang gawin ang Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Yahweh; gayundin ang lahat ng mga kagamitan doon. 33Ipinakita nila kay Moises ang lahat: ang tabernakulo, ang tolda at lahat ng gamit dito, ang mga kawit, ang mga patayo at pahalang na balangkas, tukod at mga tuntungan nito; 34ang mga pantakip na balat ng tupa na kinulayan ng pula, balat ng kambing, at ang mga tabing; 35ang Kaban ng Tipan, ang mga pasanan nito at ang Luklukan ng Awa. 36Ipinakita rin nila ang mesa at ang mga kagamitan nito, ang tinapay na panghandog sa Diyos, 37ang ilawang ginto, ang mga ilaw at ang iba pang mga kagamitan nito, at ang langis para sa mga ilaw; 38ang altar na ginto, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ang kurtina para sa pintuan ng tolda. 39Ipinakita rin nila ang altar na tanso, kasama ang parilyang tanso, ang mga pasanan at lahat ng kagamitan ng altar, ang palangganang tanso at ang patungan nito; 40ang mga kurtina para sa bulwagan, ang mga poste at ang mga tuntungan nito, ang tabing sa pagpasok sa bulwagan, ang mga tali, ang mga tulos para sa tolda at lahat ng kagamitan sa paglilingkod sa loob ng Toldang Tipanan. 41Ipinakita rin nila ang sagradong kasuotan ng mga pari para sa kanilang paglilingkod sa Dakong Banal; ang banal na kasuotan ng paring si Aaron, at ang kasuotan ng kanyang mga anak na maglilingkod bilang mga pari. 42Lahat ng ito'y ginawa ng mga Israelita ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises. 43Ang mga ito'y isa-isang tiningnan ni Moises, at binasbasan nang matiyak na nayari ang mga ito ayon sa iniutos ni Yahweh.

Currently Selected:

Exodo 39: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in