Mga Taga-Efeso 4
4
Ang Pagkakaisa sa Espiritu
1Kaya't ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. 2Kayo'y#Co. 3:12-13. maging mapagpakumbabá, mahinahon at matiyaga. Magmahalan kayo at magpasensiya sa isa't isa. 3Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisa na kaloob ng Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo. 4May iisang katawan at iisang Espiritu, tulad ng may iisang pag-asa nang kayo'y tawagin ng Diyos. 5Tayo'y may iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, 6iisang Diyos at Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat.
7Ang bawat isa sa ati'y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Cristo. 8Ganito#Awit 68:18. ang sinasabi ng kasulatan:
“Nang umakyat siya sa kalangitan,
nagdala siya ng maraming bihag,
at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.”
9Anong ibig sabihin ng “umakyat siya”? Ang ibig sabihin niyan ay bumabâ muna siya sa mga kailalimang bahagi ng lupa.#9 mga kailalimang bahagi ng lupa: Sa ibang manuskrito'y mga kailaliman ng lupa. 10Ang bumabâ ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng kalangitan upang mapuno ng kanyang presensya ang lahat ng nilikha. 11At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama'y mga propeta, ang iba'y ebanghelista, at ang iba'y pastor at guro. 12Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga banal, para sa ikatitibay ng katawan ni Cristo, ang iglesya, 13hanggang makamtan natin ang iisang pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. 14Nang sa gayon, hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Hindi na tayo maililigaw ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang. 15Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat. 16Sa#Co. 2:19. pamamagitan niya, ang mga bahaging pinag-ugnay-ugnay ng kasukasuan ay magiging isang katawan; at kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, ang buong katawan ay lálaki at lalakas sa pamamagitan ng pag-ibig.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17Sa pangalan ng Panginoon, ito ang sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong mamuhay tulad ng pamumuhay ng mga walang pananampalataya sa Diyos. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, 18at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos. 19Sila'y naging alipin ng kahalayan, at wala na silang kahihiyan kaunti man lamang. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan.
20Hindi ganyan ang natutuhan ninyo tungkol kay Cristo. 21Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutuhan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. 22Iwanan#Co. 3:9. na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na napapahamak dahil sa masasamang pagnanasa. 23Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24at#Co. 3:10; Gen. 1:26; Kar. 9:3. ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.
25Dahil#Zac. 8:16. dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. 26Kung#Awit 4:4 (LXX). magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, maghanap siya ng marangal na ikabubuhay para makatulong sa mga nangangailangan. 29Huwag kayong gumamit ng masasamang salita; lagi ninyong sikapin na ang pangungusap ninyo'y makakabuti at angkop sa pagkakataon upang pakinabangan ng mga makakarinig. 30At huwag na ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo ng Diyos, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. 31Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. 32Sa#Co. 3:13. halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Currently Selected:
Mga Taga-Efeso 4: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society