Deuteronomio 3
3
Nalupig ng Israel si Haring Og
(Bil. 21:31-35)
1“Nagpatuloy tayo papuntang Bashan ngunit pagdating natin sa Edrei, sinalakay tayo ni Haring Og ng Bashan. 2Sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Huwag kayong matakot sa kanya sapagkat matatalo ninyo sila tulad ng ginawa ninyo kay Haring Sihon ng Hesbon at sa mga Amoreo.’
3“Sa tulong ni Yahweh, natalo nga natin si Haring Og at ang buong Bashan; wala tayong itinirang buháy isa man sa kanila. 4Nasakop natin ang animnapu nilang lunsod sa Argob, ang buong kaharian ni Og sa Bashan, 5ang maraming maliliit na nayon, at ang malalaki nilang lunsod na napapaligiran ng pader. 6Tulad ng ginawa natin kay Haring Sihon ng Hesbon, nilipol natin sila pati mga kababaihan at mga bata. 7Ang itinira lamang natin ay ang mga hayop at iba pang ari-arian nilang sinamsam natin.
8“Nasakop natin noon ang lupain ng dalawang haring Amoreo, ang lupain nila sa silangan ng Jordan, mula sa Ilog Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon. (9Sirion ang tawag ng mga taga-Sidon sa Bundok ng Hermon at Senir naman ang tawag doon ng mga Amoreo.) 10Nasakop din natin ang mga lunsod sa matataas na kapatagan, ang buong Gilead, ang Bashan, hanggang Salca at Edrei, na pawang sakop ni Haring Og.”
(11Si Haring Og lamang ang natira sa mga taga-Refaim. Ang kabaong#11 kabaong: o kaya'y higaan.#11 bato: o kaya'y bakal. niyang bato ay apat na metro ang haba at dalawang metro ang lapad. Ito ay nasa Lunsod ng Rabba, sa lupain ng Ammon, hanggang ngayon.)
Ang mga Liping Nanirahan sa Silangan ng Jordan
(Bil. 32:1-42)
12“Nang masakop natin ang bansang iyon, ibinigay ko sa lipi nina Ruben at Gad ang lupain mula sa Aroer na nasa tabi ng Ilog Arnon, at ang kalahati ng Gilead. 13Ang kalahati naman ng Gilead, ang Bashan, samakatuwid ang buong Argob ay ibinigay ko sa kalahati ng lipi ni Manases.”
(Ang buong Bashan ay tinatawag na lupain ng mga Refaim. 14Ang buong lupain nga ng Argob, at ang Bashan, hanggang sa hangganan ng mga Gesureo at Maacateo, ay napunta kay Jair na anak ni Manases. Hanggang ngayon, may ilang nayon doon na tinatawag na Mga Nayon ni Jair, sunod sa pangalan niya.)
15“Ang Gilead naman ay ibinigay ko kay Maquir. 16Sa mga lipi naman nina Ruben at Gad ay ibinigay ko ang lupain mula sa Gilead hanggang sa kalagitnaan ng Ilog Arnon. Ang Ilog Arnon ang hangganan nito sa timog at ang Ilog Jabok naman sa hilaga. Dito naman nagsimula ang lupain ng lahi ni Ammon. 17Sa kanluran ang lupain nila'y abot sa Ilog Jordan, mula sa Lawa ng Cineret hanggang sa Dagat na Patay. Abot naman sa Bundok Pisga sa gawing silangan.
18“Sinabi#Jos. 1:12-15. ko sa kanila noon: ‘Ang lupaing ito ang ibinibigay sa inyo ni Yahweh na ating Diyos, ngunit ang lahat ng mandirigma ay makikipaglaban munang kasama ng ibang Israelita. 19Maiiwan dito ang inyong mga pamilya at ang inyong mga hayop sapagkat alam kong marami kayong alagang hayop. 20Hindi kayo babalik dito hanggang ang mga kapatid ninyong Israelita ay hindi napapanatag sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh.’
21“Ito naman ang sinabi ko kay Josue: ‘Nakita mo ang ginawa ni Yahweh sa dalawang haring Amoreo; ganoon din ang gagawin ni Yahweh sa mga hari ng lupaing pupuntahan ninyo. 22Huwag kang matatakot sa kanila sapagkat si Yahweh ang siyang nakikipaglaban para sa inyo.’
Hindi Pinapasok sa Canaan si Moises
23“Nakiusap#Bil. 27:12-14; Deut. 32:48-52. ako noon kay Yahweh. Ang sabi ko, 24‘Panginoong Yahweh, pinasimulan mo nang ipakita sa akin ang iyong kapangyarihan. Sinong diyos sa langit o sa lupa ang makakagawa ng iyong ginagawa? 25Hinihiling ko sa iyong patawirin mo ako sa ibayo ng Jordan upang makita ko ang maganda at masaganang lupaing iyon, ang kaburulan at ang Bundok Lebanon.’
26“Ngunit hindi niya ako pinakinggan sapagkat nagalit nga siya sa akin dahil sa inyo. Ang sagot niya sa akin: ‘Tumigil ka na! Huwag mo nang mabanggit-banggit sa akin ang bagay na ito. 27Umakyat ka na lamang sa tuktok ng Pisga at tanawin mo ang paligid sapagkat hindi ka makakatawid ng Jordan. 28Ituro mo kay Josue ang dapat niyang gawin, at palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop sa lupaing matatanaw mo.’
29“At nanatili tayo sa libis na nasa tapat ng Beth-peor.
Currently Selected:
Deuteronomio 3: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society