YouVersion Logo
Search Icon

2 Macabeo 12

12
Pinatay ang mga Judio sa Joppa
1Matapos mapagtibay ang kasunduan ng mga Judio at ng Siria, si Lisias ay nagbalik sa hari at hinarap naman ng mga Judio ang pagsasaka ng kanilang bukirin. 2Ngunit may mga gobernador na tutol sa kasunduang ito; ayaw nilang mapanatag ang mga Judio. Kabilang sa mga pinunong ito si Timoteo, si Apolonio na anak ni Geneo, si Jeronimo, si Demofon at si Nicanor na gobernador ng Cyprus.
3Ang mga taga-Joppa ay tutol din. Kaya't ang ginawa nila ay nagkunwari silang makikipagkaibigan sa mga Judio na nakatira sa kanilang lupain. Inanyayahan nila ang mga Judio, kasama ang kanilang mga asawa at mga anak, na sumakay sa mga barkong inihanda nila. Walang sinumang naghinala na masama ang tangka nila, 4sapagkat ang paanyayang ito ay hayag na pinagkasunduan ng buong lunsod. Sa hangad ng mga Judio na ipakitang nais nilang makipagkaibigan, tinanggap nila ang paanyaya nang walang agam-agam. Subalit pagdating sa laot, lahat ng dalawang daang Judio na sumakay ay nilunod ng mga taga-Joppa.
Gumanti si Judas
5Ang kataksilang ito sa kanyang mga kababayan ay labis na ikinagalit ni Judas. Tinipon niyang muli ang kanyang mga tauhan. 6Pagkatapos manalangin sa Diyos ang makatarungang hukom, nilusob nila ang mga pumaslang sa kanilang mga kababayan. Sumalakay sila ng gabi at tinupok ang daungan. Sinunog din nila ang mga barko at pinatay ang lahat ng nagtago roon. 7Nang sandaling iyon, ang mga pintuang-pasukan ng lunsod ay nakapinid kaya't umatras muna sina Judas, ngunit balak nilang bumalik para lipulin ang lahat ng mamamayan ng Joppa.
8Nabalitaan din ni Judas na ang mga Judio sa Jamnia ay binabalak ding patayin ng mga tagaroon. 9Gaya ng ginawa sa Joppa, sinalakay ni Judas ang Jamnia sa gabi, tinupok ang daungan niyon at sinunog ang mga barko, anupa't ang sunog ay tanaw hanggang Jerusalem, na ang layo ay tatlumpung milya.
Mga Tagumpay ni Judas sa Gilead
(1 Mcb. 5:9-54)
10Lumakad sina Judas upang harapin naman si Timoteo. Halos isang milya pa lamang ang kanilang nalalakad mula roon nang salakayin sila ng isang pangkat ng mga Arabo na di kukulangin sa limanlibong kawal, bukod pa sa limandaang mangangabayo. 11Naging mahigpitan ang kanilang paglalaban, ngunit sa tulong ng Diyos, nagtagumpay sina Judas. Ang nagaping mga Arabo ay nagsumamong makipagkaibigan sa mga Judio. Nangako silang magbibigay ng mga baka at tutulong sa mga Judio sa iba pang paraan. 12Naisip ni Judas na malaki nga ang maitutulong ng mga kawal na Arabo, kaya't pumayag siyang makipagkaibigan sa mga ito. Pagkatapos ng kanilang kasunduan, nagbalik na ang mga Arabo sa kanilang mga tolda.
13Ang sumunod na nilusob ni Judas ay ang Caspin, isang lunsod na napapaligiran ng matibay na pader. Ang mga naninirahan dito ay mga Hentil na buhat sa iba't ibang bansa. 14Palibhasa'y sagana sa pagkain at nananalig sa tibay ng kanilang pader, hindi naligalig ang mga mamamayan doon sa paglusob nina Judas. Pinagtawanan pa nga nila sina Judas at nilait pati ang kanilang Diyos. 15Ngunit tulad ng dati, tinipon ni Judas ang kanyang mga tauhan at nanalangin sa Diyos na Makapangyarihan sa daigdig, ang Diyos na tumulong kay Josue, kaya kahit wala silang mga kagamitan sa paglusob ay nakuha nila ang Jerico. Pagkatapos, buong tapang at lakas na nilusob nila ang mga kuta. 16Sa kalooban nga ng Diyos, nakuha nila ang lunsod at sa dami ng kanilang napatay na kaaway, pati ang karatig na lawa na halos isang milya ang luwang ay parang umapaw sa dugo.
Tinalo ni Judas si Timoteo
(1 Mcb. 5:37-44)
17Mula sa Caspin, tinahak nina Judas ang layong siyamnapu't limang milya hanggang sa dumating sila sa Caraca, isang lugar na malapit sa lunsod ng Tob, na ang naninirahan ay mga Judio. 18Si Timoteo na kanilang hinahanap ay di nila nasumpungan doon, sapagkat nakaalis na ito. Wala naman itong nagawa roon maliban sa pagtatayo ng kuta at mag-iwan doon ng isang malakas na pangkat ng kawal. 19Dalawang matapang na kapitan ni Judas, sina Dositeo at Sosipatro, ang nangahas lumusob sa kuta na iniwan ni Timoteo. Napatay nila ang buong pangkat ng sampung libong kawal na nagtatanggol doon. 20Pinagpangkat-pangkat ni Judas ang kanyang hukbo at ipinailalim sa isang pinuno ang bawat pangkat. Nang handa na ang lahat, humayo sila para tugisin si Timoteo at ang hukbo nito na binubuo ng 120,000 sundalo at 2,500 mangangabayo. 21Nang malaman ni Timoteo na tinutugis siya ni Judas, pinauna na niya ang mga babae at mga bata, pati ang mga dala-dalahan nila, sa Lunsod ng Carnaim, isang dakong napakahirap puntahan at kubkubin dahil sa makikipot na daan. 22Ngunit siya namang pagdating ng unang pangkat ni Judas at gayon na lamang ang takot ng mga kaaway sapagkat nakita nila ang kapangyarihan ng Diyos na nakakakita ng lahat ng bagay. Nagtakbuhan sila sa lahat ng dako at sa kalituhan, marami sa kanila ang nasaksak ng kanilang kasamahan. 23Hindi tinigilan ni Judas ang pagtugis, anupa't may 30,000 kaaway ang kanilang napatay. 24Si Timoteo'y nabihag nina Dositeo at Sosipatro, ngunit sa pamamagitan ng panlilinlang ay nahimok silang siya'y pakawalan. Sinabi niyang hawak niya ang buhay ng maraming kamag-anakan ng mga Judio. 25Dahil sa pangako niyang hindi sasaktan ang mga ito at pakakawalan agad, pinalaya siya ng dalawa.
Patuloy ang Pagtatagumpay ni Judas
(1 Mcb. 5:45-54)
26Nagpatuloy sa pananalakay sina Judas hanggang sa umabot sila sa Carnaim. Pinasok nila ang templo ng diyosang si Atargatis, at pinatay doon ang may 25,000 katao. 27Matapos wasakin ang templo at ang lunsod, ang kanyang hukbo'y dinala niya sa Efron, isang lunsod na napapaderan—doon namamayan si Lisias at ang iba pang mga taong buhat sa iba't ibang bansa. Mula sa pader ay buong giting na lumaban ang mga kabataang matipuno. Sa loob ng pader ay naroon ang maraming kagamitang pandigma. 28Ang mga Judio nama'y nanalangin sa Panginoon na nagbabagsak ng kapangyarihan ng kanyang mga kaaway, at sa tulong niya'y nakuha nila ang lunsod, matapos mapatay ang 25,000 mamamayan doon. 29Iniwan nila ang lugar na iyon at nagpatuloy sa kanilang pananalakay. Sinapit nila ang Beth-san, na pitumpu't limang milya ang layo sa hilaga ng Jerusalem. 30Sasalakayin na sana ito ngunit sila'y sinaway ng mga Judiong naninirahan doon. Pinatotohanan ng mga ito ang mabuting pakikitungo sa kanila ng mga tagaroon, maging sa panahon ng kahirapan. 31Sa halip na salakayin, pinasalamatan nina Judas ang mga tagaroon at pinakiusapang ipagpatuloy ang gayong mabuting pakikisama sa kanilang lahi. Mula roo'y nagpatuloy na sila sa Jerusalem, at dumating doon bago ipinagdiwang ang Pista ng mga Sanlinggo.
Tinalo ni Judas si Gorgias
32Matapos#Exo. 23:16. ipagdiwang ang Pentecostes, lumabas sina Judas at nilusob si Gorgias, ang gobernador ng Edom. 33Sinalubong sila nito na may kasamang hukbo na binubuo ng 3,000 sundalo at 400 mangangabayo. 34Sa labanang ito, may ilang Judio ang nasawi. 35Isang ubod ng lakas na mangangabayong Judio na tauhan ni Bacenor#35 tauhan ni Bacenor: Sa ibang manuskrito'y mula sa bayan ng Tob. na nagngangalang Dositeo ang nakahagip kay Gorgias. Hinawakan niya ito sa uniporme at kinaladkad, sapagkat gusto niyang mahuli nang buháy. Walang anu-ano'y isang mangangabayong taga-Tracia ang mabilis na tinagpas ang balikat ni Dositeo, kaya't nakatakas si Gorgias at nagtago sa Maresa.
36Ang mga tauhan ni Esdrin ay pagod na pagod na sa paglaban, kaya't si Judas ay nanalangin sa Diyos at hiniling na ipakilala niyang siya ay tumutulong sa kanila at siyang nangunguna sa kanila sa labanan. 37Umawit sila ng mga awit-pandigma at mga himno sa wika ng kanilang mga ninuno bilang hudyat sa paglaban, at pagkatapos ay bigla nilang sinalakay ang hindi nakahandang mga kawal ni Gorgias, kaya't nagtakbuhan ang mga iyon.
Pagtubos sa Kasalanan ng mga Namatay
38Matapos ito, dinala ni Judas ang kanyang hukbo sa lunsod ng Adulam. Malapit na ang Araw ng Pamamahinga kaya't ayon sa kaugalia'y naglinis sila ng sarili, at ipinangilin ang araw na ito. 39Kinabukasan, kinailangang tipunin na nila agad ang bangkay ng mga nasawi sa labanan at ilibing ang mga ito sa libingan ng kanilang mga ninuno. 40Samantalang#Deut. 7:25. tinitipon nila ang mga bangkay, napuna nila na sa ilalim ng panloob na kasuotan ng bawat bangkay ay may nakasabit na mga medalyang larawan ng mga diyus-diyosan sa Jamnia. Sa batas ng mga Judio, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusuot nito. Napag-isip-isip nilang ito ang dahilan kung bakit namatay ang mga taong ito. 41Kaya't pinuri nila ang Panginoon, ang makatarungang hukom na nagsisiwalat ng mga lihim. 42Idinalangin nilang sana'y patawarin ang ganitong pagkakasala. Sa ganitong nasaksihan, ang magiting na si Judas ay nagbabala sa kanyang mga kababayan na umiwas sa paggawa ng kasalanan, sapagkat nakita na nila ang nangyari sa mga kababayang nagkasala. 43Nagpalikom siya ng mga kaloob na umabot sa halagang apat na librang pilak at ipinadala ito sa Jerusalem upang ihandog na pantubos sa kasalanan. Ginawa ito ni Judas sapagkat naniniwala siya sa muling pagkabuhay ng mga patay. 44Kung hindi siya umaasa na ang mga patay ay muling mabubuhay, magiging kahangalan lamang ang ipanalangin pa ang mga namatay na. 45Dahil buo ang kanyang paniniwala na ang lahat ng namamatay na nanatiling maka-Diyos ay tatanggap ng dakilang gantimpala, ginawa niya ang paghahandog na iyon upang ang pagkakasala ng mga namatay na ito ay patawarin.

Currently Selected:

2 Macabeo 12: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in