YouVersion Logo
Search Icon

2 Mga Taga-Corinto 12

12
Mga Pangitain at mga Pahayag
1Kailangan kong magmalaki, kahit na wala akong mapapala sa paggawa nito. Ang sasabihin ko naman ngayo'y ang mga pangitain at mga pahayag mula sa Panginoon. 2May kilala akong isang Cristiano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakakalipas. Hindi ko lang matiyak kung iyo'y isang pangitain lamang, o tunay na pangyayari; ang Diyos lamang ang nakakaalam. 3Inuulit ko, siya'y dinala sa Paraiso. At tulad ng sabi ko, ang Diyos lamang ang nakakaalam kung ito nga'y isang pangitain o tunay na pangyayari. 4Nakarinig siya roon ng mga bagay na di kayang ilarawan ng salita at di dapat bigkasin ninuman. 5Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan. 6At kung ako'y magmalaki man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit hindi ko ito gagawin, sapagkat ayaw kong mag-isip ang sinuman nang higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin. 7Ngunit upang hindi ko ipagyabang ang kamangha-manghang pahayag ng Diyos sa akin, ako'y binigyan ng isang kapansanan sa katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, at nang sa gayo'y hindi ako maging palalo. 8Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit 9ganito ang kanyang sagot, “Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang lalo kong madama ang kapangyarihan ni Cristo. 10Dahil kay Cristo, walang halaga sa akin kung ako ma'y mahina, kutyain, pahirapan, usigin at magtiis. Sapagkat kung kailan ako lalong mahina, saka naman ako nagiging malakas.
Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11Ako'y nag-asal hangal, ngunit kayo ang nagtulak sa aking gumawa niyon. Kayo sana ang dapat pumuri sa akin, dahil kahit na wala akong kabuluhan, hindi naman ako nahuhuli sa magagaling na apostol na iyan. 12Buong tiyaga kong pinatotohanan sa inyo na ako'y isang tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala at iba pang mga kamangha-manghang bagay. 13Paano nakalamang sa inyo ang ibang mga iglesya? Hindi sila nakalamang, liban sa pangyayaring hindi ako humingi sa inyo ng kahit anong tulong. Ipagpatawad ninyo kung iyon ay isang pagkukulang. 14Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan, at hindi ako naging pabigat sa inyo. Kayo ang nais ko, hindi ang inyong ari-arian. Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang. 15At ikaliligaya kong gugulin ang lahat, at ihandog pati ang aking buhay para sa inyong kapakanan. Dahil ba sa kayo'y minahal ko nang labis, kaya kaunti ang pagmamahal ninyo sa akin? 16Alam ninyong hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo. Subalit sinasabi ng ilan na ako'y tuso at nandaraya lamang sa inyo. 17Bakit? Pinagsamantalahan ko ba ang inyong kabutihan sa pamamagitan ng mga isinugo ko riyan? 18Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at pinasama ko sa kanya ang isang kapatid. Si Tito ba'y nagsamantala sa inyo? Hindi ba't namuhay kami ayon sa iisang Espiritu, at iisa ang aming pamamaraan? 19Akala ba ninyo'y ipinagtatanggol namin ang aming sarili? Hindi! Nagsasalita kami sa harapan ng Diyos ayon sa kalooban ni Cristo. Mga minamahal, lahat ng ginagawa namin ay para sa ikabubuti ninyo. 20Nangangamba akong baka pagpunta ko riyan ay may makita ako sa inyong hindi ko magustuhan, at kayo naman ay may makita sa aking hindi ninyo magustuhan. Baka ang matagpuan ko'y pag-aaway-away, pag-iinggitan, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagtsitsismisan, pagmamataas at kaguluhan. 21Nangangamba ako na pagpunta kong muli riyan, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo, at itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa ninyo pinagsisiha't tinatalikuran.

Currently Selected:

2 Mga Taga-Corinto 12: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

Video for 2 Mga Taga-Corinto 12