1 Macabeo 4
4
1Sa kabilang panig, si Gorgias ay naghanda naman ng 5,000 sundalo at 1,000 hukbong nakakabayo. Kinagabihan, 2lumakad sila upang salakayin ang kampo ng mga Judio. Sa pangkat niya'y may isinama pa siyang mga tagapagturo ng landas mula sa pader. 3Ngunit hindi ito nalingid kay Judas kaya't sila nama'y umalis sa kampo upang salakayin ang hukbo ng hari na nasa Emaus, 4samantalang wala si Gorgias at ang kanyang hukbo. 5Kaya't nang gabing sumalakay si Gorgias sa kampo ni Judas, wala siyang inabot isa man. Ginalugad niya ang kaburulan sa paniwalang tumakas ang mga kalaban.
6Ngunit nang magbubukang-liwayway, si Judas, kasama ang kanyang 3,000 tauhan ay lumitaw sa kapatagan, bagaman kulang sa mga sandata. 7Nakita nila ang pinagkakampuhan ng mga Hentil at ang mga hukbong kabayuhan sa palibot nito na sanay sa digmaan. 8Sa gitna ng ganitong katayuan, sinabi ni Judas sa kanyang mga kasama, “Huwag kayong matakot sa dami ng kaaway. 9Ang alalahanin ninyo'y kung paano nakaligtas sa Dagat na Pula ang ating mga ninuno noong sila'y habulin ng mga kawal ng Faraon. 10Manalangin tayo sa Diyos. Alalahanin natin ang kanyang kasunduan sa ating mga magulang at kung loloobin niya'y mawawasak ngayon ang hukbo ng ating kaaway. 11Sa gayon, malalaman ng mga Hentil na mayroong Diyos na nagliligtas sa Israel.”
12Nang makita ng mga Hentil ang paghahanda ni Judas at ng kanyang hukbo, 13humanda na rin sila sa paglaban. Hinipan nina Judas ang kanilang mga tambuli, 14at sila'y sumalakay. Ang mga Hentil ay nasindak at tumakas sa kapatagan. 15Ang mga naiwan ay pawang napatay, at ang mga tumakas ay hinabol nila hanggang sa Gazara, Idumea, Azotus, at Jamnia. Tatlong libo sa mga kaaway ang kanilang napatay.
16Pagkatapos ng labanan, bumalik ang hukbo ni Judas, 17at sinabi niya sa kanyang mga kawal, “Kung tayo man ay nagtagumpay, huwag ninyong isipin ang pananamsam sapagkat tayo'y nasa gitna pa ng labanan. 18Hindi malayo sa atin ang mga kawal ni Gorgias; sila'y nasa kaburulan. Humanda tayo sa kanilang ganting salakay. Saka na natin kunin ang mga samsam.” 19Hindi pa man natatapos ang pagsasalita ni Judas, isang pangkat ng kaaway ang bumabâ mula sa kaburulan. 20Nakita nilang ang kanilang hukbo ay napalayas at nasusunog ang kampo. Ganito ang kanilang iniisip dahil sa makapal na usok na pumapailanlang. 21Sa nasaksihang ito, natakot ang mga kaaway, lalo na nang makita nila sa kapatagan ang hukbo ni Judas na handa nang sumalakay. 22Dahil dito, tumakas sila papunta sa lupain ng mga Filisteo. 23Nang makita ni Judas na tumakas na ang mga kaaway, nagbalik sila at nilimas ang kampo ng kalaban. Marami silang nakuhang pilak at ginto, mga telang kulay asul at kulay ube, at iba pang uri ng kayamanan. 24Bumalik silang umaawit ng pagpupuri at pasasalamat sa Diyos, “Siya'y maaasahan at ang kanyang kagandahang-loob ay magpakailanman.” 25Kaya nga't naligtas ang Israel nang araw na iyon.
Ang Pagtatagumpay Laban kay Lisias
(2 Mcb. 11:1-12)
26Ang nangyaring ito'y umabot agad sa kaalaman ni Lisias sa pamamagitan ng mga dayuhang tumakas. 27Labis itong ikinabahala ni Lisias, sapagkat hindi nangyari sa Israel ang kanyang inaasahan, ayon sa iniutos ng hari.
28Upang malunasan ang kabiguang ito, nang sumunod na taon ay naghanda siya ng 60,000 sundalo at 5,000 hukbong nakakabayo. 29Isinama niya sa Edom ang kanyang hukbo at humimpil sila sa Beth-sur. Naghanda naman si Judas ng 10,000 kawal para harapin ang mga kaaway. 30Palibhasa'y#1 Sam. 17:41-54; 14:1-23. higit na marami ang kaaway, siya'y dumalangin sa Diyos. Sinabi niya, “Kapuri-puri po kayo, Tagapagligtas ng Israel, na tumulong kay David upang biguin ang pagsalakay ng higante. Niloob po ninyong ang kampo ng mga Filisteo ay isuko kay Jonatan, anak ni Saul, at sa tagadala nito ng sandata. 31Sa gayon ding paraan ibigay ninyo sa kamay ng inyong mga pinili ang hukbo ng mga kaaway. Hiyain po ninyo sila bagaman malaki ang kanilang hukbo at maraming mangangabayo. 32Paghariin po ninyo sa kanila ang takot; panghinain ninyo sila. Hayaan ninyong manginig sila sa darating nilang kapahamakan. 33Kami po ay nagmamahal at sumasamba sa inyo kaya itulot ninyong lipulin namin ang aming mga kaaway para makaawit kami ng papuri sa inyo.”
34Matapos manalangi'y sumalakay sila, at 5,000 kawal ni Lisias ang nasawi sa labanang iyon. 35Nang makita ni Lisias na natatalo sila dahil sa ibayong katapangan ni Judas at ng mga kawal nitong walang takot mamatay, umatras sila sa Antioquia. Doo'y nangalap siya ng mga upahang kawal upang bumuo ng isang lalong malakas na hukbo; balak niyang salakaying muli ang Juda.
Ang Paglilinis ng Templo
(2 Mcb. 10:1-8)
36Sa gitna ng ganitong tagumpay, sinabi ni Judas at ng mga kapatid niya, “Ngayong nagapi na ang mga kaaway, kailangang linisin natin ang Templo at muling italaga ito.” 37Kaya't ang buong hukbo ay umahon sa Bundok ng Zion. 38Dinatnan nilang wala nang laman ang Templo, wala sa ayos ang dambana at sunog ang mga pintuan. Masukal na ang patyo na parang kagubatan, at wasak pati ang mga tirahan ng mga pari. 39Sa laki ng pagdaramdam, pinunit nila ang kanilang kasuotan, binudburan ng abo ang kanilang ulo, 40at nagpatirapa sa lupa. Nang hipan ang trumpeta bilang hudyat, sila'y nanalangin nang malakas sa Diyos ng kalangitan.
41Iniutos ni Judas sa kanyang mga tauhan na salakayin ang muog, habang nililinis niya ang Templo. 42Pumili siya ng mga paring walang kapintasan at masunurin sa kautusan 43upang siyang maglinis ng Templo. Hinakot nila ang mga batong karumal-dumal at dinala sa isang tambakan. 44Pinag-usapan nila kung ano ang mabuting gawin sa dambanang nilapastangan ng kaaway. 45Pinagkaisahan nilang ito'y wasakin upang hindi maging alaala ng kahihiyang tinamo nila sa kamay ng mga Hentil. 46Tinibag nila ang dambana at ibinunton ang mga bato sa isang panig ng burol, at naghintay na lamang sila ng propetang magpapasya ng dapat gawin sa mga batong iyon. 47Samantala,#Exo. 20:25; Deut. 27:5-6. kumuha sila ng mga batong hindi pa natatapyas, at ayon sa iniutos ng Kautusan, ito ang ginamit sa pagtatayo ng bagong altar. 48Inayos nila ang santwaryo at ang loob ng Templo at nilinis ang mga bulwagan. 49Gumawa sila ng mga bagong sisidlang gagamitin sa Templo, naglagay ng ilawan at altar na sunugan ng insenso at ng hapag na gagamitin sa loob. 50Matapos mailagay sa kanya-kanyang lugar ang lahat, nagsunog sila ng insenso sa altar. Sinindihan nila ang mga ilawan at lumiwanag ang Templo. 51Inihanay nila sa hapag ang tinapay, at ikinabit ang mga kurtina at natapos na lahat ang kanilang gawain.
52Nang#1 Mcb. 1:54. ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan ng taóng 148, 53maagang-maaga silang bumangon at naghandog sa bagong altar ng mga haing susunugin, ayon sa itinakda ng kautusan ng Diyos. 54Sa araw na iyon ay itinalaga nilang muli ang Templo sa gitna ng awitang kasaliw ang mga kudyapi, plauta at pompiyang. Ganito ring araw nang lapastanganin ng mga Hentil ang Templo. 55Lahat ay nagpatirapa, sumamba, at nagpuri sa Diyos na lumingap at pumatnubay sa kanila.
56Walong araw silang nagdiwang sa pagtatalagang ito; tuwang-tuwa silang nag-alay ng mga handog na susunugin. Nag-alay din sila ng handog para sa pagkakaligtas at handog pasasalamat sa Diyos. 57Bilang palamuti, ang labas ng Templo ay nilagyan ng mga koronang ginto at maliliit na kalasag. Inayos nila at nilagyan ng mga pinto ang mga silid ng mga pari. 58Galak na galak ang lahat nang maalis ang mga tanda ng kalapastanganang ginawa ng mga Hentil. 59Ipinasya ni Judas, ng kanyang mga kapatid at ng lahat ng mamamayan ng Israel na sa gayon ding araw, taun-taon ay ipagdiriwang nila ang muling pagtatalaga ng Templo. Walong araw nilang gagawin ito, mula sa ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan.
60Pagkatapos, pinatibay nila ang muog ng Bundok ng Zion. Tinayuan nila ito ng matataas na pader at matitibay na tore sa palibot, upang hindi na maulit ang ginawa sa kanila ng mga Hentil. 61Nagtalaga si Judas ng isang pangkat na magtatanggol sa muog. Nagtayo rin siya ng matibay na muog sa Beth-sur upang magkaroon ng matibay na kuta ang mga tao sa katapat ng Edom.
Currently Selected:
1 Macabeo 4: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society