1 Macabeo 12
12
Pakikipagkaisa sa Roma at sa Esparta
1Nang makita ni Jonatan na ang mga nagaganap ay nakakabuti sa kanya, pumili siya ng mga sugo at ipinadala sa Roma upang pagtibayin at sariwain ang pakikipagkaibigan sa mga tagaroon. 2Nagpadala rin siya ng mga liham na may gayong pahayag sa mga taga-Esparta at sa iba pang lugar. 3Ang mga sugo ay nagtungo sa Roma at tinanggap sa bulwagan ng Senado. Sinabi nilang sila'y isinugo ng Pinakapunong Paring si Jonatan at ng bansang Judio upang sariwain ang dating pakikipagkaibigan at pakikipagkaisa sa Roma. 4Binigyan sila ng mga taga-Roma ng mga sulat para sa mga maykapangyarihan sa bawat bansang daraanan nila, na tumitiyak sa ligtas na paglalakbay nila pabalik sa lupain ng Judea.
5Narito ang sipi ng sulat ni Jonatan sa mga taga-Esparta:
6“Si Jonatan na Pinakapunong Pari, ang pambansang konseho ng mga pinuno, mga pari, at ang mga mamamayan ng Judea, ay bumabati sa aming mga kapatid sa Esparta. 7Noong nakaraang panahon, ang inyong Haring Arios ay sumulat sa aming Pinakapunong Paring si Onias at sinabing may kaugnayan ang ating mga bansa, gaya ng isinasaad ng kalakip na sipi. 8Buong pagpaparangal na tinanggap ni Onias ang inyong sugo at ipinaalam ang pagkatanggap ng inyong liham na nagpapahayag ng ating kasunduan at pagkakaibigan. 9At ngayon, bagaman hindi namin kailangan ang ganitong kasunduan, sapagkat sa aming mga banal na aklat natatagpuan namin ang aming kalakasan, 10sumulat kami upang sariwain ang ating pagkakapatiran at pagkakaibigan. Hindi namin nais na kami'y lubusan ninyong makalimutan; marami na ring taon ang nakakalipas buhat nang kayo'y makipag-ugnayan. 11Sa mga nagdaang taon, sa lahat ng pagkakataon tuwing ipinagdiriwang namin ang aming kapistahan at iba pang tanging araw, kayo'y aming ginugunita kapag naghahandog kami at nananalangin, gaya ng nararapat gawin ng magkakapatid. 12Ikinagagalak din naming kayo'y napatanyag. 13Ngunit sunod-sunod ang aming pakikipagdigma sapagkat palagi kaming sinasalakay ng mga bansa sa paligid. 14At sa panahon ng digmaan, hindi namin ninais na gambalain kayo o sinuman sa aming mga kapanalig at kaibigan, 15sapagkat kami'y tinutulungan ng Panginoon na siyang lumupig sa aming mga kaaway at nagligtas sa amin. 16Ngayo'y isinugo namin si Numenio na anak ni Antioco at si Antipater na anak ni Jason, upang sariwain ang tali ng pakikipagkaibigan at pakikipagkaisa sa mga taga-Roma. 17Inutusan din namin silang dalhin sa inyo ang aming pagbati at ang liham na ito tungkol sa pagsasariwa ng ating pagkakapatiran. 18Ngayon nga, hinihiling namin ang inyong tugon sa liham na ito.”
19Kasunod nito ang sipi ng naunang sulat:
20“Pagbati ni Haring Arios ng Esparta kay Onias, ang Pinakapunong Pari. 21Natagpuan namin ang isang kasulatan tungkol sa mga taga-Esparta at mga Judio; ito'y nagsasaad na may kaugnayan tayo, na ang ating bansa ay kapwa nagbuhat kay Abraham. 22Ngayong natuklasan namin ito, mangyaring magpadala kayo sa amin ng ulat tungkol sa inyong katayuan. 23Bilang tugon, padadalhan namin kayo ng isang liham na nagsasaad na kami ay nakahandang magbahagi ng aming ari-arian, pati mga kawan, kung gayon din ang gagawin ninyo. Binigyan na namin ng utos ang aming mga sugo para mag-ulat sa inyo nang naaayon sa mga bagay na ito.”
Ang mga Pakikipaglaban nina Jonatan at Simon
24Nalaman ni Jonatan na nagbalik ang mga pinuno ni Demetrio upang sumalakay, at higit na marami ang kanilang kawal kaysa dati. 25Hindi niya nais na bigyan sila ng pagkakataong makapasok sa kanyang lupain, kaya't lumabas siya sa Jerusalem at sinalubong sila sa Hamat. 26Nagsugo siya ng ilang tauhan upang manmanan ang kampo ng kaaway. Iniulat nila sa kanya na nagbabalak sumalakay kinagabihan ang mga kaaway. 27Paglubog ng araw, pinahanda ni Jonatan ang lahat ng kawal at ang kanilang mga sandata para sa biglaang pagsalakay anumang oras ng gabi. Naglagay rin siya ng mga bantay sa palibot ng kampo. 28Nang malaman ng mga kalaban na handang makipaglaban si Jonatan, natakot sila at tumakas. Iniwan nila ang kanilang mga siga sa kampo. 29Nakita ni Jonatan at ng mga tauhan niya ang mga siga ngunit hindi nila nalaman ang nangyari kundi nang mag-umaga na. 30Hinabol sila ni Jonatan ngunit hindi inabutan sapagkat sila'y nakatawid na sa Ilog Eleutero. 31Nang magkagayon, sinalakay naman ni Jonatan ang isang lipi ng mga Arabo na tinatawag na mga Zabadeano. Tinalo niya ang mga ito at sinamsam ang kanilang ari-arian. 32Pagkatapos, humiwalay siya sa kampo at nagtungo naman sa Damasco para siyasatin ang buong lugar na iyon.
33Samantala, si Simon ay naglunsad din ng isang sunod-sunod na pananalakay, at umabot siya hanggang Askelon at sa mga kuta sa paligid. Pagkatapos, siya'y nagpunta sa Joppa 34at nag-iwan ng mga kawal doon sapagkat nabalitaan niya na binabalak ng mga tagaroon na ibigay sa mga kawal ni Demetrio ang kuta ng Joppa.
35Pagbalik ni Jonatan, pinulong niya ang mga pinuno. Nagkasundo sila na magtayo ng mga kuta sa Judea, 36pataasan ang mga pader ng Jerusalem, at magpagawa ng mataas na pader para ihiwalay sa lunsod ang kuta. Kapag nakahiwalay ang kuta, mahirap nang bumili o magtinda ang kaaway ng anumang bagay. 37Magkakasamang gumawa ang lahat para mapatibay ang tanggulan ng lunsod sapagkat gumuho ang bahagi ng pader sa silangan sa may Libis ng Kidron; pati ang bahagi ng Kafenata ay kailangan ding ayusin. 38Muli ring itinayo ni Simon ang bayan ng Adida sa paanan ng bundok. Nilagyan niya ito ng kuta at ng mga pintuang may tarangka.
Nabihag ni Trifo si Jonatan
39Binalak ni Trifo na maghimagsik laban kay Haring Antioco upang siya ang maging hari ng Asia. 40Ngunit natakot siya na baka hindi pumayag si Jonatan at siya'y digmain para hadlangan ang kanyang balak. Kaya pinahanda ni Trifo ang kanyang hukbo at nagtungo sa Beth-san sa pag-asang mabibihag si Jonatan at maipapapatay. 41Ngunit nagpunta rin si Jonatan sa Beth-san na may kasamang apatnapung libong piling kawal. 42Nang makita ni Trifo ang napakaraming kawal na kasama ni Jonatan, natakot siyang gumawa ng anuman. 43Kaya tinanggap niya at pinarangalan si Jonatan, binigyan ng mga handog, ipinakilala sa kanyang mga tagapayo, at sinabi pa sa kanyang mga tagapayo at mga kawal na sundin si Jonatan, gaya ng pagsunod nila sa kanya. 44Tinanong niya si Jonatan, “Bakit mo pinahanda ang napakaraming kawal gayong hindi naman tayo nakikipagdigma? 45Pauwiin mo na sila. Pumili ka na lamang ng ilan para makasama mo at samahan ninyo ako sa Tolemaida. Ibibigay ko sa iyo ang lunsod na iyon pati na ang mga kuta, mga hukbo, at lahat ng pinuno roon. Pagkatapos, ako'y aalis na. Iyan nga ang dahilan kaya ako narito.” 46Naniwala naman si Jonatan, at sinunod ang kanyang payo. Pinauwi nga niya sa Judea ang kanyang mga kawal. 47Nagtira lamang siya ng tatlong libo para makasama niya, ngunit iniwan ang dalawang libo nito sa Galilea, kaya isang libo lamang ang talagang sumama sa kanya sa paglalakbay. 48Ngunit nang makapasok sa Tolemaida si Jonatan, isinara ng mga tao ang lahat ng pintuan, dinakip siya at pinatay ang lahat niyang kasama.
49Nagpadala si Trifo ng mga sundalo at mga mangangabayo sa Galilea at sa Libis ng Jezreel#49 LIBIS NG JEZREEL: o kaya'y Malawak na Kapatagan. upang patayin ang iba pang mga kawal ni Jonatan doon. 50Ngunit nalaman ng hukbong Judio na nabihag at napatay si Jonatan, kasama ng mga kawal niya, kaya nag-usap-usap sila at humandang makipagdigma. 51Nang makita ng dumarating na hukbo ng kalaban na handang mamatay sa pakikipaglaban ang mga Judio, sila'y nagbalik. 52Sa gayon, ligtas na nakabalik sa Judea ang mga kawal na Judio, ngunit takot na takot sila. Nagdalamhati ang buong bansa, sa pag-aakalang pinatay si Jonatan at ang lahat ng tauhan niya. 53Tinangka ng mga bansa sa paligid na sila'y puksain. Sa akala nila, wala nang pinuno o kapanalig ang mga Judio at iyon na ang angkop na panahon upang lipulin sila at wakasan ang kanilang kasaysayan.
Currently Selected:
1 Macabeo 12: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society