YouVersion Logo
Search Icon

1 Mga Cronica 19

19
Nilupig ni David ang mga Ammonita at mga Taga-Aram
(2 Sam. 10:1-19)
1Hindi nagtagal at namatay si Nahas na hari ng mga Ammonita. Ang anak niyang si Hanun ang humalili sa kanya. 2Sinabi ni David, “Napakabuti sa akin ni Nahas. Kailangang kaibiganin ko rin ang kanyang anak.” Kaya nagpadala siya ng mga sugo upang ipahatid ang kanyang pakikiramay kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.
Pagdating ng mga sugo, 3sinabi kay Hanun ng mga prinsipe ng Ammon, “Naniniwala ka bang ipinadala ni David ang mga sugong ito upang parangalan ang iyong ama? Hindi kaya naparito ang mga iyan bilang mga espiya at upang malaman kung paano sasakupin ang ating bansa?”
4Dahil dito'y ipinahuli ni Hanun ang mga sugo ni David, pinaahitan ng balbas at ginupit ang kanilang kasuotan at pinauwing nakahubo. 5Ngunit nahihiya silang umuwi. Nang malaman ni David ang nangyari, iniutos niyang salubungin ang mga ito at ipinagbilin na sa Jerico muna pansamantalang manatili hanggang hindi tumutubo ang kanilang balbas.
6Alam ng mga Ammonita na ang ginawa nila'y ikagagalit ni David, kaya nagpadala si Hanun ng 35,000 kilong pilak sa Mesopotamia, Siria, Maaca at Soba upang umupa ng mga karwahe at mangangabayo sa mga lupaing iyon. 7Nakakuha sila ng 32,000 karwahe at nakasama pati ang hari ng Maaca at ang kanyang hukbo. Doon sila nagkampo sa tapat ng Medeba. Dumating din ang mga Ammonita mula sa kani-kanilang mga lunsod at humanda rin sa paglaban. 8Nang malaman ito ni David, pinalabas niya ang kanyang mga mandirigma sa pangunguna ni Joab. 9Lumabas ang mga Ammonita at humanay sa mga pasukan ng lunsod samantalang ang kanilang mga haring kakampi ay humanay naman sa kapatagang malapit doon.
10Nang makita ni Joab na dalawang pangkat ang kaaway nila at nanganganib sila sa unahan at likuran, nagdalawang pangkat din sila. Pumili siya ng matatapang na mga Israelita at pinaharap sa mga taga-Siria. 11Ang mga iba naman na pinangunahan ng kapatid niyang si Abisai ay pinaharap sa mga Ammonita. 12Sinabi niya rito, “Kung matatalo kami ng mga taga-Siria, tulungan mo kami. Kung kayo naman ang matatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. 13Kaya lakasan ninyo ang inyong loob! Lalaban tayo nang buong tapang alang-alang sa ating mga kababayan at sa mga lunsod ng ating Diyos. Mangyari nawa ang kalooban ni Yahweh.”
14Nang magsagupa ang pangkat ni Joab at ang mga taga-Siria, napatakbo nila ang mga ito. 15Nang makita ng mga Ammonita ang nangyari, pati sila'y umurong papuntang lunsod. Hinabol naman sila ng pangkat ni Abisai. Pagkatapos, bumalik na si Joab sa Jerusalem. 16Nang makita ng mga taga-Siria na wala silang kalaban-laban sa Israel, humingi sila ng tulong sa mga kasamahan nila sa ibayo ng Ilog Eufrates. Tumulong naman ang pangkat na pinamumunuan ni Sofac, pinuno ng hukbo ni Hadadezer. 17Agad namang ibinalita ito kay David, at noon di'y inihanda niya ang buong hukbo ng Israel. Tumawid sila sa Jordan at humanda sa pakikipaglaban. 18Sinalakay sila ng mga taga-Siria, ngunit napaurong na naman ito ng hukbo ng Israel. Nakapatay sila ng 7,000 nakakarwahe, at 40,000 kawal na lakad kasama ang kanilang pinuno na si Sofac. 19Nang matalo ng Israel ang mga haring kakampi ni Hadadezer, sumuko ang mga ito, nakipagkasundo kay David at nagpasakop sa kanya. 20Mula noon, ayaw nang tumulong ng mga taga-Siria sa mga Ammonita.

Currently Selected:

1 Mga Cronica 19: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

Video for 1 Mga Cronica 19