YouVersion Logo
Search Icon

Kawikaan 24

24
… 19 …
1Huwag kang mainggit sa mga taong masama o hangarin mang makipagkaibigan sa kanila. 2Sapagkat ang iniisip nila at sinasabi ay para sa kapahamakan ng iba.
… 20 …
3-4Sa pamamagitan ng karunungan, maitatayo mo at mapapaunlad ang iyong tahanan. Mapupuno rin ito ng mahahalagang kayamanan.
… 21 …
5Ang taong marunong ay malaki ang maitutulong upang lalong lumakas ang mga nakikipaglaban, 6sapagkat kailangan nila ng mga payo sa pakikipaglaban. At higit na matitiyak ang tagumpay kung maraming nagpapayo.
… 22 …
7Ang karunungan ay hindi maunawaan ng mangmang. Wala siyang masabi kapag mahahalagang bagay ang pinag-uusapan.
… 23 …
8Ang taong laging nagpaplano ng masama ay kikilalaning may pakana ng kasamaan. 9Anumang pakana ng hangal ay kasalanan, at kinasusuklaman ng mga tao ang sinumang nangungutya.
… 24 …
10Kapag ikaw ay nawalan ng pag-asa sa panahon ng kahirapan, nagpapakita lang ito na ikaw ay mahina.
… 25 …
11Huwag kang mag-atubiling iligtas ang walang kasalanan na hinatulan ng kamatayan. 12Maaaring sabihin mo na wala kang nalalaman sa nangyari, pero alam ng Dios kung totoo o hindi ang iyong sinasabi, dahil binabantayan ka niya at alam niya ang nasa puso mo. Gagantimpalaan ka niya ayon sa iyong mga ginawa.
… 26 …
13-14Anak, kung papaanong matamis at mabuti para sa iyo ang pulot, ganoon din naman ang karunungan. Sapagkat kung marunong ka, mapapabuti ang iyong kinabukasan at mapapasaiyo ang iyong mga hinahangad.
… 27 …
15Huwag kang gagaya sa taong masama na palihim na sumasalakay sa bahay ng matuwid. 16Ang taong matuwid, mabuwal man ng pitong ulit ay tiyak na makakabangon ulit. Hindi tulad ng taong masama na kapag nabuwal ay hindi na makakabangon pa.
… 28 …
17Huwag kang matuwa kapag napapahamak ang iyong kaaway, 18dahil kapag nakita ng Panginoon na natutuwa ka, hindi niya ito magugustuhan, at hindi na niya parurusahan ang iyong kaaway.
… 29 …
19Huwag kang mabalisa o mainggit sa mga taong masama, 20sapagkat wala silang mabuting kinabukasan at magiging tulad sila ng ilaw na namatay.
… 30 …
21Anak, igalang mo ang Panginoon at ang hari. Huwag kang makisama sa mga taong sumusuway sa kanila, 22sapagkat hindi mo alam kung anong kapahamakan ang biglang ibibigay ng Panginoon o ng hari sa kanila.
Dagdag pang Kawikaan
23Narito pa ang ilang kawikaan ng marurunong na tao:
Hindi dapat magtangi ng tao sa paghatol ng katarungan.
24Kapag pinalaya mo ang taong may kasalanan, susumpain ka at kamumuhian ng mga tao.
25Ngunit kapag pinarusahan mo ang may kasalanan, matutuwa ang mga tao at pagpapalain ka.
26Ang tapat na kasagutan ay tanda ng mabuting pagkakaibigan.
27Ihanda mo muna ang iyong pagkakakitaan, tulad ng iyong bukid na taniman bago ka magtatag ng sariling tahanan.
28Huwag kang sasaksi sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, o magsalita laban sa kanya ng kasinungalingan.
29Huwag mong sasabihin, “Gaganti ako, gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin.”
30Dumaan ako sa bukid ng taong tamad at mangmang. 31Puno na ito ng mga damo at matitinik na halaman, at giba na ang mga bakod nito. 32Nang makita ko ito, napaisip ako ng mabuti, at natutunan ko ang aral na ito: 33Sa kaunting pahinga, kaunting pagtulog, at paghalukipkip mo, taong tamad, 34ay biglang darating sa iyo ang kahirapan na para kang ninakawan ng armadong tulisan.

Currently Selected:

Kawikaan 24: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in