YouVersion Logo
Search Icon

Nehemias 3

3
Muling Itinayo ang Pader ng Jerusalem
1Itinayo ni Eliashib na punong pari at ng mga kasamahan niyang pari ang pintuan na tinatawag na Tupa. Matapos nilang ikabit ang pintuan, itinalaga nila ito sa Dios. Itinayo rin nila at itinalaga ang mga pader hanggang sa Tore ng Isang Daan#3:1 Tore ng Isang Daan: Maaaring ang “isang daan” ay ang taas o lalim ng baitang ng hagdan nito. at sa Tore ni Hananel. 2Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay ang mga taga-Jerico, at sumunod sa kanila ay si Zacur na anak ni Imri.
3Itinayo ng mga anak ni Hasena ang pintuan na tinatawag na Isda.#3:3 pintuan na tinatawag na Isda: Maaaring dito pinararaan ang mga isda na dinadala sa lungsod. Nilagyan nila ito ng mga hamba, ikinabit ang mga pinto, at ginawan ng mga trangka.
4Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay si Meremot na anak ni Uria at apo ni Hakoz. Ang kasunod na bahagi namaʼy itinayo ni Meshulam na anak ni Berekia at apo ni Meshezabel. Sumunod naman ay si Zadok na anak ni Baana. 5At ang sumunod sa kanya ay mga taga-Tekoa. Ngunit ang mga pinuno nila ay hindi sumunod sa ipinapagawa ng mga namumuno sa kanila sa gawain.
6Ang nagtayo ng Lumang Pintuan#3:6 Lumang Pintuan: o, Pintuan ni Jeshana. ay si Joyada na anak ni Pasea at si Meshulam na anak ni Besodeya. Nilagyan nila ito ng mga hamba, ikinabit ang mga pinto, at ginawan ng mga trangka.
7Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay sina Melatia na taga-Gibeon, Jadon na taga-Meronot at ang mga lalaking taga-Gibeon at taga-Mizpa. Ang mga lugar na ito ay sakop ng gobernador ng probinsya sa kanlurang Eufrates. 8Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay si Uziel na platero, na anak ni Harhaya. Ang sumunod naman sa kanya ay si Hanania na manggagawa ng pabango. Itinayo nila ang bahaging ito ng pader ng Jerusalem hanggang sa Malawak na Pader. 9Ang sumunod na nagtayo sa kanila ay ang anak ni Hur na si Refaya, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. 10Ang sumunod sa kanya ay si Jedaya na anak ni Harumaf. Itinayo niya ang bahagi ng pader malapit sa kanyang bahay. Ang sumunod sa kanya ay si Hatush na anak ni Hashabneya.
11Ang nagtayo ng sumunod pang bahagi ng pader at ng tore na may mga hurno ay sina Malkia na anak ni Harim, at Hashub na anak ni Pahat Moab. 12Ang sumunod na nagtayo ay ang anak ni Halohes na si Shalum, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. Tinulungan siya ng mga anak niyang babae.
13Ang nagtayo ng pintuang nakaharap sa lambak ay si Hanun at ang mga taga-Zanoa. Ikinabit nila ang mga pinto nito, at ginawan ng mga trangka. Ipinatayo rin nila ang 450 metro na pader sa pintuan ng pinagtatapunan ng basura.
14Ang nagtayo ng pintuan ng pinagtatapunan ng basura ay ang anak ni Recab na si Malkia, na pinuno ng distrito ng Bet Hakerem. Ikinabit niya ang mga pinto nito, at ginawan ng mga trangka.
15Ang nagtayo ng Pintuan ng Bukal ay ang anak ni Col Hoze na si Shalum, na pinuno ng distrito ng Mizpa. Binubungan niya ito, ikinabit ang mga pinto at ginawan ng mga trangka. Itinayo rin niya ang pader ng paliguan sa Siloam, malapit sa hardin ng hari, hanggang sa hagdanang pababa mula sa Lungsod ni David. 16Ang sumunod sa kanya ay ang anak ni Azbuk na si Nehemias, na pinuno ng kalahating distrito ng Bet Zur. Itinayo niya ang pader na nakaharap sa libingan#3:16 libingan: Ganito ang nasa tekstong Septuagint at Syriac. Sa Hebreo, mga libingan. ni David hanggang sa pinag-iimbakan ng tubig at sa kampo ng mga sundalo.
17Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay ang mga Levita na pinamumunuan ni Rehum na anak ni Bani. Ang sumunod sa kanya ay si Hashabia na pinuno ng kalahating distrito ng Keila. 18Ang sumunod sa kanya ay ang mga kababayan niya na pinamumunuan ng anak ni Henadad na si Binui,#3:18 Binui: Ito ang nasa dalawang kopya ng tekstong Hebreo, sa Septuagint at Syriac. Karamihan sa kopyang Hebreo, Bavai. na pinuno ng kalahating distrito ng Keila. 19Ang sumunod ay ang anak ni Jeshua na si Ezer na pinuno ng Mizpa. Itinayo niya ang bahagi ng pader na nakaharap sa bodega ng mga sandata hanggang sa sulok ng pader. 20Ang sumunod naman ay si Baruc na anak ni Zabai. Buong sipag niyang itinayo ang bahagi ng pader mula sa sulok nito hanggang sa bandang pintuan ng bahay ni Eliashib na punong pari. 21Ang sumunod sa kanya ay si Meremot na anak ni Uria at apo ni Hakoz. Itinayo niya ang bahagi ng pader mula sa bandang pintuan ng bahay ni Eliashib hanggang sa dulo ng bahay nito.
22Ang sumunod na nagtayo ng bahagi ng pader ay ang mga pari sa paligid ng Jerusalem. 23Ang sumunod sa kanila ay sina Benjamin at Hashub. Itinayo nila ang bahagi ng pader na nakaharap sa bahay nila. Ang sumunod sa kanila ay si Azaria na anak ni Maaseya at apo ni Anania. Itinayo niya ang bahagi ng pader sa bandang gilid ng bahay niya. 24Ang sumunod ay si Binui na anak ni Henadad. Itinayo niya ang bahagi ng pader mula sa bahay ni Azaria hanggang sa sulok ng pader. Isa pang bahagi ng pader na ito ang kanyang ipinatayo. 25Ang sumunod naman ay si Palal na anak ni Uzai. Itinayo niya ang bahagi ng pader mula sa sulok ng pader at ng nakausling tore sa palasyo, malapit sa pinagpupwestuhan ng mga guwardya. Ang sumunod sa kanya ay si Pedaya na anak ni Paros, 26at ang mga utusan sa templo na nakatira sa may bulubundukin ng Ofel. Itinayo nila ang bahagi ng pader pasilangan, hanggang sa Pintuan ng Tubig at sa nakausling tore. 27Ang sumunod sa kanila ay ang mga taga-Tekoa. Itinayo nila ang bahagi ng pader mula sa malalaking toreng nakausli hanggang sa pader ng Ofel. Pangalawang bahagi na ito ng pader na kanilang itinayo.
28Ang nagtayo ng bahagi ng pader na paahon mula sa Pintuan ng mga Kabayo ay ang mga pari. Itinayo ng bawat isa sa kanila ang bahagi na nakaharap sa bahay nila. 29Ang sumunod sa kanila ay si Zadok na anak ni Imer. Itinayo niya ang bahagi ng pader na nakaharap sa bahay niya. Ang sumunod sa kanya ay ang anak ni Shecania na si Shemaya, na guwardya ng Pintuan sa Silangan. 30Ang sumunod sa kanya ay si Hanania na anak ni Shelemia at si Hanun na ikaanim na anak ni Salaf. Pangalawang bahagi na ito ng pader na kanilang itinayo. Ang sumunod sa kanila ay si Meshulam na anak ni Berekia. Itinayo niya ang bahagi ng pader na nakaharap sa bahay niya. 31Ang sumunod naman ay si Malkia na isang platero. Itinayo niya ang bahagi ng pader hanggang sa tinitirhan ng mga utusan sa templo at ng mga mangangalakal, na nakaharap sa Pintuan ng Pinagtitipunan, at hanggang sa kwarto sa sulok na nasa itaas ng pader. 32Ang nagtayo ng bahagi ng pader mula sa kwartong iyon hanggang sa pintuan na tinatawag na Tupa ay ang mga platero at mga mangangalakal.

Currently Selected:

Nehemias 3: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in