YouVersion Logo
Search Icon

Leviticus 4

4
Ang Handog sa Paglilinis
1-2Nag-utos din ang Panginoon kay Moises na sabihin sa mga taga-Israel na ang sinumang makalabag sa kanyang utos nang hindi sinasadya ay kinakailangang gawin ito:
3Kung ang punong pari ang nagkasala ng hindi sinasadya at dahil dito ay nadamay ang mga tao, maghahandog siya sa Panginoon ng isang batang toro na walang kapintasan bilang handog sa paglilinis. 4Dadalhin niya ang toro sa presensya ng Panginoon doon sa pintuan ng Toldang Tipanan. At ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng toro at saka niya ito papatayin. 5Kukuha ng dugo ng toro ang punong pari at dadalhin niya sa loob ng Tolda. 6Ilulubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik ng pitong beses sa harap ng tabing na tumatabing sa Pinakabanal na Lugar, sa presensya ng Panginoon. 7Pagkatapos, papahiran niya ng dugo ang parang sungay sa mga sulok ng altar na pagsusunugan ng insenso sa loob ng Tolda sa presensya ng Panginoon. At ang natitirang dugo ng toro ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar na pagsusunugan ng handog na sinusunog. Ang altar na itoʼy malapit sa pintuan ng Tolda. 8Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba sa lamang-loob ng toro, 9ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 10(Ganito rin ang gagawin sa hayop na handog para sa mabuting relasyon.) Pagkatapos, ang mga itoʼy susunugin ng pari sa altar na pinagsusunugan ng handog na sinusunog. 11-12Pero ang natitirang bahagi ng hayop, katulad ng balat, laman, ulo, mga paa at nasa loob ng tiyan, pati na ang lamang-loob,#4:11-12 lamang-loob: o, dumi. ay dadalhin sa labas ng kampo at susunugin sa lumalagablab na siga ng mga kahoy, doon sa itinuturing na malinis na lugar na pinagtatapunan ng abo.
13Kung ang buong mamamayan ng Israel ay makalabag sa utos ng Panginoon nang hindi sinasadya, sila ay nagkasala pa rin kahit hindi nila ito nalalaman. 14Kapag alam na nila na silaʼy nagkasala nga, ang lahat ng mamamayan ay maghahandog ng batang toro bilang handog sa paglilinis. Dadalhin nila ang toro sa Toldang Tipanan. 15Pagkatapos, ipapatong ng mga tagapamahala ng Israel ang kanilang kamay sa ulo ng toro at saka papatayin sa presensya ng Panginoon. 16Kukuha ng dugo ng toro ang punong pari at dadalhin niya sa loob ng Tolda. 17At ilulubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik ng pitong beses sa tabing na tumatabing sa Pinakabanal na Lugar, sa presensya ng Panginoon. 18Pagkatapos, papahiran niya ng dugo ang parang sungay sa mga sulok ng altar na nasa loob ng Tolda sa presensya ng Panginoon. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar na pinagsusunugan ng handog na sinusunog. Ang altar na itoʼy malapit sa pintuan ng Tolda. 19-21At ang gagawin niya sa toro na itoʼy katulad din ng ginawa niya sa torong handog sa paglilinis. Kukunin niya ang lahat ng taba ng toro at susunugin sa altar, at susunugin ang toro sa labas ng kampo. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng punong pari, ang mga taga-Israel ay matutubos sa kanilang mga kasalanan at patatawarin ng Panginoon ang mga kasalanan nila. Ito ang handog sa paglilinis para sa buong sambayanan ng Israel.
22Kung ang isang pinuno ay nakalabag sa utos ng Panginoon na kanyang Dios nang hindi sinasadya, nagkasala pa rin siya. 23At kapag nalaman niya na siya pala ay nagkasala, maghahandog siya ng isang lalaking kambing na walang kapintasan. 24Ito ay handog para sa paglilinis ng kanyang kasalanan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing at papatayin ito sa presensya ng Panginoon sa dakong pinagpapatayan ng mga hayop na inihahandog bilang handog na sinusunog. 25Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. 26Susunugin niya ang lahat ng taba sa altar katulad ng kanyang ginawa sa mga taba ng hayop na handog para sa mabuting relasyon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.
27Kung ang isang pangkaraniwang tao ay makalabag sa alin mang utos ng Panginoon nang hindi sinasadya, nagkasala pa rin siya. 28At kapag nalaman niyang siyaʼy nagkasala, maghahandog siya ng babaeng kambing na walang kapintasan para sa nagawa niyang kasalanan. 29Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing na handog sa paglilinis, at papatayin niya ito sa may Tolda, sa dakong pinagpapatayan ng mga hayop na handog na sinusunog. 30Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. 31Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng kambing katulad ng ginawa niya sa hayop na handog para sa mabuting relasyon. At susunugin niya sa altar ang taba at magiging mabangong samyo na handog at makalulugod sa Panginoon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, ang taoʼy matutubos at patatawarin siya ng Panginoon.
32Kung tupa naman ang ihahandog ng tao para maging malinis siya sa kanyang kasalanan, kinakailangang itoʼy babaeng tupa na walang kapintasan. 33Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng tupa at papatayin sa Tolda sa patayan ng mga hayop na handog na sinusunog. 34Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng tupa at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng handog na sinusunog. Ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. 35Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng tupa katulad ng ginawa niya sa tupang handog para sa mabuting relasyon. At susunugin niya ang taba sa altar pati na ang iba pang mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

Currently Selected:

Leviticus 4: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

Video for Leviticus 4