Leviticus 15
15
Ang mga Lumalabas sa Katawan ng Tao na Itinuturing na Marumi
1Inutusan ng Panginoon sina Moises at Aaron 2na sabihin ito sa mga taga-Israel:
Kung may lumalabas sa ari ng lalaki dahil sa kanyang sakit, ang lumalabas na iyon ay itinuturing na marumi. 3At kahit na magpatuloy ang pagtulo o hindi, ituturing pa rin siyang marumi. 4At ituturing na marumi ang anumang mahigaan o maupuan niya. 5-7At ang sinumang makahipo sa kanya o sa kanyang hinigaan o inupuan ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo,#15:5-7 Tingnan ang “footnotes” sa 11:24-28. pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
8Ang sinumang maduraan ng taong ito ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 9-10Ang anumang maupuan ng taong ito, katulad ng upuang ginagamit kapag sumasakay sa kabayo ay magiging marumi. Ang sinumang makahipo ng mga bagay na iyon ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
11Ang sinumang makahipo sa taong iyon habang hindi pa siya nakakapaghugas ng kanyang kamay ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 12Ang palayok na mahihipo ng taong iyon ay dapat basagin, at ang mga bagay na gawa sa kahoy ay dapat hugasan.
13-14Kung gumaling na ang may sakit na ito, maghihintay siya ng pitong araw. Pagkatapos, lalabhan niya ang kanyang damit at maliligo ng tubig na galing sa bukal. Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa presensya ng Panginoon malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan. At ibibigay niya sa paring maghahandog noon. 15Ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para maalis ang karumihan ng taong iyon dahil sa tumutulo sa ari niya; magiging malinis siya.
16Kung ang isang lalaki ay nilabasan ng kanyang binhi, kinakailangang maligo siya pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 17Ang alin mang damit o gamit na yari sa balat na natuluan ng binhi ay kinakailangang labhan, pero iyon ay ituturing pa ring marumi hanggang sa paglubog ng araw. 18Kapag nagsiping ang lalaki at babae, at nilabasan ang lalaki ng binhi, kinakailangang maligo silang dalawa, pero ituturing pa rin silang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
19Kung ang isang babae ay may buwanang dalaw, ituturing siyang marumi sa loob ng pitong araw, at ang sinumang makahipo sa kanya ay ituturing ding marumi hanggang sa paglubog ng araw. 20Ang anumang mahigaan o maupuan niya habang siyaʼy may buwanang dalaw ay magiging marumi. 21-23Ang sinumang makahipo sa kanyang hinigaan o inupuan ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, at ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
24Kung ang lalaki ay sumiping sa babaeng may buwanang dalaw, ituturing siyang marumi sa loob ng pitong araw. At ang anumang kanyang mahigaan ay ituturing na marumi.
25Kung ang babae ay dinudugo nang hindi pa panahon ng buwanan niyang dalaw o pagtatapos ng buwanan niyang dalaw, ituturing siyang marumi katulad ng kung siyaʼy may buwanang dalaw. At ituturing siyang marumi habang dinudugo siya. 26Ang anumang mahigaan niya at maupuan habang siyaʼy dinudugo ay magiging marumi katulad ng kung siyaʼy may buwanang dalaw. 27At ang sinumang makahipo ng mga iyon ay magiging marumi, kinakailangang maglaba siya ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
28-29Kung huminto na ang buwanang dalaw ng babae, maghihintay siya ng pitong araw at ituturing na siyang malinis. Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 30Ihahandog ng pari ang isa bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Ganito ang paraan na gagawin ng pari sa presensya ng Panginoon para maalis ang karumihan ng babae dahil sa buwanan niyang dalaw at magiging malinis na siya.
31Sinabihan ng Panginoon sina Moises at Aaron na bigyang babala ang mga taga-Israel tungkol sa mga bagay na nakapagpaparumi sa kanila, para hindi sila mamatay kapag lumapit sila sa Tolda ng Panginoon sa gitna ng kampo.
32-33Ito ang mga tuntunin tungkol sa lalaking nilalabasan ng kanyang binhi o may lumalabas sa ari niya dahil sa kanyang sakit, at tungkol sa babaeng dinudugo sa panahon ng buwanang dalaw o dinudugo bago ang kanyang buwanang dalaw, at tungkol sa lalaking sumisiping sa babaeng itinuturing na marumi.#15:32-33 babaeng … marumi: Ang ibig sabihin, hindi maaari para sa isang babae ang makisama sa kanilang seremonyang pangrelihiyon.
Currently Selected:
Leviticus 15: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.