YouVersion Logo
Search Icon

Juan 19

19
Hinatulan si Hesus ng Kamatayan
(Mat. 27:15‑31; Mar. 15:6‑20; Luc. 23:13‑25)
1Kaya ipinakuha ni Pilato si Hesus at ipinahagupit. 2Gumawa ang mga sundalo ng koronang tinik at ipinutong kay Hesus, at sinuotan nila siya ng kulay ubeng kapa. 3At isa-isa silang lumapit sa kanya at nagsabi, “Mabuhay ang hari ng mga Hudyo!” at pinagsasampal siya.
4Muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga naroon, “Makinig kayo! Ihaharap ko siyang muli sa inyo. Gusto kong malaman nʼyo na wala akong nakitang kasalanan sa kanya!” 5Nang lumabas si Hesus, suot ang koronang tinik at ang kulay ubeng kapa, sinabi ni Pilato, “Tingnan nʼyo siya!”
6Nang makita si Hesus ng mga namamahalang pari at ng mga guwardiya ng Templo, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!”
Ngunit sumagot si Pilato, “Kayo ang kumuha sa kanya at magpako sa krus, dahil kung sa akin lang ay wala akong makitang kasalanan sa kanya.”
7Sumagot ang mga pinuno ng mga Hudyo, “May batas kami. At ayon dito, dapat siyang mamatay dahil sinasabi niyang Anak siya ng Diyos.”
8Nang marinig ito ni Pilato, lalo pa siyang natakot. 9Kaya muli niyang dinala si Hesus sa loob ng palasyo at tinanong, “Taga-saan ka ba?” Ngunit hindi sumagot si Hesus. 10Kaya sinabi ni Pilato, “Bakit ayaw mo akong sagutin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?”
11Sumagot si Hesus, “Wala kang maaaring gawin sa akin kung hindi ka binigyan ng Diyos ng kapangyarihan. Kaya mas malaki ang kasalanan ng taong nagdala sa akin dito sa iyo.”
12Nang marinig ito ni Pilato, muli niyang sinikap na mapalaya si Hesus. Ngunit nagsigawan ang mga pinuno ng mga Hudyo, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Sapagkat ang sinumang nagsasabing hari siya ay sumasalungat sa Emperador.”
13Nang marinig ito ni Pilato, inilabas niya si Hesus sa palasyo. Pagkatapos, umupo siya sa upuan ng tagahatol, sa lugar na kung tawagin ay Batong Plataporma (na sa wikang Arameo ay Gabatha). 14Bandang tanghali na noon ng bisperas ng Pista ng Paglampas ng Anghel.
Sinabi ni Pilato sa mga tao, “Narito ang hari ninyo!”
15Ngunit nagsigawan sila, “Patayin siya! Patayin siya! Ipako siya sa krus!”
Sinabi ni Pilato sa kanila, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?”
Sumagot ang mga namamahalang pari, “Wala kaming ibang hari kundi ang Emperador!”
16Kaya ibinigay ni Pilato sa kanila si Hesus upang ipako sa krus.
Ipinako sa Krus si Hesus
(Mat. 27:32‑44; Mar. 15:21‑32; Luc. 23:26‑43)
Kaya dinala si Hesus ng mga sundalo 17palabas ng lungsod. Ipinapasan nila kay Hesus ang kanyang krus papunta sa lugar na tinatawag na Lugar ng Bungo (na sa wikang Arameo ay Golgota). 18Doon nila ipinako sa krus si Hesus, kasama ng dalawa pa. Sa kanan ang isa at ang isa namaʼy sa kaliwa, at nasa gitna nila si Hesus.
19Pinalagyan ni Pilato ng karatula ang krus ni Hesus, at ganito ang nakasulat: Si Hesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Hudyo.
20Nakasulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griyego. Maraming Hudyo ang nakabasa nito, dahil malapit lang sa lungsod ang lugar kung saan ipinako sa krus si Hesus.
21Nagreklamo ang mga namamahalang pari kay Pilato, “Hindi dapat ‘hari ng mga Hudyo’ ang isinulat nʼyo kundi, ‘Sinabi ng taong ito na siya raw ang hari ng mga Hudyo.’ ”
22Ngunit sinagot sila ni Pilato, “Kung ano ang isinulat ko, iyon na.”
23Nang maipako na ng mga sundalo si Hesus, kinuha nila ang kanyang damit at hinati-hati sa apat, tig-iisang bahagi ang bawat sundalo. Kinuha rin nila ang kanyang panloob na kasuotan na hinabi nang buo at walang tahi o dugtong.
24Kaya sinabi ng isang sundalo, “Huwag na natin itong paghatian. Magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.”
Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa Kasulatan:
“Ang aking mga damit ay kanilang pinaghati-hatian,
at nagpalabunutan sila para sa aking panloob na kasuotan.”#19:24 Salmo 22:18.
At ito nga ang ginawa ng mga sundalo.
25Nakatayo malapit sa krus ni Hesus ang kanyang ina, ang kapatid ng kanyang ina, si Maria na asawa ni Clopas, at si Maria na taga-Magdala. 26Nang makita ni Hesus ang kanyang ina na nakatayo roon katabi ng minamahal niyang alagad, sinabi niya, “Ituring po ninyo siyang anak.” 27At sinabi naman niya sa alagad niya, “Ituring mo siyang ina.” Mula noon, tumira na ang ina ni Hesus sa tahanan ng alagad na ito.
Ang Pagkamatay ni Hesus
(Mat. 27:45‑56; Mar. 15:33‑41; Luc. 23:44‑49)
28Alam ni Hesus na tapos na ang misyon niya, at para matupad ang nakasulat sa Kasulatan, sinabi niya, “Nauuhaw ako.” 29May isang banga roon na puno ng maasim na alak. Isinawsaw ng mga sundalo ang isang espongha sa alak, ikinabit sa sanga ng hisopo at inilapit sa bibig ni Hesus. 30Nang masipsip na ni Hesus ang alak, sinabi niya, “Tapos na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
31Bisperas na noon ng Araw ng Pamamahinga, at dahil ayaw ng mga Hudyo na maiwan sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga, hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakapako upang madali silang mamatay, at nang maalis agad ang mga bangkay. 32Kaya ito nga ang ginawa ng mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng dalawang kasama ni Hesus na ipinako. 33Ngunit pagdating nila kay Hesus, nakita nilang patay na siya, kaya hindi na nila binali ang mga binti niya. 34Sa halip, sinaksak ng sibat ng isa sa kanila ang tagiliran ni Hesus at biglang dumaloy ang dugo at tubig. 35Nakita ko mismo ang mga pangyayari, at isinasalaysay ko ito sa inyo. Totoong nangyari ito, kaya alam kong totoo ang mga sinasabi ko. Isinasalaysay ko ito upang sumampalataya rin kayo. 36Nangyari ang mga bagay na ito upang matupad ang sinasabi sa Kasulatan, “Walang mababali ni isa man sa kanyang mga buto.”#19:36 Exo. 12:46; Bil. 9:12; Salmo 34:20. 37Sinasabi rin sa isa pang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang taong sinaksak nila.”#19:37 Zac. 12:10.
Ang Paglilibing kay Hesus
(Mat. 27:57‑61; Mar. 15:42‑47; Luc. 23:50‑56)
38Pagkatapos nito, hiningi ni Jose na taga-Arimatea ang bangkay ni Hesus kay Pilato. Si Jose ay isang alagad ni Hesus, ngunit palihim lang dahil natatakot siya sa mga pinuno ng mga Hudyo. Pinayagan siya ni Pilato, kaya pinuntahan niya ang bangkay ni Hesus para kunin ito. 39Sinamahan siya ni Nicodemo, ang lalaking bumisita noon kay Hesus isang gabi. Nagdala si Nicodemo ng mga 35 kilo ng pabango na gawa sa pinaghalong mira at aloe. 40Kinuha nila ang bangkay ni Hesus at nilagyan ng pabango at binalot ng telang lino, ayon sa nakaugalian ng mga Hudyo sa paglilibing. 41Sa lugar kung saan ipinako si Hesus ay may halamanan. At doon ay may isang bagong libingan na hindi pa napapaglibingan. 42Dahil bisperas na noon ng Araw ng Pamamahinga, at dahil malapit lang ang libingang iyon, doon na nila inilibing si Hesus.

Currently Selected:

Juan 19: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in