YouVersion Logo
Search Icon

Jeremias 29

29
Ang Sulat ni Jeremias para sa mga Bihag
1Mula sa Jerusalem, sumulat si Jeremias sa mga tagapamahala, mga pari, mga propeta, at sa iba pang mga bihag na dinala ni Nebucadnezar sa Babilonia. 2Isinulat niya ito pagkatapos na mabihag si Haring Jehoyakin, ang kanyang ina, ang mga namamahala sa palasyo, mga pinuno ng Juda at Jerusalem, at ang mahuhusay na panday at manggagawa. 3At ibinigay ni Jeremias ang sulat kina Elasa na anak ni Shafan at Gemaria na anak ni Hilkia. Sila ang sinugo ni Haring Zedekia kay Nebucadnezar sa Babilonia. Ito ang nakasaad sa sulat:
4Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, sa lahat ng taga-Jerusalem na ipinabihag niya sa Babilonia. 5“Magtayo kayo ng mga bahay at doon kayo tumira. Magtanim kayo at kumain ng inyong ani. 6Mag-asawa kayo at nang magkaanak kayo. Hayaan din ninyong mag-asawa ang mga anak nʼyo at nang magkaanak din sila para dumami kayo nang dumami. 7Tumulong kayo para sa kabutihan at kaunlaran ng lungsod na pinagdalhan sa inyo. Ipanalangin nʼyo ito dahil kapag umunlad ito, uunlad din kayo.”
8Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Huwag kayong palilinlang sa mga propeta ninyo o sa mga kasama ninyong manghuhula. Huwag kayong maniniwala sa mga panaginip nila. 9Sapagkat nagsasalita sila ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo. 10Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing pagkatapos ng 70 taon na pagsakop ng Babilonia, babalikan ko kayo at tutuparin ko ang pangako ko na ibabalik ko kayo sa lupain ninyo. 11Alam ko kung paano ko tutuparin ang mga plano ko para sa kabutihan nʼyo at hindi sa kasamaan nʼyo, at plano para bigyan kayo ng pag-asa na magkaroon kayo ng mabuting kinabukasan. 12Kung magkagayon, tatawag at mananalangin kayo sa akin, at diringgin ko kayo. 13Kung lalapit kayo sa akin nang buong puso, tutulungan ko kayo. 14Oo, tutulungan ko kayo at ibabalik mula sa pagkakabihag.#29:14 ibabalik … pagkakabihag: o, ibabalik ko ang kayamanan ninyo. Titipunin ko kayo mula sa ibaʼt ibang bansa na pinangalatan ko sa inyo, at ibabalik ko kayo sa sarili ninyong lupain.
15“Baka sabihin nʼyong nagsugo ako sa inyo ng mga propeta riyan sa Babilonia, 16pero ito ang sinabi ko tungkol sa haring nagmula sa angkan ni David at sa lahat ng kababayan nʼyo na naiwan sa lungsod ng Jerusalem na hindi nabihag kasama nʼyo: 17Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom at sakit. Matutulad sila sa bulok na igos na hindi na makakain. 18Talagang hahabulin sila ng digmaan, taggutom at sakit, at kasusuklaman sila ng lahat ng kaharian. Itataboy ko sila sa kung saan-saang bansa, at susumpain, kasusuklaman at kukutyain sila roon ng mga tao. 19Sapagkat hindi nila pinakinggan ang mga salita ko na palaging sinasabi sa kanila ng mga lingkod kong propeta. At pati kayong mga binihag ay hindi rin naniwala.”
20Kaya makinig kayo sa sinasabi ng Panginoon, kayong mga ipinabihag niya mula sa Jerusalem papunta sa Babilonia. 21Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, tungkol kina Ahab na anak ni Kolaya at Zedekia na anak ni Maaseya, “Nagsalita sa inyo ng kasinungalingan ang mga taong ito sa pangalan ko. Kaya ibibigay ko sila kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sila ay ipapapatay niya sa harap mismo ninyo. 22Dahil sa kanila, ang lahat ng bihag sa Babilonia na mga taga-Juda ay susumpa ng ganito sa kapwa nila, ‘Nawaʼy patayin ka ng Panginoon katulad nina Zedekia at Ahab na sinunog ng hari ng Babilonia.’ 23Mangyayari ito sa kanila dahil gumawa sila ng mga kasuklam-suklam na bagay sa Israel. Nangalunya sila sa asawa ng kapwa nila at nagsalita ng kasinungalingan sa pangalan ko na hindi ko iniutos na gawin nila. Nalalaman ko ang mga ginawa nila at makapagpapatunay ako laban sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Mensahe para kay Shemaya
24-25Ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagbigay sa akin ng mensahe para kay Shemaya na taga-Nehelam. “Ito ang sinabi niya: Shemaya, sa pamamagitan ng pangalan mo lang ay nagpadala ka ng sulat kay Zefanias na anak ni Maaseya na pari, at pinadalhan mo rin ng kopya ang iba pang mga pari, at ang lahat ng taga-Jerusalem. Ayon sa sulat mo kay Zefanias, sinabi mo, 26‘Hinirang ka ng Panginoon na papalit kay Jehoyada bilang tagapamahala ng templo. Katungkulan mo ang pagdakip at paglalagay ng kadena sa leeg ng sinumang hangal na nagsasabing propeta siya. 27Bakit hindi mo pinigilan si Jeremias na taga-Anatot na nagsasabing propeta siya riyan sa inyo? 28Sumulat pa siya rito sa amin sa Babilonia na kami raw ay magtatagal pa rito. Kaya ayon sa kanya, magtayo raw kami ng mga bahay at dito na kami manirahan, magtanim at kumain ng ani namin.’ ”
29Nang matanggap ni Zefanias ang sulat ni Shemaya, binasa niya ito kay Propeta Jeremias. 30Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 31“Ipadala mo ang mensaheng ito sa lahat ng bihag. Sabihin mo sa kanilang ito ang sinabi ko tungkol kay Shemaya na taga-Nehelam: Hindi ko sinugo si Shemaya para magsalita sa inyo. Pinapaniwala niya kayo sa kasinungalingan niya. 32Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing parurusahan ko siya pati ang mga angkan niya. Wala ni isa man sa mga angkan niya ang makakakita ng mga mabubuting bagay na gagawin ko sa inyo, dahil tinuruan niya kayong magrebelde sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Currently Selected:

Jeremias 29: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in